At ako, mga kapatid, ay hindi nakapagsalita sa inyo na tulad sa mga nasa espiritu, kundi tulad sa mga nasa laman, tulad sa mga sanggol kay Cristo. Kinandili ko kayo ng gatas, at hindi ng lamang-kati; sapagka’t kayo’y wala pang kaya noon: wala, na ngayon pa man ay wala kayong kaya; Sapagka’t kayo’y mga sa laman pa: sapagka’t samantalang sa inyo’y may mga paninibugho at mga pagtatalo, hindi baga kayo’y mga sa laman, at kayo’y nagsisilakad ayon sa kaugalian ng mga tao? Sapagka’t kung sinasabi ng isa, Ako’y kay Pablo; at ng iba, Ako’y kay Apolos; hindi baga kayo’y mga tao? – I Corinto 3:1-4
Tinalakay ni Pablo ang dalawang uri ng mananampalataya. Una ay ang espirituwal “nasa espiritu” (pneumatikos, 1 Cor 2:15; 3:1). Tingnan din ang “kayong mga nasa espiritu” sa Gal 6:1. Tinawag niya ang ibang mananampalaya na mga karnal (sarkikos, 1 Cor 3:1, 3, 4). Ang karnal ay isa pang salita sa mga nasa laman.
Si John MacArthur at ang mga tagataguyod ng Lordship Salvation ay nagsasabing walang karnal na Cristiano. Sa kaniyang bantog na aklat The Gospel According to Jesus, binanggit ni MacArthur ang mga “tinaguriang karnal na Cristiano” (p. 108).
Ang Gotquestions.org, sa isang artikulong (tingnan dito) may pamagat na “What is a Carnal Christian? (Ano ang Karnal na Cristiano?)” ay sumulat:
Ang mahalagang maunawaan ay bagama’t ang Cristiano ay maaaring pansamantalang maging karnal, ang tunay na Cristiano ay hindi mananatiling karnal habambuhay…
… Sapagkat sa tunay na mananampalataya kay Cristo, ang mga ganitong paglabas ng karnalidad ay ang mga eksepsiyon, hindi ang normal.
Sa isang artikulo noong Abril 22, 2004 na may pamagat na “The Carnal Christian (Ang Karnal na Cristiano)”, isang hindi nagpakilalang awtor ang sumulat:
… Ayon sa 1 Corinto 3:1-4, minsan ang laman ay tila mas maraming pakikibakang pinapanalo kaysa sa Espiritu, lalo na kapag tayo ay sanggol pa espirituwal. Hindi ito nangangahulugang tayo ay hindi ligtas; ang presensiya ng pagnanasa sa pagsunod at ilang mabubuting gawa ay nagpapatunay na oo. Nangangahulugan itong habang tayo ay lumalago sa maturidad, ang pagtatagumpay sa kasalanang pinagtagumpayan ni Cristo para sa atin ay mas madalas na mahahayag sa ating mga buhay at ang mga tagumpay ng Espiritu ay mas madalas sa laman.
Maraming problema sa mga pahayag na kagaya nito.
Una, malinaw na sinabi ni Pablo, “At ako, mga kapatid, ay hindi nakapagsalita sa inyo na tulad sa mga nasa espiritu, kundi tulad sa mga nasa laman, tulad sa mga sanggol kay Cristo.” Kung sinabi ni Pablong ang mga mananampalataya sa Corinto ay mga karnal, sila ay karnal. Nagtatatag si Pablo ng isang kategoriya ng mga Cristianong iba sa mga espirituwal na mananampalataya.
Ikalawa, walang garantiya sa Kasulatang “ang mga ganitong paglabas ng karnalidad ay ang mga eksepsiyon, hindi ang normal.”
Ikatlo, walang garantiya sa Kasulatang “ang pagtatagumpay sa kasalanan… mas madalas na mahahayag sa ating mga buhay at ang mga tagumpay ng Espiritu ay mas madalas sa laman.”
Ikaapat, lahat ng mananampalatayang ang isipan ay karnal ay mga karnal, sila man ay may pakikisama sa Diyos o nasa malayong espirituwal na lugar. Tama si MacArthur na ang mga mananampalataya sa Corinto ay hindi naghihimagsik sa Diyos, ngunit sila ay mga sanggol pa ring mananampalataya apat o limang taon pagkatapos makarating sa pananampalataya. Pansining ang salitang “pa” sa v3. Ito ang unang salita sa Griyego. Ngunit mali si MacArthur sa pagmungkahing nilalarawan nito ang lahat ng mga karnal na mananampalataya. Ang iba ay nasa malayong espirituwal na lugar (Lukas 15:11-32).
Ikalima, ang pagkaunawa ng Lordship Salvation ng 1 Cor 3:1-4 ay ginagawang imposible ang katiyakan ng buhay na walang hanggan bago ang kamatayan. Walang sinumang makasisigurong siya ay makatitiis at ang kaniyang buhay ay mas magiging mabuti sa pagdaan ng panahon. Kung ang sinuman ay makaranas ng pagkahulog moral o doktrinal, kailangan niyang ikunsiderang maaaring hindi siya ipinanganak na muli.
Ang mga karnal na mananampalataya ay “nagsisilakad ayon sa kaugalian ng mga tao” (1 Cor 3:3). Sa maraming paraan, ang kanilang kilos ay hindi maihihiwalay sa mga hindi mananampalataya.
Ang problema sa karnal na mananampalatayang may pakikisama sa Diyos ay ang kaniyang isipan ay hindi pa ganap na nabago para ang kaniyang gawi ay ganap na mabago. Tingnan ang Roma 12:2 at 2 Cor 3:18.
Naalala kong nakausap ko si Zane Hodges patungkol sa isyung ito. Inakala niyang ang isang mananampalataya ay maaaring manatiling karnal o sanggol na mananampalataya sa kaniyang buong Cristianong buhay ngunit hindi nagrerebelde laban sa Diyos. Hindi ba’t lahat tayo ay may kilalang mga taong, sa loob ng ilang dekada, regular na nakikipagtipon kasama ng ibang mananampalataya sa simbahan, nagkukumpisal ng kanilang mga kasalanan, nag-aabuloy ng salapi at nagnanais na pasiyahin ang Diyos ngunit mga espirituwal na imaturo pa rin?
Hind sinabi ni Pablo kung gaano katagal bago maging espirituwal na mananampalataya. Malinaw na ito ay hindi aabot sa limang taon gaya ng mga mananampalataya sa Corinto. Maraming teologong nagmumungkahing aabutin ng isang taon o dalawa upang lumago mula sa sanggol na Cristiano patungong espirituwal. Ngunit pinakikita ng 1 Cor 3:1-4 at Heb 5:12-15 na ang ganitong paglago ay hindi awtomatiko. Ang ilang mananampalataya ay mananatiling nasa espirituwal na diaper buong Cristiano nilang buhay.
Kung ikaw ay isang espirituwal na mananampalataya, bantayan mo ang iyong isipan upang manatili sa kalagayang iyan. Ang Cristianismo ay isang pakikibaka sa isipan. Kung hahayaan nating ang ating isipan ay umayon sa sanlibutan, tayo ay magiging karnal sa ating pag-iisip at karnal din sa ating mga gawi.
Manating nakapokus sa biyaya upang manatiling espirituwal na mananampalataya.


