Madalas pag-usapan ng mga mangangaral kung ilang kaluluwa ang naligtas sa isang evangelistikong pagtitipon. Ngunit tama ba ito? Ginagamit nga ba ng Biblia ang kapanganakang muli bilang katumbas ng kaligtasan ng kaluluwa?
Ang salitang kaluluwa, sa Griyego ay psyche, ang basehan sa maraming salita sa Ingles: psychology, psychiatry, psychic, psyche out, psychosomatic, psychotherapy, psychotic atbp.
Ang psyche ay masusumpungan ng 105 na beses sa BT, dahil dito ito ay isang salitang pamilyar sa lahat ng mga unang taong estudyante ng Griyego. Alam nilang nangangahulugan itong kaluluwa, ngunit wala ng iba. Hindi nila alam na madalas ito ay nangangahulugan lamang ng buhay o sa panloob na sarili ng tao.
Ang ekspresyong pagliligtas ng kaluluwa ay masusumpungan ng sampung beses sa BT: Mateo 16:25 (at mga paralel sa Marcos 8:35 at Lukas 9:24; 17:33); Marcos 3:4 (at paralel sa Lukas 6:9); Hebreo 10:39; San 1:21; 5:20; 1 Ped 3:20. Titingnan natin sila maya-maya. Ngunit sa ngayon, hayaan ninyong sabihin kong ang pagliligtas ng kaluluwa ay hindi tumutukoy sa kapanganakang muli.
Alam ba ninyong naiwala ni Jesus ang Kaniyang kaluluwa [psyche] nang Siya ay mamatay sa krus: “Dito’y nakikilala natin ang pagibig, sapagka’t kaniyang ibinigay ang kaniyang buhay [psyche] dahil sa atin” (1 Juan 3:16a). Alam din ba ninyong dapat nating maiwala ang ating kaluluwa [psyche] para sa iba: “At nararapat nating ibigay ang ating mga buhay [psyche] dahil sa mga kapatid” (1 Juan 3:16b).
Tingnan natin ang tatlong tekstong nagbabanggit ng pagliligtas ng psyche.
1 Pedro 3:20: “Na nang unang panahon ay mga suwail, na ang pagpapahinuhod ng Dios, ay nanatili noong mga araw ni Noe, samantalang inihahanda ang daong, na sa loob nito’y kakaunti, sa makatuwid ay walong kaluluwa, ang nangaligtas sa pamamagitan ng tubig.” Si Noe at ang kaniyang pamilya ay hindi ipinanganak na muli nang sila ay pumasok sa arko. Sila ay naligtas mula sa pisikal na kamatayan. Ang pagliligtas ng psyche ay pagliligtas ng buhay.
Mateo 16:25-26: “ Sapagka’t ang sinomang magibig iligtas ang kaniyang buhay [psyche] ay mawawalan nito: at ang sinomang mawalan ng kaniyang buhay [psyche] dahil sa akin ay makakasumpong niyaon. Sapagka’t ano ang pakikinabangin ng tao, kung makamtan niya ang buong sanglibutan at mawawalan siya ng kaniyang buhay [psyche]? o ano ang ibibigay ng tao na katumbas sa kaniyang buhay [pysche]?” Nakalulungkot na maraming saling sinasalin ang psyche nang paiba-iba sa magkakasunurang sitas.
Ang NET Bible ay may nota sa paanan ng Mateo 16:25:
Ang salitang Griyegong sinaling buhay ay tumutukoy pareho sa panlupang pisikal na buhay at sa panloob at nakakataas na buhay (“kaluluwa” ng isang tao). Sa konteksto, kung ang isang tao ay hindi handang magbata ng pagtakwil ng sanlibutan at pag-uusig upang sumunod kay Jesus ngunit sa halip ay nag-ibig iligtas ang kaniyang pisikal na buhay, ang taong ito ay maiwawala pareho ang kaniyang pisikal na buhay at panloob at nakakataas na buhay (sa paghuhukom). Sa kabilang banda, ang taong handang ibigay ang kaniyang panlupang pisikal na buhay upang sumunod kay Jesus (“sinumang mawalan ng kaniyang buhay dahil sa Akin”) ang siyang sa huli’y makasusumpong ng kaniyang “kaluluwa” (pansinin ang paralel sa Evangelio ni Juan na nagbabanggit ng “nag-iingat ng kaniyang ‘kaluluwa’ para sa buhay na walang hanggan” (Juan 12:25).
Nakalulungkot na ito ay nakalilito. Maraming taong mali ang iniisip na ang pagliligtas ng psyche ay ang pagiging ligtas mula sa eternal na kundenasyon. Ngunit ginagawa nitong salungat ang Mat 16:25-26 sa Juan 3:16. Ang pasahe sa Mateo 16 ay isang sitas ng pag-aalagad (“Kung ang sinomang tao’y ibig sumunod sa akin…” Mat 16:24), hindi isang pasaheng evangelistiko.
Santiago 1:21: “ Kaya’t ihiwalay ninyo ang lahat na karumihan at ang pagapaw ng kasamaan, at tanggapin ninyo na may kaamuan ang salitang itinanim, na makapagliligtas ng inyong mga kaluluwa.”
Ang konteksto ay malinaw na ang tinutukoy ni Santiago ay ang pagliligtas ng buhay ng mga taong pinanganak nang muli (“minamahal na kapatid,” v16,19).i Ito ay kaligtasan mula sa paghuhukom ng Diyos sa buhay na ito. Lahat ng limang gamit ng salitang ligtas sa Santiago ay patungkol sa kaligtasan ng mga mananampalataya mula sa paghuhukom ng Diyos.
Ang komento ni Hodges:
Ang kahulugang sinusuportahan ng datos- “na makapagliligtas ng inyong mga buhay”- ay ang kahulugang pinakaakma sa kontekstong ito. Ang mga mambabasa ay naipanganak nang muli (v18) at hindi na kailangan ang kaligtasan mula sa impiyerno. Bukod diyan, tinalakay pa lang ni Santiago ang nakamamatay na konsekwensiya ng kasalanan (v14-15). Sa liwanag nito, maliwanag ang kahulugan ng v21: bagamat ang kasalanan ay nagreresulta sa kamatayan, ang Salita ng Diyos, kapag tinanggap nang wasto, ay makapagliligtas ng buhay (cf Kaw 10:27; 11:19; 12:28; 13:14; 19:16). (“James” sa TGNTC, p. 1109).
Ang pinakapunto ay wala kahit isang sitas sa Bibliang nagpapahiwatig na kapag ang tao ay nanampalataya kay Jesus, ang kaniyang kaluluwa ay ligtas. Sa Biblia, ang pagliligtas ng kaluluwa/psyche ay tumutukoy sa pagliligtas ng buhay ng isang tao mula sa maagang pisikal na kamatayan.
Alalahanin ang pagkakaibang ito upang manatiling nakapokus sa biyaya.
_________
i Sinabi rin ng v18 na sila ay ipinanganak ng salita ng katotohanan, isang malinaw na reperensiya sa kanilang bagong kapanganakan.