Hindi mo kailangang makausap ang karamihan sa mga taong simbahan ngayon bago mo matuklasan na karamihan sa kanila ay hindi alam kung sila ay “tutungo sa langit” kapag sila ay namatay. Madalas marinig ang mga sagot na, “Sana,” o kaya, “Nagsisikap ako.”
Ang GES ay nasa unahan ng pakikipagbaka upang ituro na ito ay isang malaking trahedya. Nangako si Jesus na ang sinumang sumampalataya sa Kaniya ay mayroong (ngayon na) buhay na walang hanggan. Sa sandaling ang tao ay magkaroon ng buhay na walang hanggan, hindi na siya kailan man mauuhaw para rito (Juan 4:14; 5:24). Ang katiyakan ng ating walang hanggang kaligtasan ay nakasalig sa mga salita ng ating Panginoon Jesu-kristo at Siya ay hindi maaaring magsinungaling.
Ang dahilan kung bakit karamihan sa mga palasimba ay nagdududa sa kanilang kaligtasan ay dahil iniisip nilag kailangan nilang magtrabaho upang makamit ang walang hanggang kaligtasan, upang mapanatili ito, o upang mapatunayan sa kanilang sarili na talagang taglay nila ito. Dahil hindi natin alam kung ilang mabubuting gawa ang kailangan upang makapasok sa langit, at hindi natin alam kung tayo ay patuloy na gagawa ng mabuting gawa sa hinaharap, kailanman ay hindi tayo magkakaroon ng katiyakan na tayo ay papasok sa kaharian ng Diyos.
Marami ang nagmumungkahing maaari tayong magkaroon ng “kaunting” katiyakan. Kung tayo ay gumagawa ng mabuting gawa ngayon, maaari tayong makatiyak na tayo ay okey. Ang pangkasalukuyang mabubuting gawa ang maging indikasyon na ang Diyos ay nasa atin, tinatapos ang Kaniyang sinimulan, at tayo ay Kaniyang mga anak. Ngunit alam natin na maaaring magbago tayo sa hinaharap. Samakatuwid, tayo ay dapat masapatan na sa anumang uri ng kaaliwan na maibibigay ng ating mabubuting gawa at purihin ang Panginoon dito.
Ngunit ang “kaunting” katiyakan ba ay tunay na katiyakan? Hindi. Walang kaunting katiyakan. Ito ay isang larong semantiko ng mga teologo. Ang ganitong uri ng katiyakan ay hindi katiyakan. Kahit ang taong gumagawa ng kabutihan ngayon ay walang katiyakan na siya ay anak ng Diyos. Paano malalaman ng tao kung ang gawang ginagawa niya ngayon ay sapat na sa kasalukuyan? Ang mga taong nagsisiguro na sila ay magiging bahagi ng darating na kaharian ay hindi kailan man makasusumpong ng kasiguruhan kung sila ay gagawa ng mabuting gawa buong buhay nila upang magkaroon ng katiting na katiyakan. Wala kahit isa sa atin ang nakaaalam kung ano ang mangyayari sa ating buhay o kung paano tayo kikilos sa hinaharap.
Ang paghahanap ng katiyakan ay isang mailap na bagay. Naalala ko tuloy nang kamakailan ay pag-aralan ko ang kwento ng isang mayamang namumuno sa Marcos 10:17-27. Siya ay isang batang namumuno na ayon sa kaniyang paniniwalang panrelihiyon, ang Diyos ay kumikilos. Naniniwala ag mga Judio na ang kayamanan ay tanda ng pagpapala ng Diyos sa buhay, at siya ay maraming pag-aari (v 22). Lahat ay tumitingin sa kaniya na may pagsang-ayon.
Ngunit hindi lamang iyan, marami pang magandang bagay sa kaniya. Marami rin siyang mabubuting gawa. Sa kaniyang pag-iisip, hindi pa niya nabali ang mga kautusan ng Diyos mula sa pagkabata (v 20). Hindi ito totoo, ngunit ito ang kaniyang pag-aakala. Tiningnan niya ang kaniyang mabubuting gawa at ang mga pagpapala ng Diyos sa kaniyang buhay at siya ay nasisiyahan sa kaniyang sarili. Kung mayroon mang tao na dapat magkaroon ng katiyakan, ito nang namumunong ito.
Ngunit siya ay walang katiyakan. Nang lumapit siya sa Panginoon siya ay may isang kakaibang tanong. Nais niyang malaman kung anong gawa ang dapat niyang gawin upang magkaroon ng buhay na walang hanggan. Ano? Ang lalaki na nag-aakala na nasunod niya ang lahat ng utos ng Diyos ay nag-aakala na wala pa siyang buhay na walang hanggan? Binuhos ng Diyos ang pagpapala sa kaniyang buhay ngunit nag-aaalala siya na hindi siya makapapasok sa kaharian ng Diyos? Kung ang lalaking kagaya niya ay hindi nagkaroon ng katiyakan, anong pag-asa ang maaari kong matamo sa kasalukuyan? Alam ko sa aking sarili na hindi ko natupad ang mga kautusan!
Siya ang halimbawa ng Bagong Tipan para sa ating lahat. Ang tao na tumitingin sa kaniyang mabuting gawa upang magkaroon ng katiyakan ng buhay na walang hanggan ay hindi makasusumpong nito. Walang paraan na masisiguro mong ikaw ay nasa kaharian malibang manampalataya ka sa Panginoong Jesu-kristo para sa buhay na walang hanggan. Kailangan mo itong tanggapin bilang isang libreng regalo, hiwalay sa anumang uri ng gawa, base sa iyong pananampalataya sa pangako ni Kristo.
Huwag mong hayaang linlangin ka ng mga teologo. Maaaring turuan ka niyang tumingin sa iyong mga gawa upang magkaroon ng kaunting katiyakan. Ngunit iyan ay isang malikmata. Ang anumang uri ng katiyakan na hindi nasasalig sa biyaya ng Diyos kay Kristo ay isang mailap na bagay.