May magandang tanong si FH:
Marami na akong nabasang pasahe at napangkinggang mga mangangaral at mga Cristiano, ngunit hanggang ngayon sinisikap ko pa ring maunawaan kung ang Diyos ba ang naglalagay at nag-aalis na bawat hari, pinuno, at presidente sa lahat ng nasyon, sa nakalipas, sa kasalalukuyan at hinaharap. Mabuti man sila o masama, maka-Diyos man o hindi, mananampalataya man o hindi? Uunawain ko bang ang Diyos ang naglagay ng masasamang pinuno sa kapangyarihan?
Anong lenggwahe mismo ang ginamit ng Panginoon mismo patungkol sa mga pinuno?
“Ang bawat tao ay magpasakop sa mga namamahalang awtoridad, sapagkat walang pamamahala na hindi mula sa Diyos; at ang mga namamahalang iyon ay itinalaga ng Diyos” (Roma 13:1).
Ang mga pinuno kung ganuon ay “mula sa Diyos” at “itinalaga ng Diyos.” Hindi ito nangangahulugan na pinilit ng Diyos ang mga nasyon o estado o siyudad na pumili ng mga pinunong hindi maka-Diyos. Ngunit hindi rin ito nangangahulugan na pinasimulan lang ng Diyos ang sanlibutan at iniwan Niya na sa tao ang mga detalye. Sa isang diwa, ang Diyos ang naglagay sa lugar ng mga pinuno.
Ang sabi ng Biblica.com (tingnan rito), “Ang kailangan nating ilagay sa isipan ay mabuti man o masama ang isang lider, patuloy na tinutupad ng Diyos ang Kaniyang kalooban. Siya ay makapangyayari. Siya ang responsible sa paglagak ng mga pinuno sa lugar (kalimitan sa mga dahilan at layuning hindi natin nauunawaan).”
“Ang puso ng hari ay nasa kamay ng Panginoon na parang batis ng tubig; ibinabaling Niya ito saan man Niya ibig” (Kaw 21:1). Ang punto rito ay binibigyan ng Diyos ang mga pinuno ng limitadong kalayaan. Marahil iniisip nila na ganap silang malaya. Ngunit sa bandang huli ang mga masasamang pinuno na gaya ni Stalin, Hitler, Pol Pot at Idi Amin ay nawala ang kanilang kapangyarihan. At kahit nang sila ay nasa kapangyarihan pa, hindi sila malaya na gawin ang lahat ng kasamaan na nais nilang gawin.
Nasusumpungan ko ang isyung ito na na sadyang nakalulungkot dahil ang tunog nito ay gaya ng sinasabi ni FH. Bakit hinahayaan ng Diyos ang mga masasamang lalaki at babae na umangat sa kapangyarihan?
Kailangan nating matanto, na maliban sa mga monarkiya, diktadurya, at mga komunistang bansa, ang mga tao ang pumipili ng kanilang pinuno. At kahit sa mga bansang ito, pinili ng mga tao sa nakalipas na maging bahagi ng rebolusyon na nagresulta sa diktadurya o sa komunistang rehimen. O pinili nila ang monarkiya at pumili ng hari. Alalahanin natin ang karanasan ng Israel kay Haring Saul.
Kung pinili ng mga tao sa mundong ito na sumunod sa Panginoon pagkatapos ng Pagkahulog o pagkatapos ng Baha, ang mga pamahalaan sana ng mundong ito ay mabubuting pamahalaan.
Hindi natin masisisi ang Diyos dahil sa ating mga pinuno.
Ngunit hindi ba ang tunay na konsern dito ay bakit hinayaan ng pa Diyos ang kasamaan sa mundong ito? Bakit minsan hinahayaan ng Diyos ang mga maka-Diyos na mananampalatayang mamatay nang bata? Bakit Niya hinahayaan minsan ang mga masasamang tao na umasenso sa pinansiyal at magkaroon ng mahahabang buhay?
Ang kasagutan ay dahil ang kaharian ay hindi pa dumarating. Kapag ang isanlibong taong paghahari ni Jesus ay dumating, maghahari Siya at aayusin Niya ang mga pinuno ng mga bansa upang walang teribleng pinuno (Zacarias 14:9-19). Kung magkaganuon ang mabubuti ay hindi mamamatay nang bata (Is 65:22). Pag nagkataon ang masasama ay hindi aasenso o mamumuhay ng mahabang mga buhay (Is 65:20). Ang katuwiran, katarungan at kapayapaan ay dadaloy sa lupa na gaya ng mga ilog.
Tingnan ang pagdadalamhati ni Pablo sa 2 Cor 5:1-8. Umiiyak tayo sa ating mga katawan dahil sa sakit at paghihirap. Ngunit alam nating ang kaharian ay darating (2 Cor 4:18) at tayo ay lalakad sa pamamagitan ng pananampalataya sa darating na kahariang iyan, at hindi sa pamamagitan ng paningin ng ating katawang puno ng paghihirap o ng kasamaang nakikita natin ngayon (2 Cor 5:7).
Tama si FH. Dapat tayong malungkot na marami sa mga pinuno ng sanlibutan ay napakalayo sa katuwiran at katarungan sa paraan ng kanilang pamumuno. Ito ay dapat magtulak sa ating nasain ang mabilisang pagdating ni Jesus.
Ngunit hindi tayo dapat lumahok sa rebolusyon at naising ibagsak ang ating mga pamahalaan. Ang liberation theology ay salungat sa Salita ng Diyos. Dapat tayong sumunod sa namamahalang awtoridad (Roma 13:1) at manalangin para sa kanila na silipin ng Diyos na bigyan nila tayo ng kalayaang sumamba (1 Tim 2:1-4).