Halos dalawampung taon na ang nakakaraan, sa isang taunang pagtitipon ng Evangelical Theological Society, narinig ko ang isang tagapagsalitang nagbigay ng mensahe tungkol sa Anghel ng Panginoon (Malak Yahweh). Sinasabi ng tagapagsalita na ipinakikita ng Kasulatan na kailan man ang Anghel ng Panginoon ay hindi ang Panginoong Jesucristo bago ang inkarnasyon.
Matapos ng pananalita, tinanong ko si Dr. Arnold Fruchtenbaum, na isa sa nakikinig, kung ano ang masasabi niya sa mensahe. Sinabi niya, “Alam kong ang aking Mesiyas ay nagpakita nang maraming ulit sa mga mananampalataya bilang Anghel ng Panginoon.” Sang-ayon ako sa kaniya.
Alam nating ang ekspresyong anghel ng Panginoon ay malimit na tumutukoy sa Diyos sa laman, dahil ito ang sabi ng teksto. Dahil sa sinasabi rin ng Kasulatan na wala kahit sino man ang nakakita sa Diyos Ama (Juan 1:18), ang Anghel ng Panginoon, sa mga pagkakataong ito, ay ang Diyos Anak. Maraming halimbawa sa LT ng mga pagpapakitang ito.
Matapos magpakita ang Anghel ni Yahweh kay Gedeon, sinabi niya, “Aba, Oh Panginoon Dios! sapagka’t aking nakita ang anghel ng Panginoon na mukhaan” (Hukom 6:22). Sinabi pagdaka ng Panginoon kay Gedeon an huwag matakot dahil “hindi ka mamamatay” dahil nakita niya ang Panginoon (Huk 6:23).
Bago pinanganak si Samson, ang Anghel ng Panginoon ay nagpakita kay Manoa at kaniyang asawa. Matapos, sinabi ni Manoa sa kaniyang asawa, “Walang pagsalang tayo’y mamamatay, sapagka’t ating nakita ang Dios!” (Hukom 13:22).
Nakausap ni Moises ang Anghel ng Panginoon sa kahoy na hindi natutupok (Ex 3:2). Mababasa natin: “Tinawag siya ng Dios mula sa gitna ng mababang punong kahoy, at sinabi, ‘Moises, Moises!’” (Ex 3:4). Ang Anghel ng Panginoon ay kinilalang Diyos. Sinabihan si Moises na alisin ang panyapak “sapagkat ang lugar na kaniyang kinatatayuan ay banal na lupa” (Ex 3:5).
Ang Anghel ng Panginoon ay nakipagkita ng harapan kay Agar, ang ina ni Ismael (Gen 16:7-11). Inulat ni Moises: “At kaniyang tinawagan ang ngalan ng Panginoon na nagsalita sa kaniya, Ikaw ay Dios na nakakakita: sapagka’t sinabi niya, ‘Namasdan ko rin ba rito ang likuran niyaong nakakakita sa akin?’” (Gen 16:13). Alam niyang ang kaniyang nakaharap ay ang Panginoong Diyos.
Nakaharap din ni Abraham ang Anghel ng Panginoon. Nang kaniyang kikitilin na ang buhay ni Isaac sa Bundok ng Moria, sinabi ng Anghel, “Huwag mong buhatin ang iyong kamay sa bata, o gawan man siya ng anoman: sapagka’t talastas ko ngayon, na ikaw ay natatakot sa Dios, sa paraang hindi mo itinanggi sa akin ang iyong anak, ang iyong bugtong na anak” (Gen 22:12). Pinakilala ng Anghel ng Panginoon ang Kaniyang sarili bilang Diyos.
Sa kaniyang komentaryo sa Zacarias 12:8, sinulat ni Eiselen:
Kahit sinong anghel ay maaaring tawaging “anghel ni Jehova” (1 Hari 19:7; 2 Sam 24:16), ngunit may mga pasahe sa Lumang Tipan kung saan ang partikular na pariralang ito ay may kakaibang kahulugan (Gen 31:11-13; Ex 23:20, 21 atbp). Kabilang sa panghuling klaseng ito ang sitas na ito [Zac 12:8]. Sa mga pasaheng ito, ang “anghel ni Jehova” ay “hindi anghel na nilikha; Siya ay si Jehova mismo,” na nagpapakita sa mga tao, samakatuwid sa panlabas na ugnayan ng mga tao, kung paanong sa Lumang Tipan, “ang espiritu ni Jehova ay si Jehovang nagpapakilala sa mga tao (The Minor Prophets, Vol. IX, pp. 610-11).
Ang ekspresyong ang anghel ng Panginoon ay minsan lang ginamit sa BT. Isang anghel ang nagpakita kay Jose at sinabihan siyang huwag hiwalayan si Maria dahil siya ay nagdadalang tao sa pamamagitan ng Espiritu Santo, ayon na rin sa hula ng Is 7:14 (Mat 1:20-25). Subalit, dahil sa ang anghel na ito ay una nang tinawag na “isang anghel ng Panginoon” (Mat 1:20), ang artikulo sa Mateo 1:23 ay pantukoy lamang sa isang espesikong anghel na nakipagtagpo kay Jose.i
Sabi ng Gotquestions (tingnan dito):
May posibilidad na ang pagpapakita ng anghel ng Panginoon ay mga manipestasyon ni Jesus bago ang Kaniyang inkarnasyon. Dineklara ni Jesus ang Kaniyang sarili na umiiral “bago pa si Abraham” (Juan 8:58), kaya lohikal lamang na Siya ay aktibo at nagpapakita sa mundo. Anupaman ang kaso, ang anghel man ng Panginoon ay ang pagpapakita ni Cristo bago ang inkarnasyon (Cristopaniya) o pagpapakita ng Diyos Ama (Teopaniya), malaki ang posibilidad na ang pariralang “ang anghel ng Panginoon” ay nagpapakita ng pisikal na pagpapakita ng Diyos.ii
Sang-ayon ako kay Dr. Fruchtenbaum. Tumitibay ang aking loob sa napakaraming pagpapakita ng Mesiyas bago ang Kaniyang Inkarnasyon. Ang Kaniyang mga pagpapakita ay demonstrasyon ng Kaniyang pag-ibig sa atin.
Manatiling nakapokus sa biyaya.
__________
i Buntis na si Maria, kaya ito ay hindi pagpapakita bago ang inkarnasyon. Kung ang mensahero ay ang Anghel ng Panginoon, nangangahulugan ito ng isang imposibilidad: si Jesus ay nasa dalawang lugar sa Kaniyang pisikal na katawan.
ii Gaya nang nabanggit, sinasabi ng Juan 1:!8 na wala sinumang nakakita sa Diyos Ama. Ito ay nagmumungkahing lahat ng mga Teopaniya ay mga Cristopaniya.