Si Ralph Puckett ay isang kakilala. Walang tatawag sa amin na matalik na magkaibigan, ngunit kami ay paminsan-minsang nagkapeng magkasama kapag almusal. Minsan daraan siya sa opisina upang magkwento ng mga bagay bagay tungkol sa army. Isa siyang retiradong chaplain sa army, at ako rin.
Tatlumpong taon ang tanda niya sa akin, kaya nagsilbi siya sa ibang panahon. Alam kong lumaban siya sa Digmaang Korea, at ito ay interesante sa akin dahil nanirahan ako sa Korea nang dalawang taon nang ako ay bata pa. Isang araw, isang sundalo ang nagkwento sa akin ng mga dakilang bagay na ginawa ni Ralph nang digmaan.
Noong Nobyembre 1950, pinangunahan ni Ralph ang isang pangkat ng mga kalalakihan sa isang mapanganib na misyon sa itaas ng bundok. Ang mga kaaway ay nakapaligid, at upang Makita kung nasaan sila, sinadya niyang magpakita sa mga kaaway upang paputukan nila siya. Sa ganitong paraan malalaman ng kaniyang mga tauhan kung saan magpapaputok. Sa loob ng dalawang araw, ang nakararaming kalaban ay sinubukang kunin ang kanilang posisyon. Para sa kabutihan ng kaniyang mga tauhan, patuloy na pinakita niya ang kaniyang sarili sa mga paputok ng mga taga- Hilagang Korea, upang ang mga machine gun ay itutok sa kaniya. Dalawang beses siyang nasugatan, ang ikalawang beses ay napakalubha na hindi siya makagalaw. Inutusan niya ang kaniyang mga tauhan na iwan siya at umatras sa kaligtasan. Ayaw niyang pabagalin ang mga ito dahil sa pagbubuhat sa kaniya. Natatakot siya na lalong mahaharap sa mas malaking panganib ang kaniyang mga tauhan. Umatras ang kaniyang mga tauhan ngunit nilabag ang kaniyang utos at hinila siya pababa ng bundok kasama nila.
Malinaw na niligtas ni Ralph ang mga buhay ng karamihan sa kaniyang mga tauhan. Nang una kong marinig ang kwentong ito, hindi ko maintindihan kung bakit ang kaniyang mga nagawa nang mga nakaraang taon ay hindi mas nabantog. Para sa mga gawa ng katapangan, ang army ay may medalya, tinatawag na Medalya ng Karangalan (Medal of Honor). May kasama itong maraming karangalan para sa tatanggap at pakiramdam ko na hindi makatarungang hindi nakatanggap si Ralph ng medalya.
Mga dalawampung taon pagkakilala ko kay Ralph, namumuhay ako sa ibang estado. Nanunuod ako ng balita sa TV, at pinakita nito ang isang matandang lalaki na tumatanggap ng Medalya ng Karangalan mula kay Pangulong Biden. Siya ay si Ralph Puckett. Siyamnapu’t apat na taon na siya at kailangan niya ng saklay para makalapit sa entablado at maisabit ang medalya sa kaniyang leeg. Mahigit 70 taon pagkatapos iligtas ang buhay ng kaniyang mga tauhan, ang bansa ay nagbigay sa kaniya ng parangal na marapat niyang matanggap.
Ito ang tamang gawin ngunit tayo ay naiwang nagtatanong kung bakit matagal na panahon ang lumipas. Marahil ang mga nakatataas sa kaniya sa Korea ay hindi nagbigay ng maayos na papeles. Marahil may nagseselos sa kaniyang nagawa nang panahon na iyon at inilayo siya sa pagtanggap ng pagkilala. Hindi ko kakilala nang husto si Ralph para tanungin siya kung siya ba ay mapait sa hindi pagtanggap ng medalyang marapat niyang matanggap nuong 1950. Inakala ko na lang na pagkatapos ng 70 taon naramdaman niya na lang na nilimot ng army ang lahat niyang nagawa sa burol sa Korea maraming taon na ang nakalipas.
Ang Biblia ay nagsasabi sa atin na ang mga mananampalataya ay mga sundalo ng Panginoon. Hinihingi Niya sa atin na gawin ang mga bagay sa paglilingkod natin sa Kaniya. Nangako Siyang pararangalan ang mga matapat na naglilingkod sa Kaniya. Madalas, sa Bagong Tipan, ang mga parangal na ito ay inilalarawan bilang mga korona.
Sa tingin ko madali para sa mga mananampalataya na mahulog sa kaisipan na sila ay kagaya ni Ralph Puckett. Marahil ang mga mananampalataya ay nararamdamang hindi sila mapaparangalan para sa kanilang mga ginawa para sa Panginoon. Ang mga gawang ito ay hindi nalilimot. Sa paglipas ng panahon, minsan inaabot ng dekada, nalilimot ng mga tao o pinaniniwalaang ang mga gawang ito ay hindi nangangailan ng espesyal na merito. Sa ating kamalayan, mayroong tuksong maramdaman na si Kristo ay may mas mahalagang mga bagay na pinagkakaabalahan kaysa sa mga ginawa natin sa buhay.
Siyempre ito ay hindi totoo. Ang may-akda ng Hebreo ay sinabihan ang kaniyang mga mambabasa, “Ang Diyos ay hindi liko upang malimot ang inyong gawa,” na ginawa para sa Kaniya (Hebreo 6:10). Ang buong aklat ng Hebreo ay tungkol sa mga gantimpala at mga parangal sa kaharian ng Diyos sa hinaharap. Ang mga mambabasa ay naghirap para sa Panginoon, at sila ay pinaalalahanan na ang Diyos ay hindi nakalimot.
Ang mga papeles ay hindi nawala. Ang mga maliit na pagseselos ay hindi hahadlang sa Panginoon na gantimpalaan ang Kaniyang mga anak. Nalulugod ako na makitang si Ralph ay pinarangalan ng Pangulo. May nakaalala sa kaniyang mga ginawa at gumawa ng paraan upang itama ang maling nagawa sa kaniya. Ngunit ito ay bahagyang nakalulungkot. Si Harry Truman dapat ang nagbigay ng medalyang ito. Sa edad na 94 na taon, hindi sapat ang panahon upang tamasahin ang parangal na binigay sa kaniya. Nawala rin sa kaniya ang 70 taon na pagkilala sa kaniyang ginawa.
Kahanga-hangang mapagtanto na hindi magiging ganito sa Hukuman ni Kristo. Hindi lamang maaalala ng Panginoong kundi ang gantimpalang ibinigay sa araw na iyan ay matatamasa magpakailan man.