May napakagandang tanong si Matt:
Alam ko na karamihan, kung hindi man lahat na teologong Free Grace ay nanghahawak na ang mga hindi tapat na mananampalataya ay maaaring disiplinahin ng Diyos ng maagang kamatayan. Malinaw na ito ay may saligan sa Kasulatan, gaya nina Ananias at Saphira. Subalit ang isang bago sa Free Grace ay maaaring magtanong, maaari ba ang isang tapat na mananampalataya ay mamatay bago ang kaniyang oras? Ang maaga bang kamatayan ng isang tapat na mananampalataya ay maaaring gamitin ng Diyos upang papaglapitin ang Kaniyang iglesia sa Kaniya?
Salamat at ipagpatuloy ninyo ang inyong mabuting gawa.
Alam natin na ang Panginoong Jesus ay namatay bago ang edad 40, bago maabot ang 70 o 80 na taong binanggit ni Moses sa Awit 90:10. Si Apostol Santiago na kapatid ng Apostol Juan ay namartir sa kamay ni Herodes nang mga taong AD 44 nang siya ay nasa mga edad na 40 (Gawa 12:2). Ang mga apostol Pedro at Pablo ay parehong namatay nang mga taong AD 66, na ang edad ay naglalaro sa 60. Si Jim Elliot, 29, at apat na kabataang misyonaryo ay pinatay sa Timog America ng mga Indiyan na nais nilang maabot. Si Lois Evans, asawa ni Dr. Tony Evans ay namatay sa cancer sa edad na 70 noong 2020.
Lahat tayo ay may kilalang mga mananampalataya na namatay na bata at naglilingkod nang tapat sa Panginoon nang sila ay namatay.
Ang tanong ni Matt na hindi niya diretsahang hinayag ay kung bakit ito ay pinapayagan ng Diyos.
Nagbigay na siya mismo ng isang posibleng kasagutan: ginagamit ng Diyos ang kamatayan ng isang tapat na mananampalataya upang ilapit ang iglesia, at ang kanilang mga kapamilya at kaibigan sa Kaniya.
Hindi lahat tumutugon sa kamatayan ng isang kaibigan o minamahal sa pamamagitan ng paglapit sa Panginoon. Ang iba ay nagagalit sa Panginoon at ang iba ay nahuhulog sa pananampalataya.
Masasabi ko na ang dahilan kung bakit hinahayaan ng Diyos ang maagang kamatayan ng ilan sa mga tapat na mananampalataya ay dahil ang mga kamatayang iyon ay nakapaluluwalhati sa Kaniya.
Maaaring ang maagang pag-uwi ng Diyos sa mga tapat na mananampalataya ay dahil sa kaawaan. Marahil may hindi magandang pangyayari na darating sa lunsod o bayan na kanilang tinitirahan. Ang mapayapang kamatayan ng anak na lalaki ni Jeroboam dahil sa sakit ay isang kaawaan sa bahagi ng Diyos (1 Hari 14); siya ay nabigyan nang maayos na libing at hindi nakasama sa nakahihiyang kamatayan na tinanggap ng lahat ng mga anak ni Jeroboam sa kamay ni Baasa (1 Hari 15:29). O maaaring alam ng Diyos na ang mga tapat na mananampalataya ay mahuhulog sa pananampalataya kapag nabigyan ng mas mahabang buhay sa lupa. Hindi ko alam kung madalas itong gawin ng Diyos. Ngunit ito ay sinikap na gawin ng Diyos sa kaso ni Haring Ezekias. Nang ihayag ni Isaiah ang kaniyang kamatayan, nakiusap si Ezekias ng karagdagang mga taon at ang Diyos ay binigyan siya ng karagdagang 15 taon (2 Hari 20). Isa sa mga ginawa ni Ezekias ay ang ipakita sa mga kinatawan ng Babilonia ang lahat ng kayamanan at lakas ng Judah. Maiiwasan sana ito ni Ezekias kung siya ay yumaon nang sabihin ng Diyos na oras na upang siya ay mamatay. Dahil din sa karagadagang 15 taon na ito, naging anak niya si Manases. Ang anak na ito ay lumaking napakasamang hari. Hindi sana siya magiging hari kung namatay si Ezekias gaya ng orihinal na panukala ng Diyos.
Gaya ng sinabi ni Matt, minsan kinukuha ng Diyos nang maaga ang buhay ng mga mapaghimagsik na mananampalataya. Ang ilan sa pumapasok sa isipan ay sina Nadab at Abihu (Levitico 10) at Ananias at Saphira (Gawa 5). Ganuon din ang mga mananampalataya na hindi ginalang ang Hapunan ng Panginoon sa Corinto (1 Cor 11:30). Ngunit hind ibig sabihin na lahat ng mananampalatayang namatay na bata ay mapaghimagsik. Maraming mananampalataya na namatay na maaga ay mga tapat sa Diyos. May dahilan ang Diyos kung bakit inuuwi Niya nang maaga ang ilan sa mga tapat na mananampalataya.