Bilang isang dating sundalo, mahilig ako sa isang magandang pelikulang digmaan. Isa sa mga pelikulang ito ay ang Fury. Ito ay kwento ng isang crew ng isang tanke sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig. May limang lalaki sa crew at magkakasama nilang naranasan ang lahat ng kahilakbutan ng digmaan sa kanilang pakikilaban sa Alemaniyang Nazi. Magkakasama sila simula pa ng D-Day o ang simula ng digmaan sa Europa.
Sa katapusan ng pelikula ang crew ay nahaharap sa tiyak na kamatayan. Sa katotohanan, lahat maliban sa isa, ay napatay sa digmaang kanilang pinaghandaan. Ang kumander ng tanke, isang sarhentong pinatigas ng panahon, ay nakasandig sa loob ng tanke at sinabing ang makasama sila “ang pinakamainam na trabahong nagkaroon ako.” Ang buong crew ay sumang-ayon na inulit ang parehong parirala.
Ang isang taong gaya ko ay may halong emosyon sa pahayag na iyan. Sa isang banda, tila kabaliwan ito. Matapos mapanuod ang pelikula at makita ang lahat ng sama-samang pinagdaanan ng mga lalaking ito, iisipin ng isang tao na ito ang pinaka hindi magandang trabaho sa buong mundo. Nakita nilang mamatay ang karamihan sa kanilang mga kaibigan. Ang maglakbay sa kabuuan ng Europa sa isang masikip na tanke sa isang buong taon ay mahirap at delikadong pag-iral.
Ngunit sa isang banda, ang pahayag ay may laman, kahit pa sa mga taong hindi naglingkod bilang bahagi ng isang crew ng isang tanke. Nauunawaan nating ang mga taong ito ay may espesyal na bigkis sa bawat isa. Literal na handa nilang ilagak ang kanilang buhay para sa bawat miyembro ng tanke. Iilang tao lamang ang magiging bahagi ng isang team na gaya niyan. Isa pa, nakikita nila ang kanilang mga sarili bilang bahagi ng isang marangal na pinaglalaban. May bahagi silang ginampanan sa pag-alis ng isa sa pinakamasahol na diktador na nakita sa mundong ito. Isa sa mga lalaki sa tanke ang laging nagkukwento tungkol sa Biblia, at maiiisip mong nakikita niya ang kaniyang ginagawa bilang nakalulugod sa Diyos dahil sinusubukan niyang pigilin ang pagkatay sa mga Judio, ang piniling bayan ng Diyos. Ilang tao ang makasasabing may ginawa silang dakila sa kanilang mga buhay?
Hindi nakapagtatakang ang limang lalaking ito ay nag-aangking sila ang may pinakamainam na trabaho sa mundo. Ang mga pagsubok at panganib na kanilang hinarap ay hindi binabago ang katotohanang ito.
Kamakailan pumasok sa aking isipan na ang mga alagad na piniling sumunod sa Kaniya sa Kaniyang ministerio ay masasabi ang parehong bagay. Ang kanila ay isa ring mapanganib na trabaho. Hindi nila ito natanto sa pasimula. Ngunit ang mambabasa ng Marcos ay malinaw itong nakikita. Bago pinili ng Panginoon ang mga taong ito, sinabihan tayong makapangyarihang mga pwersa ang laban sa Kaniya, na nagdesisyong dapat Siyang mamatay (3:6). Sinabi ring si Satanas ay laban sa Kaniya (3:11-12). Pagkatapos na pagkatapos ay pinili ni Jesus ang mga lalaking ito bilang Kaniyang crew (3:13-19). Ibinigay ni Marcos sa atin ang kanilang mga pangalan.
Matapos pangalanan ang mga lalaking ito, sinabi ni Marcos na kahit ang pamilya ng Panginoon ay laban sa Kaniya , na iniisip na Siya ay nababaliw (3:21). Ang sumusunod na sitas ay nagsasabing ang mga kinatawan ng pamahalaan, isang pamahalaang nakabase sa Kautusan ni Moises, ay nagbuod na Siya ay isang Lalaking inaalilihan ng masama (3:22). Ang mga makapangyarihang pwersang ito ay kalauna’y magreresulta sa Kaniyang kamatayan.
Sa madaling salita, ang mga lalaking piniling sumunod kay Jesus bilang mga alagad, ay pumirma sa isang mapanganib na trabaho. Sa katotohanan, gaya ng pelikulang Fury, lahat maliban sa isa ay mamamatay dahil sila ay bahagi ng grupong iyan.
Minsan pa, ang mga tagalabas ay maaaring tingnan ito at sabihing ito ay kahilahilakbot na buhay, isang kahilalakbot na trabaho, kung hahayaan ninyo. Sa isang tingin, masasabi nating ayaw nating maging bahagi ng isang bagay na gaya niyan.
Ngunit alam natin ang mas maigi. Bawat isa sa mga lalaking ito, sa katapusan ng kaniyang buhay ay makasasandig at masasabing, “Mayroon akong pinakamainam na trabahong nakuha.” Sa loob ng tatlong taon sila ay may pribilehiyong makasama ang Anak ng Diyos. Nakabahagi nila Siya sa Kaniyang buhay ng pighati. May karanasan silang kasama Niya na kailan man ay hindi matatamasa ng sanlibutan. Hindi malaon ay ilalagak nila ang kanilang mga buhay para sa Kaniya.
Gaya ng mga lalaki sa Fury, sila ay bahagi rin ng marangal na pakikilaban. Ngunit ang kanilang pinaglalaban ay higit na marangal. Ang mga alagad ng Panginoon ay humayo sa Kaniyang kapangyarihan at nilatag ang saligan ng iglesia. Ipahahayag nila ang mensahe ng buhay na walang hanggan sa mundong nasa kadiliman. Mayroon silang mahalagang gampanin sa plano ng Diyos na dalhin ang Kaharian ng Diyos.
Nang manampalataya kay Jesus para sa buhay na walang hanggan, taglay natin ito at hindi natin ito maiwawala. Ngunit tinuturo ng Biblia na matapos nating manampalataya sa Kaniya, kung nais nating maging mga alagad ng Panginoon, asahan natin ang paghihirap. Asahan nating lalabanan tayo ng sanlibutan. Ngunit kung tayo ay tapat sa Panginoon, kapag ang lahat ay nasabi at nagawa, tayo ay magiging tila sarhento sa tanke. Makasasandig tayo at masasabi nating ito ang pinakamainam na trabaho sa mundo.