Ang Free Grace Theology ay Sumulpot Nitong Nakaraang 35 na Taon
Bagama’t ang Free Grace Theology ay nagmula pa sa panahon ng Panginoong Jesus ng Kaniyang mga apostol- at ito ay malinaw na makikita sa mga kasulatan nuong ikalabimpito hanggang ikalabinsiyam na siglo (eg., Glas, Sanderman, Darby, Mackintosh, Lange, Govett)- ito ay tunay na nagkahugis nitong nakaraang tatlumpu’t limang taon. Ang aklat na The Gospel Under Siege ni Zane Hodges ay nilathala nuong 1981 at tumulong upang linawin ang ilang mga pangunahing isyu. Sa ngayon, marami pa ang dapat gawin upang lubusang mabigyang linaw ang mga detalye ng Free Grace Theology.
Ang Free Grace Theology Sa Isang Pagbubuod
Bago nating tingnan ang mga detalye, ito ang isang pagbubuod sa isang (mahabang) pangungusap:
Ang Free Grace Theology ay isang pananaw na 1) ang buhay na walang hanggan ay isang libreng regalo (na binayadan ng Panginoon nang buo sa Kaniyang kamatayan sa krus para sa ating mga kasalanan) na tinanggap sa pamamagitan ng pananamapalataya lamang kay Kristo lamang nang walang lakip na kahit na anong gawa; 2) na ang katiyakan ng ating eternal na kalagayan ay nababatay lamang sa pananampalataya sa pangako ni Jesus at hindi sa ating gawa o nararamdaman; at 3) ang lahat ng tao, mananampalataya man o hindi, ay tatanggap ng karampatang bayad sa anumang ginawa nila sa buhay na ito, at hahatulan sa katapusan ng panahon (sa dalawang magkahiwalay na paghatol) upang tukuyin ang antas ng gantimpala (ng mga mananampalataya) o antas ng parusa (ng mga hindi mananampalataya) sa buhay na darating, ngunit hindi upang tukuyin ang kanilang eternal na kalagayan.
Unang Elemento: Pananampalataya Lamang
Ang buhay na walang hanggan ay isang libreng regalo (na binayadan ng Panginoon nang buo sa Kaniyang kamatayan sa krus para sa ating mga kasalanan) na tinanggap sa pamamagitan ng pananamapalataya lamang kay Kristo lamang nang walang lakip na kahit na anong gawa.
Hindi pananampalataya AT gawa. Iyan ay posisyon ng mga Arminians.
Hindi pananampalataya NA gumagawa. Iyan ay posisyon ng karamihan sa mga kampo ng Reformed at 5-Point Calvinists.
Pareho ang dalawang kampo na naniniwalang kailangan ang pagpapatuloy sa mabuting gawa upang makarating sa langit. Ang mga Arminians ay nagtuturo na kapag ang isang mananampalataya ay nabigo na magpapatuloy sa mabuting mga gawa, naiwawala niya ang buhay na walang hanggan at tutungo siya sa impiyerno. Marami (ngunit hindi lahat) na mga Calvinista ang nagtuturo na kapag ang isang mananampalataya ay nabigong magpatuloy sa mabuting gawa, pinatutunayan lamang niya na siya ay hindi talaga “tunay na mananampalataya” at siya ay tutungo sa impiyerno.
Wala halos praktikal na pinagkaiba ang dalawang pananaw. Pareho silang nagtatapos sa kawalan ng katiyakan.
Ang mga Armininians ay hindi kailan man makasisiguro ng kanilang kaligtasan. Ganuon din ang mga Calvinista. Bagama’t tinuturo nila na hindi maiwawala ang buhay na walang hanggan, ang kawalan ng pagpapatuloy sa gawa ay patunay na ang tao ay walang “tunay na pananampalataya”; walang katiyakan ng kaligtasan ang isang tumalikod na Calvinista.
Ang unang katangian ng Free Grace ay sapamamagitan ng payak na pananampalataya lamang kay Jesus ang tao ay mayroong buhay na walang hanggan. Tinuturo nito ang pananampalataya lamang, kay Kristo lamang, walang dagdag, walang pisi na nakakabit.
