May pinadala sa akin si Stephanie ng isang link sa isang artikulong sinulat ng isang tagapagtanggol ng Cristianong pananampalataya, ng isang apologista. Ang artikulo noong 2018 ni J. Warner Wallace ay may pamagat na “When Belief ‘That’ Becomes Belief In.’” Tingnan dito. Tingnan din ang artikulong ito sa gotquestions.org na may parehong argumento.
Sinulat ni Stephanie, “Maaari mo ba akong tulungang maunawaan ang artikulong ito? Tila ginagawa niyang may mga antas ang pananampalataya. Ibig kong marinig ang iyong bahagi. Paunang pasasalamat sa bagay na ito.”
Walang binaggit na anumang Kasulatan sa artikulo niya. Ito pa lang ay isa nang pulang bandila.
Iminumungkahi niyang ang paniniwala kay Jesus ay patungkol sa nagliligtas na pananampalataya at ang paniniwalang si Jesus ay kung anuman ang binanggit ng manunulat ng BT patungkol sa kaniya ay hindi patungkol sa nagliligtas na pananampalataya: “Samantalang ang aking mahabang pagsusuri kay Jesus ay nagtulak sa king manampalatayang ‘ang’ Bagong Tipan ay matitiwalaan, ito ay hindi nagdala sa kin sa isang nagtitiwalang pananampalataya ‘kay’ Jesus (bilang aking Tagapagligtas).”
Ano ang “nagtitiwalang pananampalataya kay Jesus bilang aking Tagapagligtas”? Hindi niya sinabi. Ngunit ito ang kaniyang sinabi, “Ngunit malinaw na ito ay higit pa sa tanging pagsang-ayong intelektuwal; ito ay isang may kumpiyansang pagtitiwala bilang tugon sa kinilalang pangangailangan.” Ano ang may kumpiyansang pagtitiwala? Kung ito ay higit pa sa tanging pagsang-ayong intelektuwal, paano malalaman ng sinuman kung mayroon siya nito?
Sa Griego, ang pananampalataya kay/sa tao ay ipinapahayag ng pisteuo eis at ng pangalan ng tao. Ang manampalataya na ay pisteu hoti at ang bagay na pinaniniwalaang totoo. Ito ay isang bagay na paulit-ulit na binaon sa amin sa Dallas Theological Seminary patungkol sa Evangelio ni Juan: Ang manampalataya kay Jesus ay kapareho ng pananampalatayang Siya ang Cristo, ang Anak ng Diyos.
Sa Juan ang pisteuo eis ay katumbas ng pisteuo hoti.
Ang Juan 3:16 at ang dosena pang ibang sitas sa Juan ay gumagamit ng pisteuo eis upang sabihing ang sinumang sumampalataya sa Kaniya ay may buhay na walang hanggan at hindi mapapahamak, magugutom, mauuhaw, mamamatay o itataboy. Ngunit mayroon ding ilang sitas, gaya ng Juan 11:27 at Juan 20:31 na walang pag-aalinlangang tinutumbas ang pananamapalatayang si Jesus ang Cristo, ang Anak ng Diyos, sa paniniwala sa Kaniya para sa buhay na walang hanggan.
Marami ang nakapansing sa Juan 20:31, ang sinumang “magsisampalataya na si Jesus ay ang Cristo” ay may buhay na walang hanggan: “Ngunit ang mga ito ay nangasulat upang kayo’y magsisampalataya na si Jesus ay ang Cristo, ang Anak ng Diyos; at sa inyong pagsampalataya ay magkaroon kayo ng buhay sa Kaniyang pangalan” (may dagdag na diin). Tingnan din ang 1 Juan 5:1a, “Ang sinumang nananampalataya na si Jesus ay siyang Cristo ay ipinanganak ng Diyos.”
Ang pananampalatayang si Jesus ay ang Cristo, ang Anak ng Diyos, ay katumbas ng pananampalataya sa Kaniya para sa buhay na walang hanggan. Kung hindi, ang layong pahayag ng Juan ay kasalungat ng natitirang bahagi ng aklat (hal Juan 3:14-18, 36; 6:47; 11:25-27).
Nililito natin ang mga tao kapag sinasabi nating ang pananampalataya ay hindi nangangahulugang manampalataya kundi magtiwala. Sa Kasulatan ang manampalataya ay nangangahulugang manampalataya. Ang mga kasinkahulugan ng panananampalataya ay makumbinseng ang isang bagay ay totoo. Ang manampalataya sa Kaniya ay ang makumbinseng Siya ang Cristo, ang Anak ng Diyos, na naggagarantiya ng buhay na walang hanggan sa lahat ng nanampalataya sa Kaniya para sa buhay na ito.