Ngayon nakatanggap ako ng isang sulat na naka-type. Mula ito kay Martin. Tinatanong niya ang sikat na sitas sa Exodo 32:32.
Ang kabanatang iyan ay patungkol sa gintong guya. Habang si Moises ay nasa itaas ng Bundok Sinai at nakikipagpulong sa Panginoon (ang Panginoong Jesu-Cristo bago ang Kaniyang pagsasalaman) at tumatanggap ng Kautusan, si Aaron, sa pamimilit ng bayan, ay gumawa ng dalawang gintong guya para sambahin ng Israel. Dahil dito winasak ni Moises ang dalawang tipak ng bato kung saan isinulat ni Jesus ang Sampung Utos. Pagkatapos sinugo niya ang mga Levita sa katipunan. Tatlong libong tao ang napatay, marahil ang mga pinuno ng kaguluhan.
Pagkatapos, nakiusap si Moises sa Diyos na patawarin ang mga tao. Idinagdag niya, “Gayon ma’y ngayon, kung iyong ipatatawad ang kanilang kasalanan-; at kung hindi, ay alisin mo ako, isinasamo ko sa iyo, sa iyong aklat na isinulat mo” (Exod 32:32).
Ayon kay Martin, “Maraming tao ang pinapareho ang aklat ng buhay sa Aklat ng Pahayag.” Sa tingin ko ang ibig niyang sabihin ay maraming tao ang nag-aakala na ang aklat ng Diyos sa Exod 32:32 ay kapareho ng aklat ng Buhay na anim na beses binanggit sa Pahayag (3:5; 13:8; 17:8; 20:12, 15; at 21:27). Ang nag-iisang ibang banggit sa aklat ng buhay ay nasa Fil 4:3.
Sa pitong banggit ng Bagong Tipan sa aklat ng buhay, ito ay tumutukoy sa mga mayroong buhay na walang hanggan, maliban marahil sa Pah 3:5 kung saan maaaring ito ay hindi tumutukoy sa mga may buhay na walang hanggan kundi sa mga mananagumpay. Silipin ang 13 minutong podcast na aming nirekord ni Shawn patungkol sa Pah 3:5.
Martin, mahalagang kilalanin mo na ang Exod 32:32 ay hindi tungkol sa aklat ng buhay. Sa halip ito ay tumutukoy sa aklat ng Diyos. Sa sumunod na sitas, ang sabi ng Diyos, “”Ang magkasala laban sa akin ay siya kong aalisin sa aking aklat (Exod 32:33). Ang ibig sabihin niyan ay nilinaw sa v 35: “At sinaktan nga ng Panginoon ang bayan, sapagka’t kanilang ginawa ang guya na ginawa ni Aaron.” Ang isyu sa vv 32-33 ay pisikal na kamatayan, hindi walang hanggang paghatol. Ang aklat ng Diyos sa mga sitas na ito ay ang aklat ng mga nabubuhay. Ang parehong ideya ay masusumpungan sa Awit 69:28.
Sa iyong pagbabasa ng Biblia at may nasumpungan kang mga sitas na tila sinasalungat ang Juan 3:16 o iba pang malinaw na mga sitas, pinapayo ko ang mga sumusunod:
- Tanggihan ang ideya na may salungatan. Ang Salita ng Diyos ay hindi sinasalungat ang kaniyang sarili.
- Kumapit sa katotohanan ng Juan 3:16 at ibang malilinaw na mga pangako ng buhay.
- Hingiin sa Diyos na ipakita sa iyo kung ano ang ibig sabihin ng mga mahirap na sitas na ito.
- Konsultahin ang libreng search bar sa aming website (faithalone.org) at tingnan kung amin nang natalakay ang sitas o paksa na iyan.
- Kilalanin na ang mga salita at parirala ay may iba’t ibang kahulugan at maaaring ang problema ay binibigyan mong kahulugan ang mga salita o parirala na hindi tama para sa pasahe na iyong binabasa.