Sa Lukas 19:1-9, makikita natin ang isang kilalang kwento ng mababa ngunit mayamang lalaking nagngangalang Zaqueo. Pamilyar tayong lahat sa kwento, at kung paanong ang Panginoon ay tumungo sa bahay ni Zaqueo. Sa katotohanan, masidhi ang kaniyang pagnanasang sumunod sa Panginoon sa pagigiging alagad at sinimulan niya ang proseso sa pamimigay ng kaniyang kayamanan dahil sa tinuro sa kaniya ng Panginoon.
Kabilang sa buod ng kwento ang sikat na pahayag ng Panginoon. Matapos ipangako ni Zaqueo na ipamimigay niya ang kaniyang pera, sinabi ng Panginoong ang kaligtasan ay dumating sa kaniya. Pinaalala matapos ng Panginoon si Zaqueo kung bakit Siya dumating. Sinabi Niyang dumating Siya sa sanlibutang ito upang “hanapin at iligtas ang mga nawala.”
Dahil sa ang mga salitang kaligtasan at iligtas ay nasumpungan sa maikling pahayag na ito, gayun din ang salitang nawala, karamihan sa mga komentaryo ay nagsasabing ang tinutukoy ni Jesus ay ang pagliligtas ng mga tao mula sa impiyerno. Ang hindi mananampalataya ay “nawala” dahil siya ay patungo sa lawa ng apoy. Kailangan niyang “iligtas” mula sa kapalarang iyan. Naalala ko ang isang kaibigang pastor na nilalarawan ang kaniyang sarili nang siya ay hindi pa mananampalataya. Sinabi niyang, “Ako ay nawala gaya ng isang kambing.” Ayon sa karamihan sa mga komentaryo, ang Panginoon ay tumutukoy sa pagkaligtas ng “nawalang” si Zaqueo mula sa impiyerno.
Si Bob Wilkin ay may sinulat na mahusay na aklat na ang titulo ay The Ten Most Misunderstood Words in the Bible. Isa sa mga salitang kaniyang tinalakay ay nawala. Ipinunto niyang ang salita ay hindi paglalarawan ng mga hindi mananampalataya. Sa halip, ang salita ay tumutukoy sa anak ng Diyos na hindi namumuhay ng tama. Siya ay nawala sa diwang siya ay wala sa pakikisama sa Panginoon. Siya ay naliligaw sa kadiliman, ngunit ligtas pa rin.
Ito ay tiyak na lapat sa konteksto ng pasaheng ito. Si Zaqueo ay isang lalaking bahagi ng isang masamang trabaho. Bilang tagasingil ng buwis, siya ay naging mayaman sa pagsasamantala sa iba. Ang resulta, siya marahil ang pinakamayamang lalaki sa buong Jerico, gayun din sa nakapaligid na lugar.
Matapos manampalataya kay Jesus, maaari sana niyang ipagpatuloy ang parehong bagay. Ang walang hanggang kaligtasan ay libre at hindi maiwawala. Maaari sanang manatili si Zaqueo sa parehong propesyon, daya ng dati, at tamasahin ang resultang kayamanan. Ngunit matapos gugulin ang isang araw kasama ang Panginoon sa kaniyang tahanan at marinig ang Panginoong magturo tungkol sa darating na kaharian ng Diyos, gumawa siya ng isang mahalaga at magastos na desisyon. Itinigil niya ang kaniyang ginagawa at nangakong maglilingkod sa iba, samantalang dati sarili lamang ang kaniyang pinaglilingkuran.
Nagsisi si Zaqueo ng kaniyang mga kasalanan. Tumalikod siya sa kaniyang mga ginagawa. Sa paggawa nito, naligtas siya mula sa buhay ng mapagwasak na gawi. Naligtas siya mula sa isang buhay na magpapayaman sa kaniya sa buhay na ito ngunit magpapapobre sa kaniya sa mundong darating. Naligtas siya mula sa paglakad sa kadiliman upang kaniyang maranasan ang mga pagpapala ng buhay na nakalulugod sa Panginoon. Ang kaligtasang ito ay binigay sa kaniya matapos niyang maging mananampalataya.
Sa madaling salita, kung siya ay nagpatuloy sa dating gawi ng kaniyang buhay, mawawala sana siya sa mga bagay na ito. Ngunit sinabi ng Panginoon na Siya ay dumating upang iligtas ang Kaniyang mga anak mula sa kapalarang ito. Wala itong kinalaman sa walang hanggang kaligtasan ngunit may kinalaman sa matuwid na pamumuhay ng mga mananampalataya matapos matanggap ang buhay na walang hanggan.
Inihanda na ni Lukas ang mga mambabasa sa pagkaunawang ito sa mga salita ng Panginoon kay Zaqueo. Sa kabanata 15 masusumpungan natin ang isa sa mga sikat na parabula ng Panginoon- ang Parabula na Nawawalang Tupa. Silang lahat ay mga tupa, at kung ganuon kumakatawan sa mga mananampalataya. Siyamnapu’t siyam sa mga tupa ang nananatili kasama ng pastol at nakararanas ng mga pagpapala ng komunyong iyan. Subalit, ang isa ay naliligaw palayo at naiwala ang komunyong iyan. Ngunit ang pastol na malinaw na kumakatawan kay Cristo, ay hinanap at niligtas ang nawawalang tupa.
Ang Panginoon ay hindi lamang nagbigay kay Zaqueo ng buhay na walang hanggan; ginugugol din Niya ang isang araw sa kaniyang bahay dahil hindi Niya nais na manatili siyang nawawala sa buhay na kaniyang pinamumuhay. Nais Niyang iligtas siya sa buhay na iyan. Sa Kaniyang pagtungo sa kaniyang bahay at pagtuturo sa kaniya, hinahanap at nililigtas ng ating Hari ang Kaniyang anak na nawawala. Nasumpungan Niya siya.