Tinanong ang tanong na ito sa aking Sunday school class kahapon. Ito ay isang napakagandang tanong.
Isang lalaki ang lumapit kay Jesus at nagsabi, “Susunod ako sa Iyo, Panginoon, datapuwa’t pabayaan Mo akong magpaalam muna sa mga kasangbahay ko” (Lukas 9:61). Tumugon ang Panginoon,
“Datapuwa’t sinabi sa kaniya ni Jesus, ‘Walang taong pagkahawak sa araro, at lumilingon sa likod, ay karapatdapat sa kaharian ng Diyos.”
Ang mga tagataguyod ng Lordship Salvation ay nakikita sa sitas na ito ang patunay na ang isang tao ay kailangang magtiis sa pagsunod kay Cristo upang makapasok sa darating na kaharian ni Jesus. Nagkomento si John Martin sa Lukas 9:62 na “ang mensahe ni Jesus… ay humihingi ng ganap na katapatan” (Luke, sa The Bible Knowledge Commentary, p. 232).
Sinulat ni Matthew Henry:
“Silang nagsimula sa Gawain ng Diyos ay kailangang magpatuloy dito, o wala silang mapapala rito. Ang pagtingin sa likuran ay humihila sa isang taong bumalik, at ang pagbalik ay sa kapahamakan. Ang mga hindi karapatdapat sa langit, na tinuon ang kanilang mukha sa langit, ay bumalik. Ngunit, siyang, at tanging siya, na nakatiis sa katapusan, ang maliligtas” (Matthew Henry’s Commentary on the Whole Bible, p. 1855).
Sinulat ni Jamieson, Fausset at Brown, “Kung paanong ang pag-aararo ay nangangailangan ng mga matang nakatuon sa mga linyang gagawin, at ito ay nawawasak sa sandaling alisin ang paningin, ganuon din sila ay hindi makaabot sa kaligtasan silang mga gumagawa ng gawain ng Diyos na may hating atensiyon at hating puso” (Commentary Critical and Explanatory on the Whole Bible, Vol 2. P. 108).
Maraming komentarista ang nagmumungkahing ang tinutukoy ng Panginoon ay ang mga nagpapahayag ng Kaniyang nagliligtas na mensahe. Ang mga ito (gaya ng asawa ni Lot) na lumilingon sa mga bagay ng sanlibutan ay hindi karapatdapat na maging mga mensahero ng kaharian ng Diyos. Marami ang hindi malinaw kung ang mga tumalikod ay habambuhay na paparusahan.
Sinulat ni Fitzmyer, “Silang mga susunod kay Jesus at nakikibahagi sa gawain ng kaharian ay kailangan ng matibay na kamay at mata sa umaabanteng araro— ang desisyong sumunod kay Jesus ay hindi maaaring resulta lamang ng entusiyasmo; ito ay nananawagan ng matinding determinasyon” (Luke I-IX, p. 837).
Ganuon din, sinulat ni Ryle, “Ito ay nagpapahiwatig na ang isang taong nagnanais umuwi sa bahay upang magpaalam sa kaniyang mga kaibigan ay hindi dapat para sa gawain ng Evangelio, kung paanong ang isang taong tumitingin sa likod ay hindi akma sa pag-aararo” (Luke, Vol 1, p. 344).
Nakikita ni Marshall ang kaharian at ang patrabaho nito: “Ang taong lumilingon sa kaniyang dating buhay (cf. Fil 3:13; Heb 12:1ss) ay hindi karapatdapat (14:35; Heb 6:7) para sa kaharian at sa patrabaho nito” (Luke, p. 412).
Ang isyu rito ay ang kaangkupan para sa gawain ng Panginoon. Ang isyu ay hindi ay hindi kung sino ang papasok sa darating na kaharian.
Ang isang nadidistrak mang-aararo nong unang siglo ay hindi karapatdapat sa trabaho. Ganuon din naman, ang isang nadidistrak na lingkod ni Cristo ay hindi makapaglilingkod nang maayos sa Kaniya.
Si Hodges ay nagsalita tungkol sa pasaheng ito sa isang mensaheng may pamagat na “The Committed Christian (Luke 9:57-62).” Maaari ninyong pakinggan ang tatlump’t walong minutong mensahe rito). Malinaw niyang tinuro na ang tatlong taong kausap ni Jesus ay lahat nagtataglay ng buhay na walang hanggan at ligtas kailan pa man (hal 20:10). Patungkol sa Lukas 9:62, sinabi niya,
“Hangga’t hindi namomonopolya ng Diyos ang ating mga puso at ang ating mga buhay, hindi tayo ganap na magiging komitado bilang mga tunay na alagad ng Anak ng Diyos. Hangga’t hindi, kahit pa subukin nating maglingkod kay Cristo, tayo ay matutulad sa isang magsasaka sa bukirin na nagsi-zigzag paroo’t parito dahil tayo ay nahahati sa dalawang direksiyon, hindi talaga nakapag-aararo ng tuwid na linya dahil tayo ay laging lumilingon sa likuran sa ibang mga bagay. Nais ni Jesucristo ang ating katapatan, ngunit hindi ang katapatang may pagsisisi. Nais Niya ang ating buong puso at walang hating katapatan sa Kaniya” (26:45-27:35).
Malinaw na pinaghihiwalay ng Kasulatan ang kundisyon sa buhay na walang hanggan, na pananampalataya kay Cristo (Juan 3:16) at ang kundisyon sa pagsunod at paglilingkod sa Kaniya, na nangangailangan ng walang hating katapatan sa Kaniya (Lukas 9:62). Kung paghahaluin natin ang dalawa, tayo ay nangangaral ng huwad na evangelio (Gal 1:6-9).