Ang pananampalaya kay Kristo ay isang pagsang-ayong intelektwal (intellectual assent). Kung iwawaksi lamang natin ang negatibong konotasyon na ikinakabit, ang “pagsang-ayong intelektwal” (intellectual assent) ay isang mainam na depinisyon ng pananampalataya.
Halimbawa, naniniwala ka ba na si George Washington ang unang Pangulo ng Estados Unidos? Kung oo, alam mo kung ano ang ibig sabihin ng pananampalataya ayon sa Bibliya.
Walang pangako, walang desisyon ng kalooban, walang pagtalikod sa mga kasalanan, at walang gawa ang bahagi ng depinisyon ng pananampalataya kay Kristo. Kung ikaw ay kumbinsido na ang pangako Niya ay totoo, nanampalataya ka na kay Kristo. Ang pananampalataya ay passive. Ito ay paniniwala sa sinabi ni Kristo.
Ang espisiko na layon ng nakaliligtas na pananampalataya ay ang pangako ni Jesus ng buhay na walang hanggan (cf. Juan 3:16; 6:47; 11:26). Ang mga sitas na ito ay nagsasaad na ang sinumang nanampalataya kay Jesu-Kristo ay may buhay na walang hanggan. Kapag sinampalatayahan natin iyan, nanampalataya tayo kay Krsito.
Bagama’t ang mga tagataguyod ng Free Grace ay nananampalataya at nagpapahayag ng krus at pagkabuhay na mag-uli, hindi nating sinasabi na ang lahat ng nanampalataya na si Jesus ay namatay para sa ating mga kasalanan at nabuhay na mag-uli ay may buhay na walang hanggan. Bakit? Sapagkat ang isang tao ay maaaring maniwala sa mga bagay na ito habang naniniwala rin sa kaligtasan na may lakip na gawa. Hindi ito ang nakapagliligtas na mensahe.
Upang magkaroon ng nakapagliligtas na pananampalataya, ang tao ay dapat manampalataya na ang buhay na walang hanggan (o katumbas na ideya gaya ng pagmamatuwid, walang hanggang relasyon sa Diyos, eternidad na kasama si Jesus, eternidad kasama si Jesus sa Kaniyang kaharian o minsan nanampalataya, ligtas kailan pa man) ay sa pananampalataya lamang kay Kristo lamang, hiwalay sa anumang uri ng gawa. Hindi sapat na manampalatayang ang pananampalataya kay Jesus ay isa lamang sa nagkailang mga kundisyon ng kaligtasan. Dapat maniwala ang tao na ang pananamplataya kay Kristo ang nagiisang kundsiyon ng kaligtasan.
Samakatuwid, ang pagtalikod sa mga kasalanan, ang pangako, pagsunod, at pagtitiis ay hindi pananamplatya at hindi mga kundisyon ng kaligtasan. Ang mga ito ay mga uri ng gawa. Ang gawa ay may tamang lugar sa buhay Kristiyano, at ito ay pagkatapos mong manampalataya kay Jesus.
Ang Free Grace position ay napakalinaw na ang pagtalikod sa mga kasalanan ay hindi kasinkahulugan ng pananampalataya at hindi kundisyon ng buhay na walang hanggan. Pansinin nang husto ang puntong ito.
(May ilan sa kampo ng Free Grace na nanininiwala na ang pagsisisi ay kundisyon ng buhay na walang hanggan, ngunit binibigyang kahulugan ang pagsisisi bilang pagbabago ng isip tungkol kay Kristo at hindi pagtalikod sa mga kasalanan. Samakatuwid nanininiwala sila na ang pagsisisi ay kasinkahulugan ng pananampalataya.)
Ang pagpapapatuloy sa pananampalataya at mabuting gawa ay hindi kundisyon ng buhay na walang hanggan. Maraming nagtututuro na tanging ang mga nagpapatuloy lamang sa pananamplataya at mabuting gawa ang makapapasok sa kaharian. Iyan ay hindi pananaw ng Free Grace.
