Kamakailan, nakinig ako sa sermon ng isang tagataguyod ng Lordship Salvation. Ang kaniyang pangalan ay hindi mahalaga dahil ang kaniyang sinabi ay kapareho ng iba pang tagataguyod ng teolohiyang iyan kapag nagtuturo tungkol sa paksa ng walang hanggang kaligtasan. Marahil narinig ninyo na rin ang mga bagay na narinig ko sa sermong ito, iba lang ang pakasabi. Sa kasong ito, binanggit ng nagsasalita ang kaniyang asosasyon kay John MacArthur. Ang kaniyang ministri ay mukhang popular, at ang kaniyang mensahe ay tinuro sa maraming simbahang Evangeliko at sa maraming videos sa Youtube.
Sinabi niyang ang kaniyang sasabihin, at patuloy na sasabihin, ay makagagalit sa maraming tao. Ang punto niya ay maraming tao (mayoridad?) sa ating mga simbahan ang hindi ligtas espirituwal dahil hindi sila namumuhay nang tama. Ang pananampalataya sa iyong ulo ay hindi sapat. Kailangan mo ng mabubuting gawa. Kung wala ka ng mga gawang ito, hindi ka ligtas.
Ang resulta ay maraming taong iniisip na sila ay Cristiano ay nalinlang. Kailangan nating suriin ang ating mga sarili upang madetermina kung tayo ay ligtas, gaya ng sinabi ni Pablo sa 2 Cor 13:5. Ang pagsusuring ito ay dapat nagpapatuloy habang tayo ay buhay pa. Ang ating mga puso ay mapanlinlang. Maaaring sabihin ng aking pusong ako ay mananampalataya, ngunit kailangan kong patuloy na tumingin sa aking mga gawa upang masigurong hindi ako dinadaya ng aking puso.
Ang dahilan kung bakit nakagagalit ito sa mga tao ay maliwanag. Nag-aangkin itong karamihan sa mga taong nag-iisip na sila ay ligtas ay hindi dahil wala silang sapat na mabubuting gawa. Ang mga tao ay natitisod dito. Sinabi ng mangangaral na tayo ay naligtas sa biyaya, ngunit tanging sa presensiya ng mga mabubuting gawa makukumpirma ang kaligtasan ng isang tao.
Sinabi rin ng mangangaral na kahit ito ay matigas na mensaheng nakatitisod sa mga tao at nagpapagalit sa kanila, ito ay mensaheng nais ng Diyos na kaniyang ihayag. Kinilala ng mangangaral na siya ay isa lamang mapagkumbabang lingkod ng Panginoon at ginamit upang ihayag ang mensaheng ito sa mga tao upang makalaya sila sa espirituwal na panlilinlang. Suriin ninyo ang inyong mga sarili!
Naalala ko ilang taon na ang nakalipas nang marinig ko kung paano nakarating si MacArthur sa kaparehong pakatanto. Napapaisip si MacArthur kung bakit 90% ng mga tao sa kaniyang simbahan ay walang init para sa Panginoon, at tila 10% lamang ang interesado sa anumang uri ng gawa para sa Kaniya. Ang konklusyon ni MacArthur ay ang kawalan ng mga gawa ay indikasyon na karamihan sa kaniyang simbahan (at maging sa ibang simbahan din) ay hindi ligtas. Ito ang nagtulak sa kaniya sa teolohiya ng mga Puritano at Lordship Salvation.
Habang nakikinig ako sa disipulong ito ni MacArthur, napapaisip ako kung natanto niya kung gaano kayabang ang kaniyang mensahe. Isipin ninyo kung ano ang kaniyang sinasabi. Ang buhay ng mayoridad ng mga taong kaniyang pinapangaralan (90%) ay nagpapakitang hindi sila tunay na mga anak ng Diyos. Sabihin nating may 200 na kataong nakikinig sa kaniyang sermon. Sa tuwing tatayo siya at haharap sa kaniyang kongregasyon, 180 sa kanila ay hindi namumuhay nang kasintuwid ng kaniyang pamumuhay. Sa dalawampung namumuhay nang matuwid, ang ilan ay mga bagong mananampalatayang nag-aaral pa lang kung paano mamuhay. Ang ilan ay hindi makapagbigay ng debosyon sa pag-aaral ng Biblia gaya niya (bagama’t dapat banggiting siya, hindi gaya ng karamihan sa mga taong kaniyang kausap, ay hanapbuhay niya ang pagtuturo ng Biblia).
Samakatuwid, kapag humaharap siya sa 200 taong ito, siya ay mas banal kaysa 195 sa kanila. Binigyan siya ng kahanga-hangang oportunidad upang sabihin sa madlang ito na ang kanilang buhay ay hindi sapat. Alam niyang magagalit sila, ngunit handa siyang gawin ito. Ang hindi tagong implikasyon ay, ang kaniyang mga gawa ay abot sa sukat. Ginagamit siya ng Panginoon, kaya nang sinuri niya ang kaniyang sariling mga gawa, gusto niya ang kaniyang nakita. Ang mayoridad ay bumagsak sa pagsusuring ito, ngunit siya ay hindi. Masuwerte ang mga taong ito na sa gitna nila ay may isang maka-Diyos na lalaking handang tanggapin ang kanilang galit. Ganuon din, sa kaswertehan nila, nananatili siyang mapagkumbaba habang ginagawa ito.
Alam nating walang saysay lahat ng ito. Pero hindi ba’t ang Lordship Salvation ay nagreresulta sa kayabangang kagaya nito? Paano ako maniniwala na ang iba ay walang sapat na mabubuting gawa upang maligtas samantalang ako ay mayroon- at hindi makaramdam na ako ay superiyor kaysa kanila? Paano maiiwasang hindi maging mapagmatuwid sa sarili sa mensaheng kagaya nito? Ang taong nalinlang ay ang nagbibigay ng mensaheng kagaya nito habang nag-aangking “mapagkumbabang lingkod ng masa.”
Ang mensaheng ito ay nagpaalala sa akin ng saloobin ng Pariseong nanalangin kasabay ng isang publikano sa templo. Ang Pariseo ay tumingin sa paligid at nanalangin, “Diyos, nagpapasalamat ako sa Iyo na ako ay hindi kagaya ng ibang tao” (Lukas 18:11). Sinabi ng Panginoon na ibinigay Niya ang lalaking ito bilang halimbawa ng mga “nagtitiwala sa kanilang mga sarili na sila ay matuwid, at namumuhi sa iba” (Lukas 18:9).
Ito ay isang popyular na sentimyentong nahayag sa isang popyular na teolohiya. Ngunit ito ay hindi galing sa mapagkumbabang puso. Ito ay nagmula sa pusong mailalarawan sa kabaligtarang pamamaraan.