Ginagamit ko ang Logos Bible software (mula sa Faithlife) halos araw-araw. Ito ay lubhang nakatutulong na super concordance (sa Ingles, Griyego at Hebreo) at taguan ng napakaraming komentaryo.
Tumatanggap ko ng bimonthly na publikasyon ng Faithlife na Bible Study Magazine. Ang January/February 2022 issue ay may isang artikulong ang pamagat ay tumalon sa akin: “Three Uses of the Bible for Assurance of Salvation” (pp. 18-19). (Tatlong Gamit ng Biblia para sa Katiyakan ng Kaligtasan). Walang masyadong nasulat sa katiyakan ng kaligtasan. Pinapahalagahan ko ang mga taong humaharap sa paksang ito.
Ang may-akda, si Zach Hollifield, direktor ng isang young adult ministry sa isang malaking iglesia sa Mesa, Arizona, ay tila isang four- or five-point na Calvinista. Ngunit mayroong mga Calvinistang (hal. Engelsma, Kendall, Bell, Eaton) naniniwala na ang katiyakan ay diwa ng nagliligtas na pananampalataya at ang katiyakan ay matatagpuan lamang sa Biblia at hindi sa ating pakiramdam o ginagawa. Ang tunog ng pamagat ni Hollifield ay tila isa siya sa mga Calvinistang ito. Ngunit ako ay nagtataka kung bakit may sinasabi si Hollifield na “Tatlong Gamit ng Biblia” upang magtamo ng katiyakan ng buhay na walang hanggan.
Lumalabas na ang kaniyang tatlong gamit ay maayos. May binabanggit siyang personal na pagbabasa ng Biblia, pakikinig sa Bibliang tinuro sa iglesia, o sa isang Bible study o ng isang kaibigan sa isang usapan at ang Espiritu Santo na kinukua ang Kasulatang ating nabasa o narinig ituro at inilalapat ito sa atin.
Ang lahat ng mga ito ay napakahusay.
Ngunit ang artikulo mula sa simula hanggang sa katapusan ay nangungusap ng isang nagpapatuloy na paghahanap ng katiyakan.
Nagsimula si Hollifield sa pagsasabing isang taon pagkatapos niyang akalaing nagi siyang Cristiano, nahulog siya sa “isang pamilyar na kasalanang naghahari sa kaniya bago ang kaniyang kumbersiyon” at bilang resulta “ang presensiya ng Diyos ay nawala. Naiwan akong nagtataka kung naiwala ko ang aking kaligtasan- kung talagang naligtas ako sa pasimula.”
“Dalawang taon ng paghihirap” ang lumipas bago niya nabawi ang katiyakan. Siyempre, hindi niya pinakahuhulugan ang kasiguruhan kapag sinasabi niyang katiyakan. Ang ibig niyang ipakahulugan ay ang kampanteng pakiramdam na siya ay malamang na magtitiis, isang kundisyong magpapatunay na ikaw ay talagang ligtas, sa kaniyang pananaw.
Sabi niya, “Wala akong katiyakan; nakibaka ako para rito.” Binanggit niya ang “Cristianong nakikibaka para sa katiyakan ng kaligtasan.” “Sa Biblia binigyan tayo ng hindi mabilang na sandata para makibaka sa katiyakan.” “Bahagi ng pakikibaka sa katiyakan ay ang pakiramdam na tila walang nangyayari dahil ang mga positibong espirituwal na pakiramdam ay wala.”
Ang katiyakan, sa kaniyang pananaw, ay hindi kasiguruhan, at ito ay isang bagay na hindi natin matatamo at maitatago buong buhay natin. Sa pananaw ni Hollifield, ang katiyakan ay isang bagay na dapat nating ipaglaban araw-araw. Kailangan nating makibaka para rito. May mga oras na tayo ay mayroong “positibong espirituwal na pakiramdam.” Ngunit madalas ang mga pakiramdam na ito ay nawawala at diyan pumapasok ang Biblia.
Iisipin mong ang may-akda ay babanggit ng mga sitas na gaya ng Juan 3:16; 5:24; 6:35, 47; 11:26; 20:31; Gawa 16:31; Gal 2:16; Ef 2:8-9; 1 Tim 1:16; Pah 22:17. Pero hindi. Wala sa mga sitas na ito ang nabanggit. Sa katotohanan wala siyang binaggit kahit isa mula sa Ebanghelyo ni Juan.