Maaaring manampalataya kay Kristo at magkasala. Sa katotohanan lahat ng Kristiyano ay nagkakasala araw araw (Roma 3:23; 1 Juan 1:8, 10). Pinakikita ng Kasulatan na ang kabiguan, oo kahit malaking kabiguan, ay posible sa buhay Kristiyano. Ang 1 Cor 3:3 ay nagtututro na kung mamasdan mo ang gawa ng ilang mga mananampalataya, hindi mo sila maihihiwalay sa mga hindi mananampalataya. Pinapakita ng 1 Cor 5:1-5 na may mga gawa ang mga manamapalataya na mas masahol pa kaysa hindi mananampalataya. Pinapakita ng Lukas 19:20-26, Santiago 5:19-20 at 2 Tim 2:11-13 na hindi lahat ay nagpapatuloy sa buhay Kristiyano.
Ang punto ay ang pagpapatuloy sa pananampalataya ay hindi sigurado. Ang pangako, ang pagsunod at pagtitiis ay kailangan upang mapasiya ang Diyos at magkaroon ng kapunuan ng buhay, ngunit ang mga ito ay hindi kundisyon ng buhay na walang hanggan. Pananampalataya lamang ang nag-iisang kundisyon.
Ikalawang Elemento: Katiyakan
Ang katiyakan ng ating eternal na kalagayan ay nababatay lamang sa pananampalataya sa pangako ni Jesus at hindi sa ating gawa o nararamdaman.
Ang mga mananampalataya ay kailanganang nakatitiyak ng kanilang buhay na walanng hanggan (1 Juan 5:13). Ngunit karamihan sa mga ebangheliko ay nanininiwala na ang mabubuting mga gawa ay kailangan para sa katiyakan. Sa pananaw na ito ang isang bagong mananampalataya ay hindi nakatitiyak kung saan siya tutungo kapag namatay sapagkat wala pa siyang mabuting mga gawa. Ang totoo ay wala kahit sinong Kristiyano ang makatitiyak sapagkat wala ang Kasulatan ng listahan na nagtutukoy kung gaano karaming mga gawa ang kailangan upang ipakita na ang isang tao ay pinanganak na muli. Wala kahit sino ang makatitiyak kung ang kaniyang gawa ay sapat na upang patunayan na siya ay napanganak na muli. At kahit may makatiyak na ang kaniyang mga gawa ay sapat na (hindi magandang bagay ayon sa Mateo 7:21-23), hindi naman siya makatitiyak kung siya ay makapagpapatuloy.
Sapagkat karamihan sa mga ebangeheliko ay naniniwala na kailangan ang mabubuting mga gawa sa katiyakan, tinatanggi nila na pwedeng matiyak ang eternal na kalagayan bago mamatay. Ayon sa kanila kung kailangan ang pagpapatuloy upang makapasok sa kaharian, at hindi tayo makatitiyak na tayo ay makapagpapatuloy hangganh kamatayan, kung ganuon walang makatitiyak na makakapasok sa kaharian bago mamatay.
Ang mga nanghahawak sa Free Grace ay tumatanggi sa ganitong uri ng pag-iisip. Tinatanggi natin na ang katiyakan ay masusumpungan sa ating sarili, sa isang pansariling paghuhukom ng sarili nating mga gawa. Sa halip ang kundisyon ng katiyakan ay masusumpungan labas sa atin, sa pananampalataya sa pangako na si Jesus ang tumitiyak ng buhay na walang hanggan sa lahat ng sumampalataya sa Kaniya para dito.
Sa Juan 11:26, si Jesus ay nagtanong kay Martha, “Nananampalataya ka ba?” Sumagot siya, “Opo, Panginoon.” Hindi siya nagbatay sa kanyang mga gawa. Hindi siya tumingin sa kaniyang mga gagawin pa o kung siya ba ay makakapagpatuloy o hindi. Alam niya na ang mga ito ay walang kinalaman sa kaniyang pananampalataya o sa kaniyang buhay na walang hanggan.
Sa madaling salita, ang katiyakan ay ang esensiya ng nakapagliligtas na pananampalataya. Ibig sabihin, kapag ang tao ay nanampalataya kay Jesus, nakatitiyak siya na mayroon siyang buhay na walang hanggan.
Isang paraan ng pagsabi nito ay, ang sinumang hingi nakatitiyak na siya ay may buhay na walang hanggan dahil sa pananampalataya kay Kristo ay hindi pa pinanganak na muli.
