Minsan, natatanong ako kung paano ang mga tao sa LT tumanggap ng buhay na walang hanggan. Nakalulungkot na kahit sa mga tagasunod ng Free Grace, minsan may nagsasabing ang mga tao sa LT ay naligtas dahil sa mga alay na hinihingi ng LT o sa pagsunod sa Kautusan ni Moises o sa paniniwala lamang sa Diyos ng Israel sa isang pangkalahatang diwa. Ngunit ang walang hanggang kaligtasan ay laging dahil sa biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya. Sinabi ni Pablong ganito ang kaso ni Abraham at siya ay halimbawa sa lahat ng naligtas sa LT (Roma 4:1-4). Lahat ng mga taong ito ay naniwala sa darating na Cristo, na Siyang magdadala ng kahariang walang hanggan. Pinangakuan si Abaraham na ang Cristo ay isa sa kaniyang salinlahi, at pinaniwalaan ito ni Abraham.
Isa pang isyung kaakibat nito ay ang kaligtasan ng mga Gentil sa LT. Paano sila naligtas? Maraming nagsasabing wala sa kanilang nakarinig sa parating na Cristo. Ngunit hindi ito totoo.
Totoong ang LT ay sinulat para sa Bansang Israel. Kaya hindi nakapagtatakang ang LT ay walang masyadong impormasyon tungkol sa pag-abot ng Diyos sa mga bansang Gentil ng mensahe ng parating na Cristo. Ngunit mayroong mga halimbawang nagpapakitang ang mga Judio ay nagpakalat ng mensaheng ito sa nakapalibot na bansa.
Isang halimbawa ay nasa 2 Hari 20:12-13. Si Ezekias, ang hari ng Juda, ay isang matuwid na taong nakalulugod sa Panginoon. Pinagpala siya ng Panginoon. Ang awtor ng 2 Hari ay may mataas na pagpupuri kay Ezekias dahil sa kaniyang katapatan sa Panginoon (18:3-8).
Isa sa mga pagpapala ng Diyos na siyang tugon sa katapatan ni Ezekias ay nang Kaniyang iligtas ang Juda mula sa kamay ng hari ng Asiria nang siya ay isang banta sa Juda kasama ang kaniyang hukbo. Ang Asiria ang pangunahing kapangyarihan sa buong mundo at milagrong pinatay ng Diyos ang 185, 000 na sundalong Asirio.
Nang si Ezekias ay magkasakit na muntik na niyang ikamatay, himala siyang pinagaling ng Panginoon at sinabihang mabubuhay pa ng karagdagang labing limang taon. Sa parehong kaso, ginawa ng Diyos ang Kaniyang ginawa dahil nanalangin si Ezekias sa Kaniya at nanalig sa Salita ng Diyos na dinala ng Propeta Isaias. Alam ni Ezekias ang mga ginawang pangako ng Diyos, kabilang na ang Kaniyang tipan kay David. Ang tipan na ito ay may kaakibat na pangako ng darating na Cristo, na maghahari kailan pa man (2 Sam 7; 2 Hari 19:34; 20:6).
Matapos ng himalang ginawa ng Diyos para sa Juda at para kay Ezekias, ang salita ay kumalat sa nakapalibot na mga bansa. Sila man ay binantaan ng Asiria at nagagalak sa ginawa ng Diyos ng Israel sa mga Asirio sa Juda. Sa silangan, isa pang bansa, ang Babilonia ay lumalakas ang kapangyarihan at kalaban ang Asiria. Isang makapangyarihang prinsipe mula sa Babilonia ang naglakbay patungong Juda upang tingnan kung si Ezekias ay maaaring maging kapanalig laban sa Asiria.
Ito ay lohikal. Ang Juda ang bansang tumalo sa Asiria sa isang laban. Ang prinsipe ng Babilonia at ang lahat ng mga naglakbay mula Babilonia ay nakarinig kung paano pinagpala ng Diyos si Ezekias at ang kaniyang bayan (2 Cron 32:21). Alam nilang himalang niligtas ng Diyos ang buhay ni Ezekias (2 Hari 20:12). Sino pa ba ang mas maiging maging kakampi? Marahil alam nilang maaari silang makinabang sa kapangyarihan naranasan ni Ezekias at ng kaniyang bayan.
Habang ang mga punong dayuhang ito ay kasama ni Ezekias, ano ang sasabihin ni Ezekias sa kanila? Pinaliwanag ba niya kung paanong ang kaniyang maliit na hukbo ay tumalo sa makapangyarihang Asirio? Sinabi ba niya ang Salita ng Diyos na sinabi kay Isaias at ang pangakong ginawa sa bansa na isang araw ang Anak ni David ay maghahari sa Jerusalem sa isang kahariang walang hanggan? Pinaliwanag ba niya ang tagumpay laban sa Asiria at ang kaniyang mahimalang paggaling na nangyari dahil siya ay anak ni David na sumasampalataya sa lahat ng sinabi ng Diyos?
Hindi tinala ng LT ang mga pag-uusap na ito ngunit mayroon pa bang duda na ang sagot sa lahat ng mga tanong na ito ay “Oo?” Nais malaman ng mga punong dayuhang mga ito ang sikreto ng lahat ng kahanga-hangang bagay na ito. Nakita nilang si Ezekias ay isang larawan ng kalusugan matapos ng nakamamatay na sakit. Alam nilang ang kanilang mortal na kaaway, ang Asiria ay labis na nanghina matapos ng nangyari sa Juda, kahit sabihin pang ang hukbo ng Juda ay walang saysay (2 Hari 18:23). Paano nangyari ang mga bagay na ito?
Si Ezekias ay isang makatuwirang haring nanalig sa Salita ng Diyos. Sasabihin niya sa mga taong ito ang lahat ng sinabi at ginawa ng Diyos. Babalik sila sa Babiloniang bitbit ang kanilang mga narinig at nakita. Alam nila ang tungkol sa Diyos ng Israel at pangako ng darating na Hari.
Hindi natin alam kung ilan sa mga nakarinig ang naniwala sa sinabi ni Ezekias. Maraming ebidensiyang sinabi niya ang katotohanan- ito ay nasa harapan nila mismo. Ngunit isang bagay ang ating alam: Ang mensahe ng darating na Cristo ay kumalat sa mga bansa.