Ang tanong na ito ay lumitaw kagabi sa aking klase ng soteriolohiya sa Zoom.
Madalas nating banggitng may tatlong elemento sa mensahe ng buhay na walang hanggan: 1) Pananampalataya 2) kay Jesucristo 3) para sa buhay na walang hanggan. Minsan ginagamit natin ang Juan 4:10 upang ipakitang hinihingi ni Jesus na tayo ay manampalataya sa Kaniya, ang Tagapagbigay, para sa regalo ng Diyos, ang buhay na walang hanggan (Juan 4:14).
Isa sa mga kalahok ang napapaisip kung ang mga ito ay dalawang kundisyon. Kailangan ba natin munang manampalataya sa Panginoong Jesucristo at pangalawa sa Kaniyang pangako ng buhay na walang hanggan?
Ang lahat ng pananampalataya ay proposisyunal. Hindi ka maaaring manampalataya sa isang hindi proposisyun.
Halimbawa, kapag tinanong ko, “Naniniwala ka ba kay Joe Biden?” ang iyong tugon ay, “Maniwala para saan?”
Ang Pangulong Biden ay maraming binitiwang mga pangako nang siya ay tumatakbo sa opisina. Mas marami pa siyang binitiwan nang siya ay maluklok. Maaaring walang naniwala sa kaniyang mga pangako. Kaya ang tanong na ito ay kailangang maging mas espisipiko.
Kung aking itanong, “Naniniwala ka ba sa pangako ni Joe Biden na ang kaniyang mga polisiya ay makabubuti sa ating ekonomiya?” alam mo kung ikaw ba ay maniniwala o hindi sa pangakong iyan. Hindi mo iisiping tinatanong ka ng dalawang magkaibang bagay. Ang maniwala sa pangakong binitiwan ng isang tao ay ang makumbinseng magagawang niyang tuparin ang pangakong iyan.
Ang proposisyun ni Jesus, “Ang manampalataya sa Akin ay may buhay na walang hanggan” (Juan 6:47) ay maaaring totoo o hindi. Mananampalataya ka rito o hindi.
Ito ay iisang proposisyun at hindi dalawa. Kung nanampalataya ako sa proposisyun, alam kong mayroon akong buhay na walang hanggan.
Ngunit ang anumang pangako ay may dalawang aspeto: ang pangako mismo at kung katiwa-tiwala ang bumitaw ng pangako. Upang maniwala sa anumang pangako, kailangan ko munang maunawaan kung ano ang ipinangako, at dapat makumbinse akong ang taong nagbitaw ng pangako ay mapagkakatiwalaan.
Hayaan niyang bigyan ko kayo ng ilang halimbawa ng mga taong nananampalataya kay Jesus ngunit hindi nananampalataya sa Kaniyang pangako ng buhay na walang hanggan.
Nanampalataya si John kay Jesus para sa malusog na pangangatawan. Kumbinsido siyang nangangako si Jesus ng mabuting kalusugan sa lahat ng nanampalatayang sa Kaniyang mga sugat tayo ay gumaling. Hindi siya naniniwala sa eternal na seguridad. Itinuturing niya itong isang doktrina ng Diablo na naglilinglang sa mga tao.
Nananampalataya si Jasmine kay Jesus para sa katahimikan ng isipan. Kumbinsido siyang nangangako si Jesus ng kalayaan mula sa lahat ng pag-aalala sa lahat ng nanampalataya sa Kaniya. Hindi siya naniniwala sa Kaniyang pangako ng buhay na walang hanggan dahil kumbinsido siyang ang katiyakang hiwalay sa mga gawa ay magreresulta sa pamumuhay na makalaman.
Nananampalataya si Jerry kay Jesus para sa buhay para sa pinansiyal na prosperidad. Kumbinsido siyang nais ni Jesus na ang lahat Niyang mananampalataya ay yumaman at Siya ay nangangako ng kayamanan sa lahat ng sumasampalataya sa Kaniya para rito. Ngunit hinsi siya naniniwalang ang kaniyang walang hanggang kapalaran ay tiyak na. Kumbinsido siyang hinihingi ni Jesus ang katapatan sa kaniyang bahagi upang mapanatili niya ang kaniyang kaligtasan.
Bagama’t naniniwala si John Piper na ang pagtitiis sa pananampalataya at mabubuting gawa ay kailangan upang matamo ang tinatawag niyang pinal na kaligtasan, naniniwala siyang kailangan ng isang taong manampalataya kay Jesus para sa tamang pangako. Sa kaniyang aklat, The Future of Justification: A Response to N. T. Wright, sinulat niya:
Ngunit mayroong panlilinlang sa malabong pahayag ni Wright na tayo ay naligtas hindi sa pananampalataya sa pag-aaring matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya, kundi sa pananampalataya sa kamatayan at pagkabuhay na maguli ni Jesus. Ang kalabuang ito ay hindi nagbibigay-kalinawan sa kung para sa ano ang sinampalatayahan natin sa kamatayan at pagkabuhay na maguli ni Jesus [ang italiko ay kaniya]. Hindi nagliligtas na pananampalataya ang manampalataya kay Jesus para lamang sa prosperidad o kalusugan o mas maiging pag-aasawa… [dinagdag ang diin].
Ang utos na, “Manampalataya sa evangelio ng kamatayan at pagkabuhay na maguli ni Jesus” ay walang lamang masasabing mabuting balita [ang italiko ay kaniya]. Hangga’t hindi sinasabi ng mangangaral sa tagapakinig kung ano ang personal na ipinangako ni Jesus sa kaniya at malayang ipinahayag ang pahayag na ito masasabing nariyan ang kalidad ng mabuting balita (Piper, The Future of Justification, p. 85-86).
Kailangan nating manampalataya kay Jesus para sa isang bagay, at dapat sa tamang bagay. Ang bagay na ito ay ang buhay na walang hanggang hindi maiwawala (Juan 3:16).