Subalit hindi ito nangangahulugan na ang sinumang sa ngayon ay walang katiyakan, o hindi maalala kung sila ba ay nagkaroon minsan man ng katiyakan, ay hindi pinanganak na muli.
Ang tanong ay kung minsan ba lamang ay nagkaroon sila ng katiyakan? Kung ang isang tao ay hindi kailanman nagkaroon ng katiyakan ng buhay na walang hanggan, hindi sila nanampalataya sa pangako ni Jesus na ang mga nanampalataya ay may buhay na walang hanggan. Kung ang sinuman ay hindi naniwala nito– na si Jesus ay may pangako ng buhay na walang hanggan- sila ay hindi pinanganak na muli! Ang kanilang kasagutan kung bakit maaaring mawala ang kaligtasan ay nagpapakita na sila ay naniniwala sa kaligtasan sa pamamagitan ng mabubuting mga gawa.
Ang Free Grace Theology ay nagpapahayag ng katotohanan na ang katiyakan ay hindi masusumpungan sa pagtingin sa ating mga gawa o sa ating nararamdaman kundi sa pananalig sa pangako ni Jesus na buhay na walang hanggan.
Ikatlong Elemento: Pananagutan
Ang lahat ng tao, mananampalataya man o hindi, ay tatanggap ng karampatang bayad sa anumang ginawa nila sa buhay na ito, at hahatulan sa katapusan ng panahon (sa dalawang magkahiwalay na paghatol) upang tukuyin ang antas ng gantimpala (ng mga mananampalataya) o antas ng parusa (ng mga hindi mananampalataya) sa buhay na darating, ngunit hindi upang tukuyin ang kanilang eternal na kalagayan.
Ang panghuling elemento ng Free Grace Theology ay ang doctrina ng pananagutan. Ang mga nagbibigay diin ng pananampalataya na hiwalay sa gawa ay madalas akusahan ng antinomianismo. Ngunit ang biyaya ng Diyos ay hindi lisensiya upang magkasala. Ito ay katawagan para sa kabanalan. Ang katanungan para sa isang mananampalataya ay ganito: ano ang iyong gagawin sa buhay na walang hanggan na ibinigay sa iyo ng Diyos? Luluwalhatiin mo ba siya ng iyong buhay?
Ang Biblia ay malinaw: “Kung ano ang inihasik, iyon din ang aanihin” (Gal 6:7). Mananampalataya man o hindi, aanihin natin ang ating hinasik. Walang makatatakbo sapagkat ang Diyos ang ating Hukom at nakikita Niya ang lahat ng bagay. Ngunit ang dahilan kung bakit ang lahat ng tao ay hahatulan ayon sa kanilang mga gawa ay hindi upang alamin kung sino ang papasok sa kaharian.
Ang mga mananampalataya ay hahatulan ayon sa kanilang mga gawa, bago ang Milenyo, sa Luklukang Hukuman ni Kristo (Judgment Seat of Christ), upang matukoy ang antas ng gantimpala na matatanggap sa buhay na darating. Maghahari ba tayo kasama ni Kristo? Kung oo, gaano kalawak ang kapangyarihan na ibibgay sa atin? Mayroon ba tayong karapatan na kumain sa labindalawang bunga ng punong kahoy ng buhay? Magkakaroon ba tayo ng espesyal na damit na nagpapakilala sa atin bilang mga mananagumpay sa buhay na ito? Gaano kasagana ang ating buhay sa buhay na darating? Ayon sa Free Grace Theology, walang “huling paghuhukom” ng mga mananampalataya upang tukuyin ang ating eternal na kalagayan. Ang mga mananampalataya “ay hindi papasok sa paghatol” (Juan 5:24). Ang eternal an kalagayan ay naselyuhan na sa segundong siya ay nanampalataya kay Jesus para sa buhay na walang hanggan. Malinaw ang Juan 3:18; 5:24 at 11:26 sa bagay na ito.
