May ilang gustong banggitin ang Persona, probisyon at pangako ni Cristo. Mas gusto kong banggitin ang gawa ni Cristo kaysa sa probisyon ni Cristo dahil ang gawa ni Cristo ay mas malawak kaysa sa Kaniyang kamatayan sa krus para sa ating mga kasalanan.
Kabilang sa Kaniyang mga gawa ang inkarnasiyon (Juan 3:16), ang buhay na walang kasalanan (2 Cor 5:21), ang mga milagrong Kaniyang ginawa (Juan 2:23; 7:31; 20:30-31), ang mga aral na Kaniyang ibinigay (Juan 3:14-18; 5:34, 39-40; 6:35-37; 11:25-27), ang paghihirap na Kaniyang binata (Is 53; 1 Ped 3:18), ang Kaniyang kamatayan sa krus para sa ating mga kasalanan (Juan 3:14-15), ang Kaniyang pagkalibing sa libingan ng mayaman (Is 53:9; Juan 19:38-42), ang Kaniyang tatlong araw sa Hades (Mat 12:40), ang Kaniyang pagkabuhay na mag-uli sa ikatlong araw (1 Cor 15:18-19), ang Kaniyang pagpapakitang muli pagkatapos mabuhay na maguli (1 Cor 15:5-8), at ang Kaniyang pag-akyat sa langit (Juan 14:28; 16:5, 7; Gawa 1:9-11).
Ang lahat ng mga ito ay kailangan para sa ating kaligtasan.
Gaya ng nabanggit sa unang bahagi, ang sistema ng paghahandog ng Lumang Tipan (LT) ay naglalarawan sa minsanan at magpakailan pa mang kamatayan ng Mesiyas. Kung paanong ang mga handog ng LT ay walang dungis sa pisikal na katangian, gayundin ang Mesiyas ay kailangang walang espirituwal na dungis. Siya ay kailangang walang kasalanan.
Ang buong ministerio ni Jesus ay nakaturo sa Kalbaryo. Nagsimula Siya sa pagsabing, “Ang Aking oras ay hindi pa dumating” (Juan 2:24). Sa katapusan ng Kaniyang ministerio, muling binanggit ni Jesus ang Kaniyang oras. Ngunit sa pagkakataong ito dumating na ang oras; “Ngayon ay nababagabag ang Aking kaluluwa. At ano ang Aking sasabihin? ‘Ama iligtas mo Ako sa oras na ito?’ Ngunit dahil dito ay dumating ako sa oras na ito. Ama luwalhatiin mo ang iyong pangalan” (Juan 12:27-28).
Ang Kaniyang huling sinabi sa krus ay, “Natupad na” (Juan 19:30). Ang Kaniyang perpektong buhay, ministerio at sa kahuli-hulihan ay ang Kaniyang naghahaliling kamatayan sa krus ay kumumpleto sa gawa na sinugo Siya ng Amang isagawa.
Mayroong limang magkakaibang pananaw sa kamatayan ni Cristo.
Moral influence theory (Teorya ng Impluwensiyang Moral). Sa pinakadiwa nito, ang kamatayan ni Jesus sa krus, ganuon din ang Kaniyang buong buhay, ay isang halimbawa para sa atin kung paano mabuhay upang tayo ay magkamit ng buhay na walang hanggan. Ito ay isang uri ng kaligtasan sa gawa.
Ransom to Satan (Bayad kay Satanas). Sa pananaw na ito kailangan ng Diyos na bayaran si Satanas ng kamatayan ng Kaniyang Anak upang palayain ang mga tao sa pagkakatanikala kay Satanas at sa kasalanan. Ito ay isa ring uri ng kaligtasan sa gawa dahil ang layon ay repormasiyong moral para sa kaligtasan.
Christus Victor (Si Cristo ang Mananagumpay). Ito ay nangangahulugang Cristo ang Mananagumpay. Sa pananaw na ito, walang anumang bayad kay Satanas. Ngunit gaya ng huling pananaw, ang kamatayan ni Cristo ay gumapi sa kasamaan at nagpalaya sa mga taong mamuhay nang may katuwiran. Ito ay isa ring uri ng kaligtasan sa gawa.
Hindi tayo ipinanganak na muli sa pamamagitan ng pamumuhay ng matuwid.
Anselm’s Satisfaction Theory (Teorya ng Pampalubag-loob o Kasiyahan ni Anselmo). Ayon sa pananaw na ito, ang pagkamakasalanan ng tao ay isang inhustisya na dapat malutas upang magbigay-kasiyahan sa hustisya ng Diyos. Ang kamatayan ni Cristo ang nagbigay-kasiyahan sa hustisya ng Diyos.
