Ayon sa liham ni SF,
Malinaw na ang KABUUAN ng Pahayag ay sa hinaharap. Ang mga “sulat sa mga simbahan” ay puno ng mga doktrina ng gawa. Maaari mo bang ikunsidera ang ideya na ang mga sulat na ito ay para sa mga mananampalataya kapag natapos na ang panahon ng biyaya, pagkatapos ng Rapture? Ang GES ay tagpagtanggol ng biyaya ngunit mayroon sa inyong nanghahawak sa libreng biyaya, ang nagbabasa ng mga sulat na ito na tila baga sila ay para sa atin, at dumarating sa napakaterible, o teribleng kalituhan. Iyan ang aking karanasan ilang dekada na.
Nang binaggit ang “natapos ang panahon ng biyaya,” sa tingin ko ang ibig sabihin ni SF at pagkatapos ng panahon ng simbahan. Ibig sabihin, sa kaniyang pagkaunawa, ang Pahayag 2-3 ay para sa mga mananampalataya sa panahon ng Tribulation.
Nakikita ko kung paanong ang Pahayag 2-3 ay makagugulo sa isipan ng mga naniniwala na lahat ng mananampalataya ay mananagumpay. Nakikita mo na sa Pahayag 2-3, hindi lahat ng mananampalataya ay mananagumpay.i
Samakatuwid, maaaring may mag-isip na ang Panginoon ay nagtuturo na tanging mga mananagumpay na mananampalataya lamang ang makapapasok sa Kaniyang kaharian.
Siyempe, gaya ng sabi ni SF, hindi iyan ang aming pananaw. Lahat ng mananampalataya ay hindi mapapahamak, lahat ay may buhay na walang hanggan, hindi sila iwawaksi, hindi sila mamamatay espiritwal, hindi hahatulan patungkol sa buhay na walang hanggan, atbp.
Hindi ako tiyak kung mayroong pananaw na ang pitong sulat ng Aklat ng Pahayag ay para sa mga tao sa panahon ng Tribulation. Ngunit marahil mayroon ngang ganiyang pananaw.
May mga nag-iisip na ang pitong simbahan ay kumakatawan sa pangkalahatang simbahan ni Jesu-Kristo sa pitong peryodo ng kasaysayan ng simbahan. Sa tingin ko hindi lapat ang pananaw na iyan. Sa aking paningin, ang outline ng aklat ay nasa Pahayag 1:19, “Isulat mo nga ang mga bagay na nakita mo, at ang mga bagay ngayon, at ang mga bagay na mangyayari sa darating.” Ang mga bagay na nakita mo ay tumutukoy sa Pahayag 1:1-18. Ang mga bagay ngayon ay tumutukoy sa Pah 2:1-3:22, ang mga bagay na nagaganap habang sinusulat ni Juan ang kaniyang mga liham. Ang mga bagay na mangyayari sa darating ay tumutukoy sa Pah 4-22.
Ano man ang tamang paliwanag, tama si SF na ang pitong sulat ay “puno ng doktrina ng gawa.” Lahat ng pitong sulat ay mayroong, “Alam ko ang iyong mga gawa.”
Sa aking paniniwala, ang buong Biblia ay puno ng doktrina ng mga gawa. Mula Genesis hanggang sa Pahayag, nananawagan ang Diyos sa mga mananampalataya na gumawa ng mga gawang nakaluluwalhati sa Diyos at sumasalamin sa larawan ng Diyos. Ang Panginoong Jesus ay bumabanggit ng mga mabubuting gawa na dapat nating gawin (Mateo 5:16; 26:10; Marcos 14:6). Pinuri ni Lukas si Tabitha na “puno ng mabubuting gawa” (Gawa 9:36). Ayon kay Pablo ang mga mananampalataya ay dapat “maging mabunga sa lahat ng mabuting gawa” (Col 1:10; kumpara 2 Cor 9:8; Ef 2:10; 6:18). Ayon sa Hebreo 10 24, “na tayo’y mangaudyok sa pagiibigan at mabubuting gawa”.
Ang Free Grace ay hindi kalaban ng pagbibigay diin sa mabubuting gawa. Ang biyaya ng Diyos ay hindi lisensiya para magkasala. Kung uunawain ng tama, ang pitong sulat sa mga simbahan ay humahamon sa atin na maging mananagumpay na mga Kristiyano upang marinig nating mamutawi ang Panginoon, “Mahusay, mabuting lingkod” (Lukas 19:17), at upang tayo ay maghari ng kasama Niya sa buhay na darating (Pah 2:26). Lahat ng mananampalataya ay nasa kaharian. Ngunit tanging ang mga tapat na mananampalataya ang pipiliing maghari na kasama Niya at magkakamit ng mga gantimpala ng pagtitiis na kaakibat ng paghaharing kasama ni Kristo.
Bilang panghuli, ayon sa 2 Tim 3:16-17, ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at kapakipakinabang sa mga mananampalataya sa lahat ng panahon. Kailangan nating gamitin ang buong Salita ng Diyos, maging ang mga sitas sa nakaraan o sa hinaharap. Kahit pa ang Pahayag 2-3 ay para sa mga mananampalataya sa Tribulation, kailangan pa rin nating aralin ang mga prinsipyong matatagpuan dito at gamitin ang mga prinsipyong ito sa ating mga buhay.
Natutuwa ako sa tanong ni SF dahil ito ay nagpapaalala sa atin ng bilin ni Pablo kay Tito: Sapagka’t napakita ang biyaya ng Dios, na may dalang kaligtasan sa lahat ng mga tao, Na nagtuturo sa atin, upang, pagtanggi natin sa kalikuan at sa mga kahalayan ng sanglibutan, ay marapat mabuhay tayong may pagpipigil at matuwid at banal sa panahong kasalukuyan ng sanglibutang ito; Na hintayin yaong mapalad na pagasa at ang pagpapakita ng kaluwalhatian ng ating dakilang Dios at Tagapagligtas na si Jesucristo.
__________
i kinikilala ko na mayroong nanghahawak na ang 1 Juan 5:3-5 ay nagtuturo na lahat ng mananagumpay ay mananampalataya. Hindi ako sang-ayon. Sa tingin ko ang mga sitas na ito ay nagtuturo na ang ating pananampalataya ay nanagumpay sa sanlibutan. Hangga’t tayo ay nabubuhay sa pananampalataya tayo ay mananagumpay na mga Kristiyano. Ngunit walang garantiya sa 1 Juan 5:3-5 na tayo ay laging mabubuhay sa pananampalataya. Subalit, kung mali man ako at ang 1 Juan 5:3-5 ay nagtuturo na lahat ng mananampalataya ay mananagumpay, malinaw na ito ay tagumpay sa ating posisyon at hindi karanasan. Subalit sa Pa 2-3 ang pananagumpay ay isang bagay na dapat nilang gawin sa kanilang mga karanasan, isang bagay na hindi totoo sa lahat sa kanilang posisyon. Kung ganuon kung ang 1 Juan 5:3-5 ay nagtuturo na ang lahat ng mananampalataya ay mananagumpay sa kanilang posisyon, hindi nito sinasalungat ang Pah 2-3 na nagtuturo na hindi lahat ng mananampalataya ay mananagumpay sa kanilang karanasan.