Si Kathryn Wright at ako ay nagturo ng isang serye ng mga podcast tungkol sa mga testimonya. Isang tagapakinig, si Mark, ay nagpadala ng email tungkol sa kaniyang sariling testimonya. Sa tingin mo ba ang kaniyang testimonya ay kakaiba o karaniwan?
Sinulat ni Mark:
Nakinig ako sa palabas tungkol sa tatlong hakbang ng isang testimonya. Nasumpungan kong interesante ito. Ako ay isang halimbawa ng paglaki kasama ng mga adik at iba’t ibang uri ng pang-aabuso. Mayroong akong PTSD. Naglingkod ako sa military, nagkaroon ng iba’t ibang panic attacks at napakagulo’t nais takbuhan ang una kong asawa at mga step kids- isa ako sa mga kwentong magulo. Ang Juan 3:16 mula sa isang aklat ang nagdala sa akin sa nakapagliligtas na pananampalataya kay Cristo at natiyak kong ako ay ligtas kung paanong natitiyak kong ang araw ay sisikat bukas.
Dumating ang mga aklat ng mga Puritano. Turong Reformed. Lordship. Nagsimula akong magkaroon ng alinlangan at nagsimula akong gumuho. May nagpakilala sa akin sa FG sa net (GES) at dumalo sa mga kumperensiya at nagbasa nang husto. Nakilala ko sila Zane, Rene Lopez, John Niemela, Bob atbp. Ang aking katiyakan ay muling nagningas.
Ang tanong ko ay ganito: ang akin bang kwento ay karaniwan? Dati kong tinitingnan ang aking buhay matapos manampalataya na may katiyakan, at nang dumating ang mga pag-aalinlangan ako ay gumuho. Diborsiyo, krisis sa kalusugang mental, pag-iisip na magpatiwakal. Ngunit sa ilalim ng lahat ng mga ito ay ang nakakakilabot na paniniwalang hindi ako sigurado at nang panahong iyan pakiramdam ko ay kinukwestiyon ako ng lahat. Matindi ang aking pagkalugmok at nangailangan ng ilang taon at ng isang binagong isipan bago ko muling matamo ang alam kong taglay ko na noong 1981.
Nagtataka lang ako kung nakarinig ka na ng kaparehong mga testimonya. Salamat.
Hindi nilarawan ni Mark kung ano ang kaniyang pinaniniwalaan tungkol sa kaligtasan bago niya naunawaan at sinampalatayahan ang Juan 3:16. Iminumungkahi ko at ni Kathryn na mabuting isama ito sa inyong testimonya. Ngunit ipagpalagay nating ang tanging alam niya tungkol kay Jesus ay Pasko at Easter at ang tipikal na turong kung susundin ang Gintong Aral, ikaw ay may malaking tiyansang makapasok sa langit.
At noong 1981, nakarating si Mark sa pananampalataya kay Cristo para sa buhay na walang hanggan. Sigurado siya tungkol sa kaniyang eternal na kapalaran sa puntong ito.
Hindi malaon matapos makarating sa pananampalataya, naiwala niya ang kaniyang katiyakan dahil sa pagbabasa ng mga turong Puritano/Reformed/Lordship Salvation. Dahil sa ang buhay na walang hanggan ay hindi maiwawala, nanatili siyang ligtas, ngunit nawala niya ang katiyakan ng kaligtasan.
Ilang sandali matapos nito, nakarating siya sa www.faithalone.org at sa mga kumperensiya ng GES. Nabawi niya ang katiyakan ng kaniyang walang hanggang kaligtasan. Minsan pa, siya ay ligtas at alam ito.
Oo, Mark, nakarinig na ako ng kaparehong mga testimonya. Madalas.
Ang teolohiyang Puritano, na siya ring teolohiya ng maraming mga pastor at teologong Reformed, at lahat ng mga tagataguyod ng Lordship salvation, ay isang “ebanghelyo ng pag-aalinlangan” ayon kay David Engelsma- siya mismo ay isang Calvinista, ngunit nananampalataya sa pangako ng buhay at sigurado sa kaniyang sariling kaligtasan.
Ang testimonya ni Mark ay ang matatawag nating testimonyang USUS, kung saan ang U ay para sa unsure (hindi sigurado) at S para sa sure (sigurado). Mula sa hindi pagiging sigurado, nakarating siya sa pagiging sigurado, pabalik sa hindi pagiging sigurado at muli sa pagiging sigurado. Maaari tayong magdagdag ng ilan pang mga titik at masabing ang kaniyang testimonya ay larawan ng testimonyang UuSbUbSb, kung saan ang u ay tumatayo sa unbeliever (hindi mananampalataya) at ang b ay sa believer (mananampalataya). Mula sa hindi tiyak na hindi mananampalataya patungo sa tiyak na mananampalataya1 patungo sa mananampalatayang hindi sigurado patungo sa mananampalatayang muling nakakasiguro.
Isa pang pangunahing modelo ng testimonya ay Uusb. Ito ang aking kwento. Tumungo ako mula sa isang walang kasiguruhang hindi mananampalataya patungo sa mananampalatayang may kasiguruhan noong Setyembre ng 1972. Mula noon, hindi ako nag-alinlangan sa aking eternal na kapalaran. Sa tingin ko ang isang rason ay bago ako nakarating sa pananampalataya, ako ay nadoktrinahan ng isang hyper na bersiyon ng kaligtasan sa gawa (hindi nagkakasalang kasakdalan) na nang ako ay manampalataya sa pangako ng buhay na walang hanggan hiwalay sa mga gawa, ako ay naging maingat sa anumang teolohiya gaya ng nagligaw sa akin nang maraming taon. Ang kaisipang Reformed ay parehong pareho sa turo ng kaligtasan sa gawa na aking narinig sa aking kabataan. Sa isang diwa, ako ay nabakunahan laban sa ganiyang uri ng kaisipan.
Ang parehong uri ng testimonya ay napakakaraniwan.
Sa tingin ko ang testimonya ni Mark ay isang babala sa lahat ng bagong mananampalataya o mananampalatayang hindi pa naturuang magkaroon ng katiyakan. Sigurado ka sa iyong eternal na kapalaran. Ngunit ang iyong katiyakan ay maaaring maiwala, lalo na kung ikaw ay magpapakabaon sa kaisipang Reformed. Mag-ingat sa iyong binabasa, at sa iglesia at mga pag-aaral ng Biblia na iyong dadaluhan. Ang inilalagay mo sa iyong isipan ay napakahalaga.
______
- Ang lahat ng mananampalataya ay nakasisiguro ng kanilang eternal na kapalaran sa sandaling sila ay makarating sa pananampalataya kay Cristo. Ang dahilan ay simple. Upang maipanganak na muli, kailangan nilang manampalataya kay Jesus, ang Tagapagbigay, para sa regalo ng Diyos, ang buhay na walang hanggang hindi maiwawala (Juan 4:10-14). Kung hindi tayo maniniwala sa regalo ng Diyos, hindi pa tayo naniniwala kay Jesus para sa buhay na walang hanggan. Maraming taong naipanganak nang muli ang naiwala ang kanilang katiyakan at nabubuhay sa pag-aalinlangan at maging sa kawalang pag-asa.