Hindi ako tiyak kung nagkita kami, ngunit isang propesor sa seminaryong aking pinag-aralan ang bumibighani sa akin. Ang kaniyang pangalan ay Jack Deere. Nagtuturo siya sa departamento ng Lumang Tipan. Nauunawaan kong ito ay esteryotipo, pero sa aking isipan, ang mga iskolar ng Lumang Tipan ay ang pinakaistoiko sa lahat ng mga guro ng Biblia. Sa aking palagay, tila sila ay mas akademiko at hindi masyado emosyonal na gaya ng iba. Pinaalala nila sa akin ang isang detektib na pulis sa isang matagal ng palabas na ang pamosong linya ay: “Tanging katotohanan lamang, ginoo.”
Nasorpresa akong malaman na iiwan ni Deere ang seminaryo dahil siya ay napaniwala sa “mga tanda at himala.” Sa aking nauunawaan, ang kilusang kaniyang sasamahan ay napakaemosyonal. Tinanggap nito ang karamihan sa mga kalabisan ng kilusang karismatiko. Naniniwala ito sa pagpapalayas ng mga demonyo, pagsasalita sa wika, pagtanggap ng hula, at mga himalang pagpapagaling. Halos lahat ng bahagi ng kilusang ito ay nagtuturo ng evangelio ng mga gawa. Kailangan ng mga mananampalatayang gumawa ng kabutihan upang mapanatili ang kanilang kaligtasan. Hindi ko lubos maisip na ang isang istoiko at palaaral na propesor ng LT mula sa Dallas Seminary ay magiging bahagi ng ganitong grupo. Tinakwil ng DTS ang lahat ng mga ito. Malinaw na siya ay nahulog sa pugad ng mga huwad na aral.
Hindi ko sinundan ang karera ni Deere matapos niyang iwan ang seminaryo. Minsan naririnig ko ang kaniyang mga dating estudyanteng nagkukwentong nahulog siya sa mga kalabisan at hindi biblikal na turo ng kilusang kaniyang sinalihan. Naniniwala siya sa mga bagay kagaya ng pakikipag-usap ng Diyos sa iba’t ibang tao sa tinig na maririnig. Sa tuwing makatatanggap ako ng mga kaparehong balita, ako ay napapailing at lumalakad palayo, na hindi nauunawaan kung paano nakarating si Deere sa lugar na kaniyang kinasadlakan.
Kamakailan, nabasa ko ang isang panayam na ginawa ni Deere upang i-promote ang kaniyang bagong aklat. Sa aklat na ito, nilarawan niya ang kaniyang buhay. Dito, kinuwento niya ang mga paghihirap na kaniyang pinagdaanan. Ang mga paghihirap na ito ay mga bagay na hindi ko alam. Kinuwento niya ang sakit at trauma sa mga nakaraang taon dahil ang kaniyang ama ay nagpatiwakal. Ito ay may malaking epekto sa kaniyang mga unang taon.
Ngunit mayroon pang ibang mga kalungkutan ang kaniyang buhay. Ang kaniyang asawa ay isang alkoholik sa maraming dekada. Ang kaniyang sakit ang sumira sa kanilang pamilya at muntik na niyang ikamatay. Ang kaniyang anak na lalaki ay isang durugista at nagpatiwakal. Hayag si Deere sa pagtalakay ng kaniyang pinagdaanan.
Sa pagtalakay niya sa kaniyang ama, sinulat ni Deere na umaasa siyang makita ang kaniyang ama sa kalangitan. Malinaw na hinahanap niya pa rin ito, dekada matapos nitong mamatay. Sa panayam, kinomento niyang may mga sumulat sa kaniya na nagsasabing ang ama niya ay hindi papasok sa kaharian. Hindi makikita ni Deere ang kaniyang ama dahil sinumang nagpatiwakal ay pupunta sa lawa ng apoy. Nangangahulugan itong kahit ang kaniyang anak na lalaki ay pupunta rin dito.
Ang ganitong komento ay hindi nakapagtataka sa kain. Karamihan sa mga nasa kilusan ng mga tanda at himala ay nanghahawak sa ganitong paniniwala. Naniniwala silang ang kaligtasan ay maaaring maiwala at ang taong nagpatiwakal ay nakagawa ng napakalaking kasalanan at hindi na makapagsisisi nito.
Ako ay natuwang namamangha sa tugon ni Deere sa mga komentong ito. Taon ang kaniyang binilang sa kilusan at sumulat pa ng mga aklat na sumusuporta rito. Ngunit sinabi niyang ang kaniyang ama ay isang mananampalataya. Hindi ko alam kung ano ang sinampalatayahan ng kaniyang ama, ngunit sinabi ni Deere na ang bawat mananampalataya ay may buhay na walang hanggan na hindi maiwawala. Ang katotohanang nagpatiwakal ang kaniyang ama ay hindi mababago ang katotohanang ito. Sinabi ni Deere na ang biyaya ng Panginoon ay naggagarantiya na muli niyang makikita ang kaniyang ama sa kaharian.
Kailangan kong sabihing, “Wow!” Hindi ko alam kung paano mapanghahawakan ni Deere ang Biblikal na paniniwalang kagaya nito at manatiling pinuno ng isang kilusang tinatanggi ito. Kahit marami siyang inampong mga kakaibang paniniwala at gawi, alam ni Deere na mayroon siyang buhay na walang hanggan.
Nabibighani ako sa kaniya. Hindi ko siya maunawaan. Ngunit kahit pa itakwil natin ang tamang aral, kung tayo ay nanampalataya kay Jesus para sa buhay na walang hanggan, ang kaloob na ito ay saiyo. Walang makapagbabago nito. Ganito kalaki ang biyaya ng Diyos sa atin (2 Tim 2:13).