Tinuruan akong mag-evangelio sa seminaryo ng isang bantog na teologo at ng isang propesyonal na evangelista. Wala sa dalawa ang malinaw sa kung ano ang dapat gawin ng isang tao upang maligtas kailan pa man.
Nuong isang araw, si Sam Marr, na nasa GES mula nitong nakaraang Oktubre, ay may pinakita sa aking artikulo sa isang magasin patungkol sa evangelismo. Ang artikulo ay sinulat ng isang propesor sa seminaryong nagtuturo ng kurso sa evangelismo at apolohetiko. Sa madalaing salita, siya ay propesyonal pagdating sa evangelismo.
Ang blog na ito ay tututok sa mga mali o nakalilitong pahayag tungkol sa evangelismo.
Ang artikulo sa magasin ay may simpleng pamagat, “Evangelism” (“Evangelismo”). Ang awtor ay bumanggit ng dalawampu’t apat na sitas- nang hindi sumipi kahit isa- at nagbigay ng lima o anim na linya ng paliwanag kung paano gamitin ang tekstong iyan para sa evangelismo. Pinili ko ang apat sa kaniyang mga paliwanag para ikunsidera.
Juan 3:16. Sinulat niya, “Ang presentasyon ng evangelio ay dapat may taglay na apat na mahalagang elemento: ang realidad ng Diyos; ang kasalanan ng taong naghihiwalay sa atin mula sa Diyos; ang tumutubos na gawain ni Cristo, at ang pangangailangan ng pananampalataya. Ang pinakabantog sa mga sitas ay nagpapakita ng lahat ng apat na elemento. Kanino mo ibabahagi ang mensahe ng sitas na ito ngayon?”i
Dalawa sa apat na elementong tinalakay ng awtor ay hindi aktuwal na makikita sa Juan 3:16. Walang binaggit ang Panginoon sa sitas tungkol sa kasalanan ng tao o tungkol sa Kaniyang tumutubos na gawa.
Nalulungkot akong bigo ang awtor na makita ang dalawa sa mahalagang elemento sa Juan 3:16. Ang mga ito ay pananampalataya, Jesus at buhay na walang hanggan. Binaggit niya ang pananampalataya, ngunit hindi ang pananampalataya kay Jesus, at hindi para sa buhay na walang hanggan.
Gawa 2:38-39. Nagulat akong makita ito sa lista. Ito ay paboritong teksto ng Church of Christ (Iglesia ni Cristo), na nanghahawak sa limang kundisyon ng kaligtasan (manampalataya, sumunod, magkumpisal, magsisi at magpabautismo) at sa posibleng pagkawala ng kaligtasan kung apat sa mga kundisyong ito ay hindi masunod hanggang kamatayan. Mayroong paliwanag dispensasyunal. Tingnan ang artikulong ito ni Lanny Thomas Tanton, isang dating evangelista ng Church of Christ (Iglesia ni Cristo).
Subalit, ang propesyunal na evangelistang sumulat ng artikulong ito ay nagsabi, “Ang tugon ni Pedro [sa “Ano ang dapat naming gawin?”] ay nagbibigay ng magandang imbitasyong magsisi at manampalataya. Manalanging bigyan ng Diyos ng oportunidad na ibahagi ang evangelio sa iba sa araw na ito.”ii
Ngunit ang nag-iisang kundisyon ng buhay na walang hanggan, gaya ng banggit sa Juan 3:16, ay manampalataya kay Jesucristo. Bakit sinabi ng awtor na kailangan nating manampalataya at magsisi upang maligtas?
At bakit hindi niya sinama ang bautismo? Sinabi ng Gawa 2:38 na para sa mga Judiong guilty ng pagsang-ayon sa pagpako kay Cristo, kailangan ang bautismo, isang kundisyon upang patawarin ang mga kasalanan.
Siyempre, hindi nila tinanong, “Ano ang dapat naming gawin upang maligtas?” Ikumpara sa Gawa 16:30. Sila ay nanampalataya na kay Cristo gaya ng pinapakita ng Gawa 2:37. Tinatanong nila kung ano ang dapat nilang gawin upang matakasan ang guilt ng partisipasyon sa pagpako sa Mesiyas. Tingnan ang artikulo ni Tanton para sa mas maraming detalye.
1 Juan 5:13. Sinulat ng awtor ng magasin: “Bakit natin binabahagi ang evangelio sa mga tao? Upang ang ibang tao ay makibahagi sa taglay nating parehong pag-asa sa buhay na walang hanggan!”iii
Ang 1 Juan 5:13 ay minamahal na sitas. Ngunit hindi binanggit ni Juan ang salitang pag-asa. Maraming nagpupuntong hindi binabanggit ni Juan ang kaligtasang inaasahan kundi ang kaligtasang nalalaman.
