Nang isang araw napakinggan kong tinalakay ni Pastor Barkef Osigian ang Gal 3:15-29. Pinunto niyang ang salitang pangako ay nabanggit nang walong beses sa mga sitas na iyan. Ang mensahe ni Barkef ang nag-udyok sa aking magnilay at sulatin ang blog na ito.
Ang salitang pangako ay masusumpungan nang tatlumpong ulit sa mga epistula ni Pablo.
Binanggit niya ang mga pangako, pangmaramihan, nang anim na beses (Roma 9:4; 15:8; 2 Cor 1:20; 7:1; Gal 3:16, 21). Ang mga pangakong ito ay tumutukoy sa iba’t ibang pangako ng Diyos kay Abraham at kaniyang lahi: ang pangako ng lupa, ang pangako ng piniling bayan, ang pangakong pagpapalain ang mga bansa ng mundo sa pamamagitan ni Abraham, na isang pangako ng pag-aaring matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya lamang, hiwalay sa mga gawa (Gen 12:1-3; Gal 3:8).
Anong pangako ang pangunahin sa isipan ni Pablo sa kaniyang mga epistula? Makikita ito sa Gal 3:15-29 at karamihan sa dalawampu’t apat ay tumutukoy sa iisang pangako. Ito ay ang pangako ng pag-aaring matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya lamang, hiwalay sa mga gawa (hal Gal 3:14, 17, 18, 19, 22, 29; 4:23, 28).
Ang pangakong ito ay kapareho sa diwa ng pangako ng buhay na walang hanggan sa sinumang sumampalataya kay Jesus para rito (Juan 3:16; Gal 1:11-12; 3:21; 2 Tim 1:1).
Ang lahat ng mga mananampalataya ay ginarantiyahan ng pamana (Gal 3:18, 29). Ang lahat ng mananampalataya ay “mga tagapagmana ng Diyos” (Roma 8:17a). Ngunit tanging mga mananampalatayang nagtiis sa pananampalataya at mabubuting gawa ang magiging “mga kasamang tagapagmana ni Cristo” (Roma 8:17b; Ef 5:5).
Tinatawag ko ang pamanang garantisadong matatanggap ng lahat ng mga mananampalataya bilang pasibong mana. Sa sandaling tayo ay manampalataya kay Jesus para sa buhay na walang hanggan, tayo ay ginarantiyahang magkaakroon ng katawang niluwalhati, at magiging bahagi ng Kaniyang kaharian magpakailan man. Ngunit upang magharing kasama ni Cristo sa buhay na darating at magkaroon ng lahat ng gantimpala na tataglayin ng mga hari (hal ang espesyal na puting kasuotan, ang karapatan sa punong kahoy ng buhay, ang natatagong mana), kailangan nating maging mananagumpay sa buhay na ito. Ang manang ito, na madalas tawaging pagmamana ng kaharian, ay tinatawag kong aktibong mana. Ito ay hindi garantisado (cf 1 Cor 9:24-27; 2 Tim 4:6-8).
Mga pangako, mga pangako.
Ano sa mga pangakong binigay ng Diyos ang pinakamahalaga saiyo?