Ang doktrina ng kaligtasan, na tinatawag ding soteriolohiya (mula sa salitang Griyego para sa kaligtasan, soteria), ay tipikal na hinahati mula sa lima hanggang walong pangunahing kategoriya. Halos lahat ng mga soteriolohiya ay nagsisimula sa Persona ni Cristo at sa Gawain ni Cristo. Pinili kong hatiin ang aking mga blogs sa soteriolohiya sa Persona ni Cristo, Gawain ni Cristo, at ang Pangangaral Kay Cristo. Sa unang bahagi bibigyang-pansin natin ang gampanin ng Persona ni Cristo sa ating kaligtasan.
Walang kaligtasan para sa makakasalanang mga tao malibang ang Diyos ay magbigay ng perpektong Tagapagligtas. Anumang hindi perpekto ay hindi oobra.
Ang sistema ng paghahandog ng Lumang Tipan ay nangangailangan ng mga handog na walang dungis. Ang mga handog ng Lumang Tipan ay nagtuturo sa darating na Mesiyas: “At bawat pari ay tumatayo araw-araw na naglilingkod at paulit-ulit na nag-aalay ng gayunding mga handog na kailanman ay hindi nakapag-aalis ng mga kasalanan. Ngunit nang makapaghandog si Cristo ng isa lamang alay para sa lahat ng panahon, Siya ay umupo sa kanan ng Diyos…” (Heb 10:11-12). Sinabi ni Pablo, “Para sa ating kapakanan, ginawa Niyang may kasalanan Siya na hindi nakakilala ng kasalanan, upang sa Kanya tayo’y maging katuwiran ng Diyos” (2 Cor 5:21).
Walang perpektong Tagapagligtas malibang ang Diyos mismo ay maging tao, at ito ang Kaniyang ginawa.
Ang Panginoong Jesus ay Diyos, at Siya rin ay kasama ng Diyos (Juan 1:1). Samakatuwid, taglay Niya ang lahat ng katangian ng Diyos: Siya ay eternal, banal, matuwid, mabuti, makatarungan, mapagmahal, omnipotente, omnisiyente, at impekabilidad. Ang Diyos ay binubuo ng tatlong Persona- ang Ama, ang Anak, at ang Espiritu Santo. Isang umiiral. Tatlong Persona. Bagama’t hindi natin mauunawaan kung paano nangyari ito, tinatangggap natin ito dahil ang Diyos ay nagsasabi sa ating Siya ay tatlong Persona sa isang Pag-iral.
Ang impekabilidad ay nangahuhulugang si Jesus ay walang kakayahang magkasala sa Kaniyang pagka-Diyos, sa Kaniyang pagkatao, at sa Kaniyang pinag-isang Persona. Hindi lamang na hindi Siya nagkasala, hindi Siya magkakasala.
Ang mga sumusunod na titulo ni Cristong masusumpungan sa Bagong Tipan ay nagpapakita ng kahalagahan ng Kaniyang Persona sa ating kaligtasan: ang daan, ang katotohanan, ang buhay, ang tapat na Punong Saserdote, ang Binhi ng babae, ang Anak ng Tao, ang Banal, Siyang hindi nakakilala ng kasalanan, ang Alpa at ang Omega, at ang Tagapagligtas ng sanlibutan.
Hindi kailangang maunaawaan ng tao ang lahat ng bagay tungkol sa Persona ni Cristo upang magkaroon ng buhay na walang hanggan. Ang kailangan Niyang maunawaan ay Siya ay may kakayahang magbigay ng buhay na walang hanggan sa lahat ng nanampalataya sa Kaniya para rito.
Gaano kalawak ang pagkaunawang kailangan ng isang tao na sampalatayahan tungkol sa Persona ni Cristo upang maligtas?
Pagkatapos ni Zane Hodges na magpahayag ng dalawang mensahe kung paano dalhin ang isang tao sa pananampalataya kay Cristo, may ilang taong pumuna sa kaniya. Sinabi nilang sinasabi niya na ang isang tao ay maaaring manampalataya sa kahit sinong nagngangalang Jesus at magkakaroon ng buhay na walang hanggan. Maliligtas ka sa pananampalataya sa isang hardinero, isang doktor o isang arkitektong nagngangalang Jesus. Basta nagngangalang Jesus maliligtas ka kailan pa man kung manampalataya ka sa kaniya.Kahit pa hindi ang Jesus ng Biblia.
Hindi iyan ang sinasabi ni Hodges. Hindi rin iyan ang ibig kong sabihin. Ang sinasabi niya ay ang target ay hindi ang Persona ni Cristo o ang gawa ni Cristo kundi ang pangako ni Cristo. Malibang ang isang tao ay manampalataya sa pangako ni Cristo, na si Jesus mismo ay tinatawag na regalo ng Diyos (Juan 4:10, 14; Pah 22:17), siya ay hindi pa naipanganak na muli kahit pa ortodox ang kaniyang pananampalataya sa Persona at gawa ni Cristo.
Sinabi ni Hodges na ang Persona at gawa ni Cristo ang dapat magturo sa ating manampalataya sa pangako ni Cristo, ang buhay na walang hanggan. Ito ay solidong teolohiya at solidong ebanghelismo.
Maliban at hanggan ang isang tao ay nananampalataya sa pangako ni Jesus ng hindi mababawing buhay na walang hanggang sa mga sitas na gaya ng Juan 3:16, hindi siya maipanganganak na muli.
Kailangang ang isang tao ay manampalatayang si Jesus ayon na rin sa Kaniyang pag-aangkin ay ang Tagagarantiya ng buhay na walang hanggan. Walang bastang mortal ang makapagbibigay ng buhay na walang hanggan. Kailangan ng taong manampalataya na dahil sa kung sino Siya, tutuparin ni Jesus ang Kaniyang garantiya na ang sinumang sumampalataya ay hindi mapapahamak kundi may buhay na walang hanggan.
Ang Diyos-Tao, ang Panginoong Jesucristo, ay ang tanging Persona sa buong kasaysayan na makabibili at makakagarantia ng kaligtasan ng lahat ng mga taong nanampalataya sa Kaniya para rito.
Siya ang layon ng nagliligtas na pananampalataya. Hindi tayo ligtas kailan pa man dahil sa ating mga gawa o dahil sa ating pananampalatayang may dagdag na gawa. Tayo ay ligtas kailan pa man dahil tayo ay nanampalataya kay Jesus para sa regalo ng buhay na walang hanggan.