Si Robert ay may ilang mga katanungang may kaugnayan sa kapatawaran ng mga kasalanan.
Una, ano ang kinalaman ng kapatawaran sa pagkukumpisal at pagsisisi?
Ikalawa, kung hindi natin ikumpisal ang ating mga kasalanan, patatawarin ba tayo?
Ikatlo, ano ang ibig sabihin ng kapatawaran?
Ikaapat, patatawarin ba tayo ng Diyos kung hindi naman nating iniisip na tayo ay nakagawa ng paglabag?
Magagandang mga tanong.
Una, alam natin mula sa 1 Juan 1:9 na ang kundisyon para sa nagpapatuloy na pakikisama sa Diyos ay ang paglakad sa liwanag ng Salita ng Diyos (1 Juan 1:7) at ang pagkukumpisal ng ating mga batid na kasalanan (1 Juan 1:9). Ang mga salitang magsisi at pagsisisi ay hindi masusumpungan sa 1 Juan. Dahil sa ang layon ng sulat ay ang magkaroon tayo ng nagpapatuloy na pakikisama sa Diyos (1 Juan 1:3-4), ang pagsisisi ay hindi kundisyon sa kapatawaran at pakikisama para sa isang lumalakad nang kasama ng Diyos.
Ang pagkukumpisal ay hindi isang mahikal na mantra. Ang pagkumpisal ay pagsang-ayon sa Diyos na ang ating sinabi o ginawa ay mali at nais nating manatiling lumakad na may pakikisama sa Kaniya. May elemento ng pagtalikod mula sa mga kasalanan kapag tayo ay nagkumpisal. Ngunit, hindi ito tinawag na pagsisisi sa 1 Juan. Naniniwala akong ang dahilan ay dahil ang taong lumalakad nang may pakikisama sa Diyos ay nalulumbay kapag natanto niyang siya ay nagkasala. Ang kaniyang pagkumpisal ay isang pagkilalang nais niyang mapasiya ang Diyos.
Alam natin mula sa Lukas 15 na kapag ang isang mananampalataya ay nalayo sa Panginoon at wala sa pakikisama sa Kaniya, kailangan niyang magsisisi- samakatuwid ay tumalikod mula sa kaniyang mga kasalanan- upang makabalik sa pakikisama. Ang kundisyon para sa kapatawaran at pakikisama sa sinumang mananampalatayang malayo sa Panginoon, ay pagsisisi, hindi pagkumpisal ng mga kasalanan. Sabihin nating ang isang mananampalataya ay nanalangin, “Panginoon, ako ay malayo sa Iyo at marami akong nagawang mga kasalanan, kabilang na ito at iyan. Pakiusap patawarin Niyo ako. Magpapatuloy akong mamuhay sa landas na ito ngunit nais ko ang iyong kapatawaran.” Patatawarin ba ng Diyos ang taong ito? Hindi. Dahil siya ay naglalakad sa kadiliman at hindi sa kaliwananagan. Siya ay namumuhay sa lugar na malayo sa Panginoon.
Ikalawa, kung tayo ay lumalakad sa liwanag at ikukumpisal natin ang mga kasalanang ating nababatid, patatawarin tayo ng Diyos ng mga kasalanang ito at lilinisin sa mga hindi natin natatantong mga kasalanan (1 Juan 1:9). Tayo ay pinatawad, at nilinis mula “sa lahat ng kalikuan” habang tayo ay patuloy na nagkukumpisal ng ating mga kasalanan sa Diyos.
Ikatlo, ang kapatawaran ay isang konsepto tungkol sa pakikisama. Kung ang isang asawang babae ay magkasala laban sa kaniyang asawa, at hindi siya nito pinatawad, sila ay tila mga estranghero sa bawat isa. Sila ay walang pakikisama sa isa’t isa. Ang isang asawang lalaki ay dapat- ngunit maaaring hindi- magpatawad sa kaniyang asawa kung ito ay nagsisisi. Subalit, ang Diyos, ay komitadong magpatawad basta masunod natin ang kundisyon sa kapatawaran.
Ikaapat, hangga’t tayo ay lumalakad sa liwanag at nagkukumpisal ng ating mga batid ng kasalanan, ang Diyos ay patatawarin tayo kung hindi natin batid na ang ating sinabi o ginawa ay kasalanan. Ngunit ito ay nangangailangan ng higit na pagtalakay.
Robert, kailangan ko ng ikalawang bahagi dahil marami pa sa 1 Juan 1:5-10 na hindi ko pa natatalakay. Hindi ko pa nasaling ang tatlong huwad na pag-aangking maaaring gawin ng isang mananampalataya (1 Juan 1:6, 8, 10) na nagpapahiwatig na siya ay walang pakikisama sa Diyos. Ang tatlong huwad na pag-aangking ito ay direktang may kinalaman sa iyong ikaapat na tanong.
Sa pagbubuod: Ang isang mananampalataya na may pakikisama sa Diyos ay nananantiling nasa pakikisama sa pamamagitan ng pagkumpisal ng kaniyang mga batid na kasalanan. Sa tuwing siya ay nagkukumpisal, natatamo niya ang kapatawaran para sa lahat niyang mga kasalanan, at siya ay nananatili sa pakikisama. Ang mananampalatayang hiwalay sa pakikisama sa Diyos ay kailangang tumalikod sa kaniyang mga kasalanan upang magtamo ng kapatawaran at makabalik sa pakikisama. Ang kapatawaran ay nangangahulugang tayo ay may harmoniya sa Diyos (o harmoniya sa ibang tao sa kaso ng kapatawarang sa pagitan ng mga tao).
Sa ikalawang bahagi, ikukunsidera natin ang tatlong huwad na pag-aangkin ng naglalayo sa pakikisama sa Diyos.