Mas kakaunti ang mga dispensasyonalista ngayon kumpara sa mga nakaraang taon. Kaakibat ng maraming bagay, ang mga dispensasyonalista ay naniniwalang may pagkakaiba sa pagitan ng Israel at ng simbahan. Subalit, maraming mga guro ng Biblia ngayon ang nagsasabing ang simbahan ay ang bagong Israel o ang simbahan ang pumalit sa Israel. Ang mga nagsasabing ang simbahan ay hindi Israel ay madalas na kinukutya bilang hindi seryosong estudyante ng Kasulatan. Ako ay isang dispensasyonalista.
Kamakailan, sinisilip ko ang isang pasahe sa Lukas. Sa aking mapagkumbabang opinyon, ang pasaheng ito ay matibay na nagpapahiwatig na iba ang pagtrato ng Diyos sa Israel kaysa sa simbahan. Sa Lukas 9:1-6, sinugo ng Panginoon ang labindalawang alagad sa bansang Israel. Sinabihan Niya silang gumawa ng mga himalang pagpapagaling sa mga Judio, ang kumilos sa partikular na mga kilos, at ang mangaral ng partikular na pangangaral. Ang mga espisipiko ng utos ng Panginoon sa mga alagad sa panahong ito ay hindi kailan man ibinigay sa simbahan nang ito ay ipanganak sa Gawa 2. Una, sinabihan ni Jesus ang Labindalawang magpalayas ng mga demonyo at magpagaling ng mga may sakit. Binigyan sila ni Cristo ng kapangyarihan at awtoridad na gawin ito. Ang mga mananampalataya ngayon ay hindi sinabihang gawin iyan. Walang kahit isang mananampalataya ngayon ang binigyan ng kapangyarihan o awtoridad. Ang Labindalawa ay isang kakaibang grupo ng lalaking may kakaibang misyon. Sila ay sinugo sa bansang Israel upang ipakitang si Jesus ang pinangakong Hari. Ang mga mirakulong kanilang ginawa ay demonstrasyon ng katotohanan ng kanilang mensahe sa bansa.
Ang mga lalaking ito ay inatasang “ipangaral ang kaharian ng Diyos.” Sa Evangelio ni Lukas, ang kaharian ng Diyos ay tumutukoy sa pangako ng Diyos sa Israel. Nangako Siyang isusugo sa kanila ang kanilang Hari, na maghahari sa buong mundo mula Jerusalem. Ngayon ang Hari ay dumating sa Persona ni Cristo. Ang Labindalawa ay nagpapahayag na ang Diyos ay nag-aalok ng kaharian sa henerasyong iyan ng mga Judio kung tutugon sila sa kanilang mensahe.
Ang Panginoon ay nagbigay sa mga lalaking ito ng mga espisipikong atas kung paano nila isasagawa ang kanilang misyon. Tutungo sila sa lahat ng lunsod ng Galilea, na uubos ng ilang panahon. Ngunit hindi sila dapat magdala ng anumang salapi, pagkain o ekstrang damit. Hindi sila dapat mag-abala sa akomodasyon sa ilang buwang (?) mawawala sila. Ang Panginoon ang magbibigay ng lahat ng mga ito.
Imposibleng maisip ngayon ang isang simbahang hindi magdadala ng salapi, pagkain o damit kapag lumuwas upang paglingkuran ang Panginoon sa isang misyong aabutin ng ilang buwan. Isipin ninyong magsagawa ng ganitong lakad nang walang paunang paghahanda kung saan ka tutungo.
Ang kakaibang utos ng Panginoon sa Lukas 9:1-6 ay binigay dahil sa ang oras ay esensiyal. Ang Hari ay hindi magtatagal na kapiling nila, kaya ang alok sa bansang Israel ay dapat tanggapin nang madalian. Kailangan na silang puntahan ng mga alagad. Kailangan nilang magmadali. Wala silang oras upang magtipon ng suporta.
Paano ang mga tumakwil sa mga ginawa at sinabi ng mga alagad? Minsan pa, nakikita nating sila ay tutugon sa paraang tayong mga nasa simbahan ay hindi maaari. Kailangan nilang ipagpag ang mga alabok sa kanilang mga paa. Ito ay may espesyal na kahulugan sa mga Judio. Ang pagpapagpag ng alabok sa sapatos ng isang tao ay tanda sa mga Judiong ang Diyos ay hahatulan ang bansa sa pagtakwil sa mga sinugo ng Diyos sa kanila.
Ang mga mananampalataya ngayon ay nagpapahayag ng ibang mensahe. Sinasabihan nating pareho ang mga hindi mananampalatayang Judio at Gentil na ang Panginoon ay nagbibigay ng buhay na walang hanggan sa lahat ng mananampalataya sa Kaniya para rito. Nagbabanggit tayo ng mga gantimpala sa mga mananampalatayang gumagawa ng mabubuting gawa. Subalit hindi natin sila sinasabihang si Jesus ay dagliang darating upang magtatag ng Kaniyang kaharian kung sila ay manampalataya. Hindi tayo sinabihang magpagpag ng mga alabok mula sa ating mga paa kapag tayo ay may nakaharap na oposisyun.
Ang mga sitas na ito ay isang paalala. Ang mensaheng hinayag ni Juan Bautista, ng Panginoon at ng Labindalawa sa bansang Israel ay hindi dapat ilapat sa simbahan. Maaaring walang kahit isang hindi dispensasyonalista ang titingin sa Lukas 9:1-6 at magiging dispensasyonalista. Maaaring ipipilit niyang walang pagkakaiba sa pagitan ng Israel at ng simbahan. Ngunit bilang isang dispensasyonalista, madali sa aking tingnan ang mga sitas na ito at mapagkurong ang trato ng Panginoon sa Israel ay hindi kapareho ng Kaniyang trato sa sanlibutan ngayon.


