Pinadala ni Michael ang napakagandang tanong na ito:
Magandang hapon. Kamakailan nakinig ako sa inyong episodo sa radyo nitong Agosto 7 na may pamagat na, “If I Lose Assurance, Do I Lose Everlasting Life?” (Kung Maiwala ko ang Aking Katiyakan, Maiwawala Ko Ba Ang Buhay na Walang Hanggan?) Sa episodong ito, ang pinakamadalas na tanong o pagtutol sa posisyung free grace ay tinalakay tungkol sa kung paanong ang katiyakan/OSAS ay nagbibigay sa tao ng lisensiyang magkasala at mamuhay sa anumang paraang nais nila na walang konsekwensiya. Sa tingin ko ang akusasyong ito ay argumentong mala-dayami. Ang nakita kong ebidensiya ay hindi ito sinusuportahan. Naranasan ko pareho sa aking buhay ang free grace at kaunting lordship, ang aking mga karanasan ay nagsasabing ang pagtatalaga at pagtitiis ay mas malamang na manggaling sa mga taong nanghahawak sa posisyung free grace. Ang mga imposibleng pamantayan ng kaligtasang lordship ay sumusunog sa mga tao at marami ang lumalayo kapag nakita nilang hindi nila kayang isabuhay ang mga hinihingi nito. Sigurado akong posible, ngunit wala akong kilalang taong nanghawak sa teolohiyang free grace na naniniwala ring may lisensiya silang magkasala. Gusto kong marinig ang iyong kaisipan tungkol sa paksang ito.
Sang-ayon ako kay Michael na ang argumentong lisensiya-upang-magkasala ay mala-dayami. Kahit ang mga ateista ay hindi naniniwalang may lisensiya silang magkasala. Alam ng lahat na kapag gumagamit ka ng fentanyl, mamamatay ka malibang ikaw ay mag-rehab. Alam ng lahat na ang adiksiyon sa droga (kabilang na ang alkoholismo) ay napakasaklap. Walang nanghahawak sa free grace ang naniniwalang maaari kang lumakad palayo sa Panginoon na walang konsekwensiya. Aanihin natin ang ating inihahasik.
Totoong maraming nanghahawak sa kaligtasan sa pamamagitan ng mga gawa, kabilang na ang Lordship Salvation, ang nasusunog kalaunan at lumalayo. Ang takot sa impiyerno ay nakakaparalisa.
Tinuturo ng posisyung Free Grace na minsang maligtas, ligtas tayo magpakailan man. Totoo ito anumang uri tayo mamuhay. Ngunit tinuturo rin nating aanihin natin ang ating inihahasik. Samakatuwid, kapag tayo ay naging mga alibughang anak, masusumpungan natin ang ating mga sarili sa taggutom at magdurusa maliban at hanggang tayo ay bumalik sa Ama (Lukas 15:11-24). At kung tayo ay mamatay na walang pakikisama sa Panginoon, makakaranas tayo ng kahihiyan sa Hukuman ni Cristo (1 Juan 2:28) mawawalan tayo ng pagkakataong magharing kasama Niya magpakailan man (2 Tim 2:12), bagama’t tayo ay mamumuhay kasama Niya magpakailan man (1 Tes 5:10).
May kilala akong mga tagataguyod ng Free Grace na malapit sa paniniwalang sila ay may lisensiyang magkasala. Hindi marami. Pero may iilan.
Minsang kong nakasalamuha ang isang lalaking may ministri sa radyo. Nag-aangkin siyang tagataguyod ng Free Grace. Sinabi niyang ang mga mananampalataya ay wala sa ilalim ng kahit na anong uri ng kautusan ngayon. Lahat ay legal. Hindi natin kailangang magkumpisal ng ating mga kasalanan. Lagi tayong may pakikisama sa Diyos, anumang mangyari. Ang pagkukumpisal ng mga kasalanan ay legalistiko.
Nagbigay siya ng ilustrasyon sa ere (at sa kaniyang mga limbag) ng isang haring nagpakasal sa isang patutot at nagdeklarang ang prostitusyon ay legal sa kaniyang bansa. Inisip niyang titigil siya sa pagiging patutot dahil hindi na ilegal ang prostitusyon. Ang punto niya ay kapag natanto ng isang mananampalatayang walang ilegal, nawawala ang kariktan ng kasalanan, at masisiyahan tayong sumunod sa Diyos.
Ang ironiya ay ilang taong nakalipas, siya ay inaresto sa paghanap ng prostitusyon sa isang operasyon kung saan isang babaeng kagawad ng pulisya ay nagpanggap na patutot. Mayroon silang narekord kung saan siya ay nag-aalok ng pera kapalit ng pakikipagtalik. Hindi niya kinontest ang akusasyon. Kalaunan, sinabi niyang siya ay inosente ngunit nagsabing guilty upang maisalba ang pera ng kaniyang ministri. Ang kaniyang paliwanag ay hindi kapani-paniwala sa dose-dosenang istasyon ng radyong binitiwan ang kaniyang programa.
Naniniwala akong kahit ang lalaking ito at ang kaniyang mga tagpakinig ay alam na aanihin natin ang anumang ating inihasik. Naranasan niya ito nang siya ay arestuhin, irekord, nilitis at napatunayang nagkasala sa korte ng batas.
Kahit ang kursuryong pag-aaral ng salitang kautusan (nomos) sa BT ay nagpapakitang ang mga mananampalataya ay nasa ilalim ng “kautusan ni Cristo” at ng “kautusan ng hari” (Gal 6:2; San 2:8). Samantalang tayo ay wala sa ilalim ng Kautusan ni Moises, tayo ay nasa ilalim ng mga utos ng BT.
Tinuturo ng Free Grace na aanihin natin ang ating inihasik sa buhay na ito, at aanihin natin ang ating inihasik sa buhay na darating (Lukas 15:11-24; 19:16-26; Gal 6:7-9; Pah 2:26).
May mga tao bang nanghahawak sa Free Grace na nahuhulog? Oo naman. Pero marami ring Calvinista at Arminiano na nahuhulog din. Sang-ayon ako kay Michael. Mas bihirang mahulog ang mga naniniwala sa Free Grace kaysa sa mga naniniwala sa Lordship Salvation.
Manatiling nakapokus sa biyaya.