Ang mga hindi mananampalataya ay hahatulan ayon sa kanilang mga gawa pagkatapos ng Milenyo, upang tukuyin ang antas ng pagdurusa ng kanilang daranasin sa Dagatdagatang Apoy. Maging ang kahatulan ng mga hindi mananampalataya sa Dakilang Puting Luklukan ng Paghuhukom (Great White Throne Judgment) ay hindi upang tukuyin ang kanilang eternal na kalagayan. Ito ay upang “ipahayag” ang kanilang eternal na kalagayan at ipahayag ang antas ng parusa na kanilang tatanggapin ayon sa kanilang mga gawa. Ayon sa Pahayag 20:15, ang batayan ng pagtungo sa Dagatdagatang Apoy ay hindi pagkasumpong ng pangalan sa Aklat ng Buhay, hindi sa aklat ng mga gawa: “At kung ang sinoman ay hindi nangasumpungang nakasulat sa aklat ng buhay ay ibinulid sa dagatdagatang apoy.”
Ang doktrina ng panangutan ay nagpapaliwanag sa isa sa mga pangunahing panghimok sa mga mananampalataya na mabuhay para kay Kristo; kung mahal natin Siya, nais nating mapasiya Siya, at matatamo natin ang Kniyang pagpapala ngayon at sa buhay na darating.
Mga Ramipikasyon ng Free Grace Theology
ANG Free Grace Theology ay nakapagbabago ng buhay.
Una, sa pamamagitan ng pananampalataya sa pangako ng buhay ng ating Panginoon ang tao ay nagkamit ng buhay na walang hanggan. Dahil dito posible ang paglago at pagkakaroon ng kapunuan ng buhay. Walang ibang paraan upang ipanganak na muli.
Ikalawa, hangga’t ang isang tao ay nananampalataya sa pangako ng buhay nakatitiyak siya ng kaniyang eternal na kalagayan. Walang ibang paraan upang makatiyak ng eternal na kalagayan.
Ikatlo, ang katiyakan ay nagbubunga ng pag-ibig at pasasalamat, mga makapangyarihang panghimok upang mabuhay para sa Diyos.
Ikaapat, ang kaalaman na ang kalidad ng ating buhay ngayon ay nakabatay sa ating paglakad sa pananampalataya ay isa ring malaking panghimok sa pamumuhay.
Ikalima, yamang alam natin na isang araw tayo ay huhukuman ng Diyos at ang kapunuan ng ating buhay na walang hanggan ay nakadepende sa kahatulan na iyan, tayo ay naeengganyo na lumakad sa liwanag ng Salita ng Diyos.
Malayo sa pagtutulak sa tao na maging masama, ang Free Grace Theology ay nagtutulak sa tao sa kabanalan. Ang Free Grace Theology ay tunay na mabunga.
Pagbubuod: Ang Buhay na Walang Hanggan ay Tiyak at Libre sa Lahat ng Mananampalataya
Maraming tao ang nagbabahagi na gaya nito, “Hindi ko tiyak kung saan ako tutungo kapag ako ay namatay. Kung bibigyan mo ako ng limang minuto tutulungan kitang hindi mo rin masiguro kung saan ka tutungo kapag ikaw ay mamatay.” Nakapagtataka ba na mahirap magbahagi ng mensahe ng buhay? Hindi ito mabuting balita hindi ba?
Ang mga nanghahawak sa Free Grace Theology ay tunay na may mabuting balita na maaari nilang ibahagi sa kanilang mga kaibigan, mahal sa buhay at maging sa mga hindi kakilala. Maaari nating masabi, “Ako ay nakatitiyak ako ay may buhay na walang hanggan ngayon at hindi ko ito maiwawala ano man ang mangyari. Alam ko na ako ay tutungo sa kaharian ng Diyos magpakailan man. Kung mayroon kang ilang minuto pwede ko sa iyong ibahagi kung paano mo matitiyak na ikaw ay may buhay na walang hanggan ngayon at magpakailanman.”
Tanging ang pananaw na Free Grace ang mabuting balita. Tanging tayo ang tunay na naniniwala sa sola fide, pananampalataya lamang. Tanging tayo ang may wastong pagpapahayag ng ramipikasyon ng natapos na gawa ni Kristo sa krus. Ibahagi natin ang magandang balitang ito sa lahat ng dako.