Ang Biblia ay ang kinasihang salita ng Diyos. Ito ay puno ng marikit na patulang lenggwahe at mga kahanga-hangang metapora. Isa sa mga metaporang ito ay masusumpungan sa Jer 2:13. Ang Diyos ay tinukoy bilang “bukal ng buhay na tubig.” Tinakwil siya ng bayan at sa halip ay pinili ang mga sirang balong hindi malalamnan ng tubig.
Ang bukal ng buhay na tubig ay tumutukoy sa isang napagkukunan ng sariwa, dumadaloy na tubig. Ang pinagkukunang ito ay laging nariyan at hindi natutuyo sa mga buwang walang ulan. Isang malalim na balon, na nagbibigay ng tubig mula sa ilog sa ilalim ng lupa, ay isang halimbawa. Ang isang balon, sa kabilang dako, ay gawa ng tao upang mag-imbak ng tubig-ulan. Kailangan sila sa mga pagkakataong walang bukal ng buhay na tubig na masumpungan.
Ang problema sa balon ay hindi sariwa ang tubig. Bilang karagdagan, ang mga balon ay maaaring masira at ang tubig na naipon ay dadaloy at mawawala. Ang mga balong gaya nito ay ganap na walang silbi.
Sa Jeremias 2, kinukumpara ni Jeremias ang Diyos sa mga idolo. Ang Panginoon ay bukal ng buhay na tubig, samantalang ang mga idolo ay sirang balon. Ang punto ay malinaw. Ang mga pagpapala ay darating sa bansa kung sila ay magtitiwala sa Panginoon. Bibigyan Niya sila ng ulan sa tamang panahon, malaking ani, malaking pamilya, tagumpay sa mga kaaway, at mahabang buhay sa lupa. Ang Panginoon ang pinagmumulan ng lahat ng buhay at ng lahat ng mabuti. Ang mga idolo ay walang maibibigay na anuman.
Isang larawan ng mga katotohanang ito ang makikita sa Jeremias 14. Ang madla ay lumapit sa mga idolo para sa ulan at masaganang ani. Tinalikuran nila ang Panginoon. Ang resulta ng kanilang gawa ay nakaranas sila ng matinding tagtuyo. Walang ulan. Ang mga idolo ay tila mga sirang balon ng tubig. Sa katotohanan, sinabi ni Jeremias na sa panahon ng tagtuyot ang mga tao ay lumapit sa mga literal na balon upang maghanap ng tubig at walang nakita (Jer 14:1-6). Ang buong lupa ay nagdusa dahil sa kalagayang ito. Ang metapora ng idolo na tulad ng sirang balon ay naisabuhay nang ang lupain ay puno ng mga balong walang laman.
Ang lahat ng ito ay isang marikit na larawan ng Panginoon. Siya ang nagbibigay-lugod. Kapag ang Kaniyang bayan ay nauuhaw, o may iba pang pangangailangan, Siya ang pinagmumulan ng tulong. Isipin mo ang isang lalaking uhaw sa isang mainit na araw na dumating sa balon ng dumadaloy na tubig. Ang kaniyang uhaw ay napatid. Ikumpara mo siya sa ibang lalaking lumapit sa isang basag na tapayang seramiko na naghahanap ng tubig. Siya rin ay naiinitan at nauuhaw. Ngunit umalis siyang nasa pangangailangan. Ang unang lalaki ay larawan ng isang nagtitiwala sa Panginoon. Ang ibang lalaki ay ang taong naglagak ng kaniyang tiwala sa ibang bagay.
Ang apila ni Jeremias para sa mga Israelita ng kaniyang kapanahunan ay ang makita nila ang kadakilaan ng kanilang Diyos. Sa kanilang lupain, ang bukal ng buhay na tubig ay bihira at kung ganuon ay napakahalaga. Kailangan nilang tumingin sa Panginoon at iwanan ang kanilang mga walang silbing diyos.
Ang hula ko ay karamihan sa mga nagbabasa ng blog na ito ay pareho ang iniisip. Hindi ba’t ginamit ni Jesus ang kaparehong metapora sa isang pag-uusap sa isang babae sa balon? Oo ginamit Niya.
Nang kausap Niya ang babae sa balon, sinabi Niyang Siya ang bukal ng buhay na tubig. Ibibgay Niya ito sa kaniya kung siya ay nanampalataya sa regalo ng Diyos, ang buhay na walang hanggan, at ang Tagabigay ng regalo, Siya mismo, ang Mesiyas (Juan 4:10-14).
Dakila ang larawan ng Panginoon sa Jeremias 2, ngunit ang metaporang ginamit ng Panginoon sa bukal ng tubig na buhay ay mas lalong dakila. Ang tubig na kaniyang binabanggit ay hindi malaking ani, malaking pamilya at masaganang tubig sa gitna ng tagtuyot. Nag-aalok Siyang tugunan ang ating pinakamalaking pangangailangan at uhaw. Ang tubig na inaalok ni Jesus ay bubukal sa buhay na walang hanggan (Juan 4:14). Bago tayo manampalataya sa Kaniya (= pag-inom sa buhay na tubig), wala tayong buhay na iyan. Nang tayo ay manampalataya, tinanggap natin, sa sandaling iyan, ang walang katapusang buhay na taglay natin ngayon at magpakailan pa man. Ang tubig na ito ay nakabibigay-lugod, anupa’t sinabi ni Jesus sa babae, na kailangan niya lang uminom nang isang beses. Hindi niya na ito maiwawala o hindi na siya mauuhaw pa muli rito.
Ang sinumang naghahanap ng tubig sa mga sirang balon (relihiyong gawa ng tao) ay hindi makasusumpong nito. Sinubukan na ito ng tao. Hinanap nila ito sa pagtalikod sa mga kasalanan, pagsuko, nangangakong maglilingkod sa Diyos, at mga relihiyosong ritwal. Ang mga taong ito ay nauuhaw ngunit pumupunta sa maling pagkukunan upang mapatid ito. Hindi nila masusumpungan ang buhay na walang hanggan sa sirang mga balon.
Sadyang kahanga-hanga ang ating Panginoon! Kinuha Niya ang metapora ni Jeremias tungkol sa biyaya ng Kaniyang Ama sa bansang Israel at ginawang itong mas maigi. Siya ang bukal ng tubig ng buhay na walang hanggan. Ang buhay na ito ay para sa lahat ng nanampalataya sa Kaniya para rito. Ang mga maroon nito ay madadala ang bukal ng tubig na ito saan man sila pumunta.