Iniisip niyang ang katiyakan ay masusumpungan sa mga sitas na gaya ng Filipos 2:12-13, “Kaya nga, mga minamahal ko, kung paanong ang inyong laging pagsunod, na hindi lamang sa harapan ko, kundi bagkus pa ngayong ako’y wala, ay lubusin ninyo ang gawain ng inyong sariling pagkaligtas na may takot at panginginig. Sapagkat ang Diyos ang gumagawa sa inyo maging sa pagnanasa at sa paggawa, ayon sa kaniyang mabuting kalooban”i at Judas 24, “Ngayon doon sa makapagiingat sa inyo mula sa pagkatisod, at sa inyo’y makapaghaharap na walang kapintasanna may malaking galak, sa harapan ng kaniyang kaluwalhatian.”ii
Sinasabi rin niyang, “Ang buong aklat ng 1 Juan ay sinulat mismo upang ang mga banal ay magkaroon ng kumpiyansang ang kaniyang pananampalataya ay tunay.” Ito ay pagkaunawang ang 1 Juan ay nagtuturo ng “mga pagsubok ng buhay” na pananaw. Mayroong siyam, sampu, o labing-isang pagsubok kung talagang tayo ay tunay na naipanganak nang muli. Sumusunod ba tayo sa Diyos? Mahal ba natin ang kapatid? Galit ba tayo sa kasalanan? Naipakikita ba natin sa ating gawi na tayo ay matuwid? Mahal ba natin ang Salita ng Diyos? Atbp. Siyempre ang mga pagsubog na ito ay subhetibo at hindi obhetibo. Ang Juan 3:16 ay obhetibo. Ang 1 Juan 3:16 ay subhetibo.
Ang iba pang sitas sa katiyakan na tanging nabanggit ng may-akda ay mga sitas sa Awit 119 na nagsasalita ng Salita ng Diyos bilang ating kasiyahan, ating pag-asa, ating kaaliwan at ating kapayapaan.
Huwag kayong magkamali sa akin. Ang kaniyang pananaw ay hindi minoridad na pananaw sa Ebanghelikalismo ngayon. Ang kaniyang pananaw ang nangingibabaw na pananaw.
Natitiyak mo bang mayroon kang buhay na walang hanggang hindi mawawala? Oo kung naniniwala kang totoo ang Juan 3:16 o Juan 11:25-26. Hindi kung iniisip mong kailangan mong tumingin sa iyong sariling damdamin at gawa para ipaglaban ito.
Ang tao ay hindi naipanganak na muli hanggang hindi siya nananampalataya sa pangako nang hindi mababawing kaligtasan (Juan 3:16; 11:25-27; 1 Tim 1:6). Sana ang may-akda ng artikulong ito ay nanampalataya sa pangako ng buhay na walang hanggan bago niya naiwala ang katiyakan. Ngunit kung gusto niyang makasiguro, kailangan niyang tumingin kay Cristo lamang, at hindi sa kaniyang sariling pakiramdam o kaniyang magagawa.
Anong pribelihiyo mayroon tayo na makaalam na tayo ay eternal na sigurado. Kung hindi mo pa napasalamatan ang Diyos para sa katiyakang ito nitong mga huling araw, bakit hindi mo gawin ngayon? Marapat lamang nating madalas magpasalamat sa Diyos sa kasiguruhan ng ating kaligtasan.
At bakit hindi sundin ang payo ni Hollifield at ibahagi ang katotohanan ng Diyos tungkol sa katiyakan sa mga taong alam mong, kagaya niya, ay nasa isang habambuhay na pakikibaka para sa katiyakan. Ang Espiritu Santo ay magagamit ka upang dalhin ang pangako ng buhay sa nauuhaw na mga kaluluwa.
______
- Ang sitas na ito ay nangungusap tungkol sa ating matagumpay na paggawa ng kaligtasan mula sa pang-uusig sa buhay na ito. Hindi ito tungkol sa kung paano tayo maliligtas mula sa walang hanggang kahatulan. Tingnan ang artikulong ito sa Fil 2:12, kung saan sa huling talata may ibinigay na links sa dalawang artikulo rito.
- Sinasabi ng Judas 24 kung ano ang sinasabi nito. Maiingatan tayo ng Diyos mula sa pagkatisod at maihaharap Niya tayo kay Cristo nang walang kapintasan sa Kaniyang Hukuman. Hindi nito sinasabing kailangan nating magtiis upang manatiling ligtas o upang patunayang tayo ay ligtas o upang tamuhin ang pinal na kaligtasan. Ang kaligtasan ay pinal sa sandaling manampalataya ka kay Jesus para rito. Tingnan ang artikulong ito sa Judas 24.