Si Elwyn ay may magandang tanong tungkol sa kung ano ang matatanggap ng mga nakarating sa pananampalataya kay Cristo sa Tribulasyon at Milenyo:
Samantalang ang nagbabagong gawa ng Espiritu Santo ay nananawagan ng bagong kapanganakan, ano ang magiging resulta ng bagong kapanganakan ng mga mananampalataya sa Tribulasyon? Dahil sa Rapture, hindi sila magiging bahagi ng Iglesia, ang Maybahay ni Cristo. Gayon din, ano ang magiging resulta ng bagong kapanganakan ng mga mananampalataya sa Milenyo?
Salamat sa kahanga-hangang trabaho GES.
Tama siya na ang panahon ng iglesia ay nagtatapos sa Rapture. Pagtapos niyan, wala nang bagong idaragdag sa Iglesia.
Sa Tribulasyon at sa Milenyo, ang mga bagong mananampalataya ay hindi magiging bahagi ng mga tinubos sa Israel o ng anumang bansa (Gentil).
Bantog si Lewis Sperry Chafer sa kaniyang listahan ng tatlumpo’t tatlong mga bagay na tinanggap ng mga mananampalataya sa sandali ng pananampalataya. Narito ang ilan sa mga ito: kapanganakang muli (pagtanggap ng buhay na walang hanggang hind maiwawala), pagiging anak ng Diyos, kalayaan mula sa Kautusan ni Moises, kapatawaran ng mga kasalanan, pag-aaring matuwid sa harap ng Diyos, bautismo sa pamamagitan ng Espiritu Santo sa Katawan ni Cristo (ang Iglesia), at Kalayaan mula sa pagkatanikala sa kasalanan.
Ang tanging benepisyong tinatamasa ng mga mananampalataya ngayong hindi matatanggap sa Tribulasyon at sa Milenyo ay 1) ang paglagak sa Katawan ni Cristo at 2) kalayaan sa Kautusan ni Moises. Sa Tribulasyon at sa Milenyo, ang Kautusan ni Moises ay nakasasakop sa mga mananampalatayang Judio (Mat 24:20; Jer 31:31-34). Sa Milenyo, ang mga Gentil ay kinakailangang tumungo sa Jerusalem para sa Kapistahan ng mga Balag (Zac 14:16-19).
Lahat ng mga mananampalataya sa Tribulasyon at Milenyo ay ipanganganak na muli, aariing-matuwid, patatawarin, may walang hanggan kasiguruhan, mga anak ng Diyos at Malaya sa tanikala ng kasalanan.
Ang Tribulasyon ay isang kahila-hilakbot na oras ng paghuhukom. Ang Milenyo ay isang kahanga-hangang oras ng kapayapaan, katuwiran at katarungan.
Ang mga mananampalataya sa panahon ng Iglesia ay wala sa mundo sa Tribulasyon ngunit narito tayo sa Milenyo. Ang mga mananagumpay sa buhay na ito ay maghahari sa mga bansa at sa Israel sa Milenyo (at sa Bagong Lupa, pagkatapos niyan, Pah 21-22).
Ano ang magiging buhay sa Milenyo? Wala tayong maraming detalye tungkol sa buhay sa kaharian. Ngunit alam nating para sa mga mananampalataya ang buhay ay isang kaluwalhatian:
“Datapuwa’t gaya ng nasusulat, Ang mga bagay na hindi nakita ng mata, at ni narinig ng tainga, Ni hindi pumasok sa puso ng tao, Anomang mga bagay na inihanda ng Diyos sa kanila na nangagsisiibig sa Kaniya” 1 Cor 2:9, na tumutukoy sa Is 64:6; 65:17).
Samantalang ang kaharian ay maluwalhati para sa lahat ng mananampalataya, sa sitas na ito binabanggit ni Pablo ang mas higit na karanasan ng mga mananagumpay na mananampalataya. Hindi lahat ng mananampalataya ay “nangagsisiibig sa Kaniya.” Pagkumparahin ang 2 Tim 4:8; Santiago 2:5 at 1 Juan 2:28. Ang karanasan ng mga mananagumpay ay higit na pantastiko.
Ang komento ni Hodges patungkol sa San 2:5:
Bagama’t ang kaligtasan ay malayang binigay sa sandali ng payak na pagtitiwala kay Cristo para sa buhay na walang hanggan, ang kaharian ay hindi namamana sa ganitong paraan. Ang pagmana ng kaharian ay nangangailangan ng pag-ibig sa Diyos, na maipapahayag sa pagsunod sa Kaniya (Juan 14:21-24), samantalang ang pagsunod na ito ay bunga ng pamumuhay sa pananampalataya (tingnan ang Gal 2:20) (James, p. 51).