Maraming tao ang maling iniisip na mayroong isang nagliligtas na mensahe para sa mga tao sa LT, isa pang nagliligtas na mensahe para sa mga tao sa panahon ni Cristo, at ibang nagliligtas na mensahe para sa mga tao pagkatapos ipanganak ng simbahan. Ngunit nilinaw ng Panginoon na ang mensaheng Kaniyang ipinangaral ay ang parehong mensahe na nagligtas kay Abraham (Juan 8:56) at ang mensaheng ang sinuman sa Kaniyang araw, na parehong bago ang krus at bago ang simbahan, ay maliligtas (Juan 5:39-40).
Sinabi ni Jesus, “Ako ang liwanag ng sanlibutan” (Juan 8:12; 9:5). Ang liwanag ay naghahayag. Siya ang naghahayag ng Diyos at ng katotohanan ng Diyos sa atin. Isang espesyal na importansiya ay ang Kaniyang paghahayag ng katotohanan ng Diyos tungkol sa buhay na walang hanggan (Juan 6:68).
Ang Panginoong Jesus ay ang pinakadakilang ebanghelista ng Diyos, at sinabi Niya sa atin kung ano ang dapat gawin ng mga tao upang maligtas sa anumang kapanahunan.
Sumulat si Zane Hodges ng buklet, Jesus, God’s Prophet (Si Jesus, ang Propeta ng Diyos). Ipinakita niya na ang lahat ng doktrina ng BT na matatagpuan sa mga epistula ay diretsong dumadaloy mula sa mga aral ng Panginoong Jesus. Ito ay totoo rin sa doktrina ng kaligtasan.
Ang Juan 3:16 ay epektibo pa rin hanggang ngayon. Ganuon din ang dinosenang mga sitas sa Ebanghelyo ni Juan kung saan sinabi ng Panginoong Jesus na ang sinumang sumampalataya sa Kaniya ay may buhay na walang hanggan, hindi mapapahamak, hindi magugutom o mauuhaw, hindi mamamatay espirituwal, hindi maitatakwil at iba pa.
Anuman ang tinuturo ng mga epistula, hindi nila sinasalungat ang mga salita ng Panginoong Jesucristo.
Sinabi sa atin ni Pablo sa Galacia na tinanggap niya ang kaniyang ebanghelyo direkta mula sa Panginoong Jesus (Gal 1:12). Ang kaniya ay hindi isang bagong mensahe. Ang kaniya ay ang mensaheng ipinangaral ni Jesus.
Ang pinakahuling libro ng Biblia, Ang Pahayag, na marahil nasulat nuong AD 70, bagama’t maaaring hanggang AD 95, ay nagbibigay ng kaparehong mensahe ng Juan 4:10-14. Tingnan ang Pah 22:17. Ang tubig ng buhay sa Juan 4 ay ang parehong nagliligtas na mensahe ng tubig ng buhay sa Pah 22:17. Ang mensahe ay hindi nagbago.
Si Jesus ay higit pa sa ating Tagapagligtas. Siya rin ay ating Panginoon. Siya ay ating Hari. Siya ay ang ating malapit nang dumating na Hukom. Siya ay ating Guro. Siya ay ating Liwanag. Siya ay ating buhay.
Sinulat ni Morris tungkol sa pahayag ni Jesus, “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay” (Juan 14:6): “ang maikatlong ekspresyon na ito ay nagbibigay diin sa maraming mukha ng nagliligtas na gawain” (John, pp 569-70).
Siya na “katotohanan” ay ganap na maaasahan. Nang Kaniyang sinabing ang sinumang sumampalataya sa Kaniya ay hindi mapapahamak, ngunit mayroong buhay na walang hanggan, maaari natin at dapat nating sampalatayahan Siya. Ang mga ebanghelistikong mensaheng gawa ng mga tao ay walang kapangyarihan upang magligtas. Tanging ang mensaheng ibinigay ni Jesus sa atin ang buhay na tubig na bubukal sa buhay na walang hanggan (Juan 4:14).
Ang Katotohanan ay ang pinakadakilang ebanghelista sa lahat ng kapanahunan. Dapat nating sampalatayahan at ipahayag ang mensahe ng buhay na Kaniya mismong ibinigay sa atin.