Sa mga pagkakataong pinagkakaloob sa atin, kailangan nating ibahagi ang mensahe ng walang hanggang buhay sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo hiwalay sa mga gawa (Juan 3:16; 4:10; 6:28-29; Ef 2:8-9) sa lahat ng mga tao, kabilang na ang mga LGBT.
Ngunit paano natin ibabahagi ang ating pananampalataya sa mga tomboy, bakla, bisekswal at mga transgender?
Simulan natin sa maling paraan nang pagsaksi sa mga LGBT.
Una, maling kumbinsihin silang makasalanan ang kanilang pamumuhay. Bakit? Dahil hindi iyan ginawa ng ating Panginoon sa Kaniyang ebanghelismo. At dahil inalis ng dugo ni Cristo ang hadlang ng kasalanan para sa lahat (Juan 1:29; 1 Juan 2:2). Ang kasalanan ay hindi isyu sa kaligtasan mula sa walang hanggang kundenasyon. Ang isyu ay patay tayo espirituwal at kailangan natin ng espirituwal na buhay (Juan 3:14-18).
Ikalawa, ang pagsabi sa mga LGBT na kailangan nilang talikuran ang kanilang makasalanang pamumuhay upang maligtas ay napakamali.i Hindi mabibili ng isang tao ang kaniyang sariling kaligtasan. Binayarang buo ng Panginoong Jesus ang halaga sa Kaniyang natapos na gawain. Wala tayong maidaragdag sa Kaniyang ginawa sa krus. Walang sinasabi ang Juan 3:16 tungkol sa pagtalikod mula sa kasalanan upang magkaroon ng buhay na walang hanggan.
Ikatlo, isang malaking pagpilipit ng libreng regalo ng Diyos ang sabihin sa mga LGBT na kailangan nilang italaga ang kanilang mga buhay kay Cristo at ipangakong paglilingkuran Siya upang maligtas. Ang tanging isyu ay pananampalataya kay Cristo para sa Kaniyang ipinangako: ang buhay na walang hanggan na hindi maiwawala. Hindi isyu ang takbo ng ating mga buhay sa hinaharap.
Sa tingin ko ang isang pahula ay nagbibigay ng sagot sa tanong na itinaas sa blog na ito.
You know how to catch a unique rabbit?
You nique up on it.
You know how to catch a tame rabbit?
The tame way.
Sasaksi ka sa isang LGBT sa parehong paraang sasaksi ka sa iba.
Ang mensahe ay pareho para sa isang homosekswal, sa isang pastor, sa isang transgender, sa isang pari, sa isang papa, sa isang lesbiyan, sa isang madre, sa isang matanda ng iglesia, sa isang diakono, sa isang maybahay, sa isang bisekswal, sa isang abogado, sa isang mamatay-tao, sa isang politiko o sa isang walang asawang lalaking sumisiping sa mga kababaihan. Ang Juan 3:16 ay totoo sa lahat. Ang sinumang nanampalataya sa Panginoong Jesucristo ay may buhay na walang hanggan at hindi mapapahamak. Walang taling nakakabit.
Kung ikaw o isang taong minamahal ay bahagi ng komunidad ng LGBT at hindi sila tiyak na mayroon silang buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng pananampalataya lamang kay Cristo, ang alok ng buhay na walang hanggan ay nariyan. Ito ay naghihintay sa simpleng pananampalataya kay Cristo para sa regalong iyan.
Para sa mga hindi pa kumbinsido na ang Juan 3:16 ay totoo at pinakahuhulugan nito ang sinasabi nito, hinihikayat ko kayong manalangin at humiling sa Diyos na ipakita sa iyo kung talaga bang simple lang ito. Hilingin sa Kaniya kung totoong sa mga simpleng nanampalataya sa Panginoong Jesucristo para sa buhay na walang hanggan ay may buhay na iyan at sigurado magpakailan pa man.
Hinihikayat ko rin kayong magbasa ng isang kabanata kada araw mula sa Ebanghelyo ni Juan habang patuloy na nananalangin para sa kaliwanagan. Ipakikita sa iyo ng Diyos ang katotohanan kung ikaw ay bukas at nagsisiyasat (Mat 7:7-11; Gawa 17:27; Heb 11:6).
______
- Totoong ang pamumuhay ng isang LGBT ay laban sa kautusan ng paglalang (Gen 1:26-27; 2:24) at laban sa mga utos ng Diyos (hal Roma 1:26-27). Subalit ang makasalanang gawi ay hindi isyu sa kaligtasan mula sa walang hanggang kundenasyon. Ang pagtalikod ng isang tao sa mga kasalanan ay mahalaga sa pagpapahaba ng pisikal na buhay sa mundong ito (Ezek 18). Para sa mga mananampalataya, upang makalakad na may pakikisama sa Diyos, kailangan nating lumakad sa liwanag at ikumpisal ang ating mga kasalanan (1 Juan 1:7, 9). Ngunit huwag nating ipagkamali ang pakikisama sa kapanganakang muli. Magkaiba ang kanilang mga kundisyon.