Sa Lukas 5:27-31, nirekord ng may-akda ang pagtawag ng Panginoong sa tagasingil ng buwis na si Levi (Mateo) bilang isa sa Kaniyang mga alagad. Hindi ito nagustuhan ng mga punong panrelihiyon dahil si Levi ay binibilang bilang isang matinding makasalanan sa mata ng mga Judio dahil isa siyang tagakolekta ng buwis at traydor sa kaniyang bayan sa pagtatrabaho para sa mga Romano. Ang nagpapalala ng mga bagay ay pumunta si Jesus sa bahay ni Levi at kumain kasama niya. Bilang karagdagan, nakikain Siya kasama ang malaking grupo ng ibang makasalanan at tagasingil ng buwis.
Bilang tugon sa reklamo ng mga punong panrelihiyon, sinabi ni Jesus na Siya ay dumating bilang isang manggagamot para sa mga may sakit. Dumating Siya upang tawagin ang mga tao sa pagsisisi. Sa ibang salita, bilang kanilang manggagamot, sinabihan Niya sila ng kanilang pangangailangan. Kung sila ay magsisisi, sila ay gagaling.
May isipang pumasok sa akin tungkol kay Jesus sa pagtukoy Niya sa Kaniyang sarili bilang isang manggagamot na hindi ko nakita dati. Dagli matapos Niyang tawagin si Levi, pinagaling Niya ang isang lalaking lumpo (Lukas 5:17-26). Sa prosesong ito pinatawad Niya ang lalaking ito ng kaniyang mga kasalanan. Sa ginawa Niyang pagpalakad sa lalaking ito, kumikilos Siya bilang isang manggagamot! Ito ang gagawin ng isang supernatural na manggagamot. Ito ang dahilan upang ako ay mapaisip: Hindi ba’t mas maigi sana kung tinawag ni Jesus ang Kaniyang sarili bilang isang manggagamot matapos pagalingin ang lalaking lumpo? Hindi Niya ginamot si Levi ng anumang sakit.
Sa aking palagay tila nais ni Lukas na pagsamahin ang dalawang kwentong ito. Malinaw na ang Panginoon ay isang manggagamot sa Kaniyang pagpagaling ng lumpong lalaki. Ngunit Siya ay isa ring manggagamot kay Levi. Sa anong diwa? Si Cristo ay pangunahing manggagamot sa kasong ito sa paraang walang kinalaman sa pisikal na panggagamot. Bilang manggagamot ng lalaking lumpo at ni Levi, Siya ay nag-aalok ng ibang uri ng kagalingan.
Ang lalaking lumpo ay nakaranas ng iba pang uri ng kagalingan. Sa pagpatawad sa kaniyang mga kasalanan, sinasabi ng Panginoon na siya ay maaaring magkaroon ng pakikisama sa Kaniya. Ang lalaki ay isang mananampalataya, at binanggit ni Lukas ang kaniyang pananampalataya (v20). Alam niyang si Jesus ang Cristo at kung ganuon mayroon siyang buhay na walang hanggan. Ngunit ngayon mayroon pa siyang ibang taglay. Sa kapatawaran ng mga kasalanan, ang pakikisama sa Panginoon ay magbibigay sa kaniya ng pagkakataon upang lumakad kasama Niya at makaranas ng lahat ng pagpapalang kaakibat ng intimasyang iyan. Sa madaling salita, ang Panginoon ay nag-aalok sa Kaniya ng espirituwal na kalusugan at kalusugan sa kaniyang mga binti. Marahil ang pagbibigay ng pisikal na kalusugan sa lalaking ito ay larawan ng espirituwal na kalusugang maaari Niya ring ibigay sa kaniya.
Ang parehong bagay ay totoo rin kay Levi. Ang Panginoon ay tinawag siya upang sumunod sa Kaniya (v 27). Kung paanong ang lalaking lumpo ay “nagtindig” at lumakad palayo (v25) ganuon din si Levi ay “nagtindig” (parehong salita) at sumunod sa Panginoon (v28). Ang paglalapit ng dalawang kwentong at ang mga kilos ng dalawang lalaking ito ay nagpapakitang sila ay magkakonekta.
Si Levi ay bahagi ng isang bulok na kalakal bilang tagasingil ng buwis. Marahil marami na siyang dinayang mga tao sa kaniyang karera biang maniningil. Ang Panginoon ay tinatawag siyang iwanan ang buhay na iyan at maging alagad Niya. Ito ang pagsisisi, o ang pagtalikod sa anumang dala ng kasalanang iyan (v31). Ito ang resetang binigay ng Manggagamot. Kapag ginawa ito ni Levi, siya rin ay tatanggap ng kapatawaran ng mga kasalanan at pakikisama sa Kaniya na siyang magbibigay sa kaniya ng espirituwal na kalusugan, gaya nang nangyari sa lalaking lumpo.
Si Jesus ay madalas tawaging Dakilang Manggagamot. Madalas sinasabi ito upang ipakahulugang nililigtas Niya ang mga tao mula sa impiyerno. Totoo ito. Ang iba, na siyang nakalulungkot, ay sinasabing nangangahulugan itong kapag ang isang tao ay may sapat na pananampalataya, pagagalingin sila ng Panginoon mula sa anumang pisikal na sakit na maaaring taglay nila. Ngunit hindi ito ang punto. Dito sa Lukas 5, sinabihan tayo kung ano ang kahulugan nito.
Bilang mga mananampalataya, ang ating Dakilang Manggagamot ay nais na “pagalingin” tayo ng lahat ng ating sakit moral at espirituwal. Ginagawa natin ito, matapos nating manampalataya, kapag ginagawa natin ang sinasabi Niyang dapat nating gawin. Kapag namuhay tayo ayon sa gusto natin, mararanasan nating ang lahat ng espirituwal na negatibong konsekwensiya ng buhay na iyan. Si Levi ay mayroon ng buhay na walang hanggan. Ngayon, nais ng Panginoong talikuran niya ang kaniyang mga kasalanan at magkaroon ng buhay, malusog na relasyon sa Kaniya. Hindi tayo pinangakuang pagagalingin ng Panginoon ng lahat nating mga sakit sa buhay na ito. Ngunit Siya pa rin ang ating Dakilang Manggagamot.