Mayroon ding aspeto ng kaligtasan sa gawa rito dahil, ayon sa argumentong ito, ang isang tao ay hindi naipanganak na muli sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesus at samakatuwid ay nagbigay-kasiyahan sa hustisya ng Diyos. Sa pananaw na ito, ang kamatayan ni Cristo ang nagbigay ng posibilidad para sa mga taong mamuhay nang matuwid upang mabigyang-kasiyahan ang hustisya ng Diyos. Sa diwang ito, ang pananaw na ito ay nakikita ang kamatayang ni Cristo na nagbigay sa atin ng pagkakataong maligtas. Ngunit ang kundisyon ng kaligtasan at ang kalikasan nito ay mali.
Naniniwala si Anselmo na ang kaligtasan ay nagsimula sa bautismo sa tubig at ang madalas na paglahok sa Eukaristiya, at pagkumpisal ng mga kasalanan at pagsagawa ng mga gawa ng pagsisisi, ay kailangan upang mapanatili ang kaligtasan.
Penal Substitutionary Atonement (Ang Penal at Panghaliling Pagbabayad). Ang mga Repormista ay gumawa ng ibang teoryang may kaugnayan sa teorya ni Anselmo at isang modipikasyon nito. Sa pananaw na ito, si Jesus ay namatay para sa ating mga kasalanan. Ang resulta ay maaaring maligtas ang mga tao. Ngunit hindi gaya ng pananaw ni Anselmo kung paano maligtas, ang pananaw na ito ay nagtuturong ang tao ay naligtas sa pamamagitan ng pananampalataya lamang (kung paano bigyang kahulugan ang pananampalataya ay paiba-iba sa mga Calvinista). Ang ibang nanghahawak sa panghaliling kabayaran ay naniniwalang ang kaligtasan ay hindi maiwawala.
Ang ideyang panghalili ay masusumpungan sa mga salitang para o sa halip na, huper at peri sa Griyego (sa “si Cristo ay namatay para sa ating mga kasalanan,” 1 Cor 15:3; 1 Juan 3:16) at kabayaran (“Ibinigay Niya ang Kaniyang buhay na kabayaran para sa marami,” Marcos 10:45).
Ang huling pananaw ay ang pananaw ng nakararaming mga Ebangheliko.
Si Jesus ay bumangon mula sa mga patay sa ikatlong araw, na katuparan ng hula ng LT, at nagpakita sa maraming tao sa loob ng apatnapung araw (1 Cor 15:3-11). Kung wala ang Kaniyang pagkabuhay na maguli, ang Kaniyang sakripisyo ay walang kabuluhay (1 Cor 15:17-19). Ang Kaniyang pagpapakita matapos ang Kaniyang pagkabuhay na maguli ay karagdagang patunay na ibinigay ng Diyos sa sangkatauhan.
Mula sa Kaniyang kapanganakan ng isang birhen sa Betlehem hanggang sa Kaniyang pagkabuhay na mag-uli mula sa mg patay, ang gawa ni Cristo ay kailangan para sa ating kaligtasan.
Gaano kalawak ang dapat sampalatayahan ng tao tungkol sa gawa ni Cristo upang maipanganak na muli?
Ang tao ay dapat manampalataya sa gawa ni Cristo, sapat upang siya ay makumbinseng totoo ang Kaniyang garantiya ng buhay na walang hanggan. Ang mga apostol ay nanampalataya sa Kaniya para sa buhay na walang hanggan bago sila nanampalatayang Siya ay namatay sa krus at nabuhay na maguli (Mat 16:21-22). Subalit narinig nila Siya at nakita nila Siya nang harapan. Nakita nila ang Kaniyang mga milagro.
Para sa ating nasa kabilang bahagi ng krus, ang pananampalataya sa Kaniyang perpektong buhay, naghahaliling kamatayan, at pagkabuhay na mag-uli ay dapat magturo sa ating manampalataya sa Kaniyang pangako ng kaligtasang hindi nababawi. Ang nakalulungkot, marami sa Cristianismo ngayon ang hiniwalay ang buhay, kamatayan at pagkabuhay na maguli ni Jesus mula sa Kaniyang pangako ng buhay na walang hanggan. Nananampalataya sila sa una, ngunit hindi sa huli.
Ang target ay ang mensahe ng Juan 3:16. Ang sinumang sumampalataya sa Kaniya ay hindi mapapahamak. Saradong transaksiyon iyan. Ang sumampalataya sa Kaniya ay may buhay na walang hanggan. Saradong transaksiyon iyan.
Ang Persona at gawa ni Cristo ay dapat magturo sa ating manampalataya sa pangako ni Cristo. Bibigyang pansin natin ang pangakong iyan nang may higit na detalye sa ikatlong parte.