Kung tayo ay tapat sa Kasulatan, makikilala nating ang mga salitang ligtas at kaligtasan ay flexible. Maaari silang tumukoy sa iba’t ibang uri ng kaligtasan. Ang GES ay maraming artikulong pinakikita kung paano ang salita ay ginamit sa iba’t ibang paraan sa BT.
Minsan, ito ay problema. Maraming Evangeliko ang awtomatikong nagpapalagay na kapag ginamit ng Biblia ang salitang ligtas o kaligtasan ito ay nangangahulugang kaligtasan mula sa walang hanggang impiyerno. Kung ipakita mong ang mga salitang ito ay madalas na nangangahulugan ng ibang kahulugan sa BT, iisipin ng mga taong isa kang erehe.
Hindi dapat ganito. Kahit sa Ingles, ginagamit natin ang mga salitang ito sa iba-ibang konteksto. Ang The Shawshank Redemption, ay isang makapangyarihang larawan nito. Isa sa mga tauhan ay gahaman, marahas na bantay sa kulungang nagngangalang Horton. May pinatay pa nga siyang lalaking panganib sa kaniyang pinansiyal na kalagayan. Si Horton ay isa ring nagmamatuwid na diakono sa isang lokal na simbahan.
Si Andy ay isang bilanggo, at ginagamit siya ni Horton para sa ilegal na kapakinabangang pinansiyal. Nang una silang magtagpo, binigyan ni Horton ng Biblia si Andy. Hinikayat niya si Andy na basahin ito sapagkat “nasa loob masusumpungan ang kaligtasan.”
Hindi alam ni Horton, ngunit si Andy ay may nakuhang kasangkapang tila maliit na piko. Sa loob ng dalawampung taon ginamit ito ni Andy upang humukay ng lagusan palabas ng bilangguan. Nakalaya si Andy.
Sa loob ng dalawampung taong iyon, tinago ni Andy ang kaniyang piko sa kaniyang Biblia. Pagkatapos makatakas, binuksan ni Horton ang Biblia ni Andy at nakita ang balangkas ng kasangkapang inukit sa mga pahina nito. Nag-iwan si Andy ng sulat kay Horton: “Tama ka warden, nasa loob masusumpungan ang kaligtasan.”
Parehong ginamit ni Horton at ni Andy ang salitang kaligtasan. Ngunit magkaiba ang kanilang kahulugan. Ang ibig sabihin ni Horton ay mararanasan ni Andy ang kaligtasan mula sa impiyerno kung babasahin niya ang Biblia. Ang ibig sabihin ni Andy ay nakatago sa Biblia ang piko sa loob ng dalawampung taong magreresulta sa kaniyang kalayaan mula sa bilangguan. Ang Biblia ni Andy ay may dalawang uri ng kaligtasan!
Ginamit ng BT ang mga salitang ligtas at kaligtasan sa parehong paraan. Sa Gawa 16:30, isang bantay-bilangguan ang nagtanong kay Pablo, “Ano ang dapat kung gawin upang maligtas?” Nang sinabihan siya ni Pablong manampalataya sa Panginoong Jesucristo, ang ibig niyang sabihin ay ang manampalataya kay Cristo ay magreresulta sa pagtanggap ng lalaki ng kaligtasan mula sa lawa ng apoy.
Ngunit sa Roma 5:10 ginamit ni Pablo ang parehong salita sa ibang paraan. Ang mananampalataya ay hinayag nang matuwid dahil sa kamatayan ni Cristo. Ngayon, ang mananampalataya ay maaaring maligtas ng buhay ni Cristo. Pinaliwanag ni Pablong ang kaligtasang ito ay kaligtasan mula sa kapangyarihan ng kasalanan. Ang mananampalataya ay hindi na kailangang mabilanggo ng kapangyarihan ng kasalanan dahil ang kapangyarihan ng nabuhay na Cristo ay nananahan sa kaniya (Roma 6:22). Dahil si Cristo ay buhay, ang mananampalataya ay makakalaya.
Ginamit ni Pablo ang salitang ligtas sa magkaibang paraan. Sa isang hindi mananampalataya kagaya ng bantay-bilangguan sa Filipos, ginamit niya ito sa paraang ginamit ni Horton sa pelikula. Nang kausapin ni Pablo ang mga taong ligtas na mula sa lawa ng apoy, ginamit niya ang salita sa paraang ginamit ni Andy. Ang mananampalataya ay nakaranas na ng kaligtasan mula sa lawa ng apoy. Mananahan siya magpakailan man sa kaharian ni Cristo. Sa buhay na ito, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng nabuhay na Panginoon sa kaniya, maaari niyang maranasan ang kaligtasan mula sa kasalanan. Ang panghuling uri ng kaligtasan ay madalas sa BT.
Nang si Andy ay makalaya mula sa bilangguan sa The Shawhank Redemption, tumayo siyang nakaunat ang mga kamay sa kalangitan. Pinapatakan siya ng ulan, ngunit ang kaniyang mukha ay puno ng kagalakan. Hindi niya naranasan ang ulan kagaya nito sa loob ng dalawampung taon. Nagsasaya siya sa kaniyang “kaligtasan.”
Bilang mga mananampalataya, tayo ay mayroon ng kaligtasan mula sa impiyerno. Nawa ay hanapin din natin ang kagalakan ng kaligtasang nagmumula sa paglakad sa kapangyarihan ng Espiritu.


