Sa ikalawang bahagi ng seryeng ito, tinalakay ko ang dalawang popyular na paraan ng pag-unawa sa kadiliman sa krus ni Cristo. Samantalang may ilang mga katotohanang nilalaman sa mga pananaw na ito, sa tingin ko ay may mas maiging alternatibo. Ang alternatibong ito ay mas lumalapat sa konteksto ng Marcos 15. May dalawang susi sa pagtanggap ng pananaw na ito. Una ay ang tamang pagkaunawa sa umano’y pag-abandona ng Ama sa Marcos 15:34. Ang ikalawa ay ang ideya ng paghuhukom.
Ang hiyaw ng Panginoon sa Marcos 15:34 ay direktang nagmula sa Awit 22:1. Humiyaw si Cristong nagtataka kung bakit Siya pinabayaan ng Ama. Ang mga reperensiya sa Awit na ito ay masusumpungan sa 15:24 at 15:29-32. Ang Awit 22:14-17 ay naglalarawan ng pagpako sa krus. Marapat bigyang pansing ang Awit ay nagtatapos sa pagliligtas ng Diyos ng taong humiyaw sa v1 (Awit 22:22-25). Ito ay tumitingin sa pagkabuhay na mag-uli ni Cristo sa Marcos 16:1-8. Nang banggitin ni Cristo ang unang sitas ng Awit, ang buong Awit ang natatanaw. Ang hiyaw ay hiyaw ng pananagumpay para sa Matuwid na Naghihirap sa krus, hindi hiyaw ng pag-abandona ng Diyos.
Ang Awit 22:4-5 ay partikular na mahalaga. Nagbabanggit ito ng pagligtas ng Diyos sa mga Judio mula sa Egipto. Isa sa mga paraan na Kaniyang ginawa ay ang salot ng kadiliman sa Egipto (Exodo 10:22). Nagtagal ito nang tatlong araw. Matapos ang salot ng kadiliman, naranasan ng mga Egipcio ang kamatayan ng kanilang panganay na mga anak. Sa krus, ang panganay na Anak ng Diyos ay namatay. Ang kadiliman sa Egipto ay tanda na ang Diyos ay hinukuman ang bansang iyan. Dito, sa kamatayan ni Cristo, ang bansang Israel ay tinakwil ang kanilang Hari. Ang lahat ng nangyaring didiretso sa krus, at ang lahat ng naganap doon ay humihiyaw ng paghuhukom. Ang kadiliman sa lupain ay isang tanda ng paghuhukom na darating sa kanila para sa kanilang kasalanan. Ang paghuhukom na ito ay naganap noong AD 70.
Ang Ebanghelyo ni Marcos ay nagbukas kay Juan Bautista at si Jesus mismo na nag-aalok ng kaharian ng Diyos sa henerasyong iyan ng mga Judio (1:15). Subalit, mula sa kanilang mga pinuno, malinaw na itatakwil nila ang alok na iyan (3:6, 22; 6:6, 27; 8:31; 9:31; 10:33-34). Dahil sa pagtakwil na ito at ang kanilang pagpatay ng Hari, hahatulang matindi ng Diyos ang bansa. Ito ay bahagi ng panawagan ni Juan at ni Jesus sa bansa na magsisi. Kung sila ay magsisi, sila ay pagpapalain. Kung hindi, didisiplinahin ng Diyos ang bansa.
Ngunit ang kadiliman ay hindi lamang mensahe ng paghuhukom sa bansa. Kabilang din dito ang paghuhukom sa mga buhay ng mga alagad.
Nang simulan ng Panginoon ang Kaniyang ministeryo, hindi lamang Niya inalok ang kaharian sa Israel, Kaniya ring nakaharap si Satanas (Marcos 1:12-13). Si Satanas ay responsable sa pagdadala ng kasalanan sa sanlibutan. Ang sangkatauhan ay alipin ng kapangyarihan ng kasalanan simula noon. Ang kasalanang ito ay nangangahulugang lahat ng tao ay mamamatay. Ito ay ang sumpang binigay sa tao dahil sa kasalanan.
Malinaw na sa krus, kinuha ni Cristo ang kasalanan ng sanlibutan (Juan 1:29; 2 Co 5:21). Sa Lukas 22:53, nang si Cristo ay umaalis sa Hardin ng Getsemane upang tapusin ang gawaing sinugo sa Kaniya, inilarawan Niya ang oras na ito bilang “kapangyarihan ng kadiliman.” Ito ay nakatitiyak na pantukoy kay Satanas. Kung paanong hinarap ng Panginoon si Satanas sa simula ng Kaniyang ministeryo, maghaharap silang muli sa katapusan nito (cf Gen 3:15).
Sa Marcos 10:45, ang Panginoon ay nagsasalita sa mga disipulo tungkol sa halaga ng pagsunod sa Kaniya bilang alagad. Binabanggit Niya ang Kaniyang Sarili bilang Lingkod na nagbibigay ng Kaniyang buhay bilang “bayad.” Ang salita ay nangangahulugang bayaran ang halaga upang palayain ang isang tao sa pagigiging alipin. Ito ay tumuturo sa krus, nang bayaran ng Panginoon ang halaga upang palayain ang Kaniyang bayan sa pagkaalipin sa kasalanan.
Kung paanong ang kadiliman sa krus ay nagtuturo sa paghuhukom na darating sa bansa, ganuon din ang kadiliman ay nagtuturo sa paghuhukom ni Cristo sa kasalanan. Ang kapangyarihan ng kadiliman ay nagdadala ng sumpa sa sanlibutang ito. Marapat lamang na nang ang Taong nagbayad ng halaga upang palayain ang Kaniyang bayan mula sa sumpang iyan, na ang kadiliman ay lumaganap sa buong lupain. Dumating Siya upang alisin ang kadiliman at ang sumpa (Gal 3;13).
Sa Kaniyang pagkabuhay na maguli, Kaniyang ginapi ang kamatayan. Ngunit mayroon pang ibang binibigyang-diin dito. Ang aklat ng Marcos ay isang aklat tungkol sa pagiging alagad. Kung ang mga mananampalataya ay susunod kay Cristo bilang mga alagad, kailangan din nilang palayain sa kapangyarihan ng kasalanan. Ang pagkabuhay na maguli ng Panginoon ay nagpapakita na ang mga mananampalataya ay mamumuhay ngayon nang matuwid dahil ang kapangyarihan ng kasalanan ay nawasak na. Ang mananampalataya ay hindi na kailangang maglingkod dito (1 Pedro 2:24; Roma 5:8-10). Ang kapangyarihan ng kadiliman, ang kapangyarihan ng kasalanan, ay nawasak.
Sa lahat ng tumitingin sa krus, may mensahe ng paghuhukom sa kadiliman. Para sa hindi nananampalatayang bansang Israel, ito ay nagtuturo sa paghuhukom na darating sa kanila. Para sa mga mananampalatayang alagad, nilarawan nito ang paghuhukom sa kapangayarihan ng kasalanan.