Sinulat ni Juan: “Ang mga bagay na ito ay isinulat ko sa inyo, upang inyong [patuloy na] maalaman na kayo’y mayroong buhay na walang hanggan, sa makatuwid ay sa inyong nananampalataya sa pangalan ng Anak ng Dios.”iv Malinaw sa 1 Juan 2:13-28 na batid ng mga mambabasang sila ay mayroong buhay na walang hanggan. Ngunit may huwad na gurong “ibig na magligaw” (1 Juan 2:26) sa mga mambabasa patungkol sa “pangakong Kaniyang ipinangako sa atin, ang buhay na walang hanggan” (1 Juan 2:25). Sinulat niya ang 1 Juan 5:9-12 upang patuloy na malaman ng mga mambabasang sila ay may buhay na walang hanggan at upang sila ay patuloy na “nananampalataya sa pangalan ng Anak ng Dios.”
Ang 1 Juan 5:13 ay isang napakahusay na sitas evangelistiko. Ngunit huwag kang magbahagi ng inaasahang kaligtasan kundi isang nalalamang kaligtasan.
Jonas 3:3-6. Nasorpresa akong makita ang pasaheng ito sa lista. Hindi nag-evangelio si Jonas sa Ninive. Nangaral siya ng mensahe ng paghuhukom: “Apat na pung araw pa at ang Ninive ay mawawasak!” (Jonas 3:4).
Asan ang evangelio sa mensaheng ito?
Ang sabi ng awtor ng magasin patungkol sa Jonas 3:#-4: “Bagama’t may kapintasan at ayaw, nagministerio si Jonas sa Ninive at nasaksihan ang kumbersiyon ng buong lunsod.”v
Ang kundisyon ng buhay na walang hanggan- gaya ng pagkabanggit sa Juan 3:16 at mahigit sa isandaang ibang teksto sa LT at BT- ay manampalataya kay Jesucristo. Walang indikasyon sa Jonas 3:3-6, o sa anumang bahagi ng aklat, na pinangaral ni Jonas ang mensaheng ito.
Bagamat hindi sinabi, sa tingin ko alam ko kung bakit pinili ng awtor na ito ang tekstong ito. Sinipi ng Panginoong Jesus ang aklat ni Jonas sa Mat 12:41: “Magsisitayo sa paghuhukom ang mga tao sa Nineve na kasama ng lahing ito, at ito’y hahatulan: sapagka’t sila’y nagsipagsisi sa pangangaral ni Jonas; at narito, dito’y may isang lalong dakila kay sa kay Jonas.”
Kung iniisip ng isang ang pagsisisi ay kundisyon ng buhay na walang hanggan- gaya ng awtor ng artikulo sa evangelismo- sinasabi nga ng Panginoong pinangunahan ni Jonas ang milyon sa Ninive na maipanganak na muli. Subalit, ang kundisyon ng buhay na walang hanggan ay pananampalataya kay Cristo, hindi pagsisisi. Sinasabi lamang ng Panginoong ang Israel ay dapat nagsisi sa Kaniyang pangangaral. Siyempre kung ginawa nila ito, sila ay siguradong mananampalataya sa Kaniya nang Kaniyang ipangaral ang nagliligtas na mensahe.
Nag-evangelio ba si Jonas sa mga taga-Ninive pagkatapos siyang sawayin ng Diyos sa kabanata 4? Marahil. Gusto kong isipin na oo. Pero kung oo, ibabahagi niya ang pangako ng buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng pananampalataya sa darating na Mesiyas.
Mariin akong sumasang-ayong gamitin ang Juan 3:16 sa evangelismo. Ngunit dapat gamitin ito nang tama.
Mariin akong tutol na gamitin ang Gawa 2:38 sa evangelismo. Ngunit dapat alam mo kung ano ang ibig nitong sabihin upang kung makatanggap ka ng tanong tungkol dito, maipapaliwanag mo kung bakit ito ay sitas sa pagiging alagad.
Ang paggamit ng 1 Juan 5:13 sa evangelismo ay magandang ideya. Basta ipaliwanag ito nang maayos.
Ang paggamit ng Jonas 3:3-6 sa evangelismo ay hindi magandang ideya. Si Jonas ay nangangaral ng darating na paghuhukom, hindi pangako ng buhay na walang hanggan sa lahat ng nanampalataya sa darating na Mesiyas (hal, Gen 3:15; 15:6).
Manatiling nakapokus sa biyaya at magiging malinaw ang iyong pag-e-evangelio.
_______________
- Timothy S. Yoder, “Evangelism,” DTS Magazine, Spring 2025, p. 48.
- Ibid.
- Ibid, p. 50.
- Sinama ng Tekstong Mayoridad ang mas mahabang basa (ang mga salita matapos ang buhay na walang hanggan).
- Yoder, “Evangelism,” p. 50.


