Bilang tugon sa mga aral ni Arminius, ang Calvinismo ay nagdebelop ng limang puntos na kilala sa akrostik na TULIP. Ang T sa TULIP ay kumakatawan sa total depravity (ganap na deprabidad o ganap na kasamaan).
Ang ekspresyon ay tila pantukoy sa isang taong kagaya ni Hitler, Stalin, Mao o Pol Pot. Tila ito ay tumutukoy sa isang taong wala nang isasama pa.
Sa ikawalong tanong at sagot tungkol sa ganap na deprabidad, ang Heidelberg Catechism (Katekismong Heidelberg) ay nagsasabi:
Tayo ba ay napakabaluktot na tayo ay ganap na walang kakayahang gumawa ng anumang kabutihan at tayo ay nakasandig sa lahat ng kasamaan? Oo malibang tayo ay ipanganak na muli ng Espiritu ng Diyos (tingnan dito).
Ang mga modernong Calvinista ay hindi nagbabanggit ng ganap na deprabidad sa ganiyang paraan. Sa isang artikulo tungkol sa ganap na deprabidad, sinulat ni John Piper:
Totoong ang nahulog na tao ay makagagawa ng maraming kabutihang ang kalikasan ay moral, sosyal at kultural. Makapakikita sila ng pag-ibig sa pamilya, makagagawa ng mga gawa ng kabaitan, makalilikha ng magagandang gawa ng sining, at makabibigay nang malaking kontribusyon sa kabutihang sibiko. Subalit, hiwalay sa kapanganakang muli ng Espiritu, hindi nila magagawa ang mga kabutihang ito sa ikaluluwalhati ng Diyos. Hindi rin sila, bilang konsekwensiya, makababahagi sa nag-uumapaw na kagalakan sa kahangahangang gawa ng Diyos (Awit 19, 145, 147, 148). Ito ay nangangailangan ng radikal na pagbabago, na nagbabago ng buong kakilingan ng kalooban ng tao, upang tumugong positibo sa ebanghelyo, isang pagbabagong madadala lamang ng Espiritu Santo (tingnan dito).
Sa parehong artikulo, sinabi ni Piper na walang sinumang makatutugon sa Diyos bago ang kapanganakang muli. Ito ay minsang tinatawag na ganap na inabilidad.
Isang madalas na paglalarawan ng mga Calvinista ay ang isang bangkay sa ilalim ng isang malalim na balon. Maaari tayong magtapon ng lubid pababa at sumigaw sa taong iyan na itali ang lubid sa kaniyang baywang upang mahila natin siya pataas. Ngunit ang isang bangkay ay hindi makaririnig o makatutugon. Sa terminong Calvinista, ang kapanganakang muli, ang bagong kapanganakan ay dapat mauna bago ang pananampalataya kay Cristo.
Kung ikaw ay nanampalataya kay Cristo para sa buhay na walang hanggan, ikaw ay hindi ganap na masama kahit sa pagkaunawang Calvinista. Siyempre sa Calvinismo, hindi ka siguradong ikaw ay tunay na nanampalataya kay Cristo kaya hindi ka rin makasisiguro na ikaw ay pinanganak na muli.
Ikalawa, ang Calvinistang doktrina ng ganap na deprabidad ay hindi biblikal. Hindi totoong ang mga hindi mananampalataya ay hindi makatutugon sa Diyos. Si Cornelio sa Gawa 10 ay pinatunayang mali ang katuruang ito. Hindi siya isang bangkay sa ilalim ng isang balon bago siya maipanganak na muli. Bilang resulta ng panalangin at abuloy ni Cornelio, ang Diyos ay nagpadala ng mensahe sa pamamagitan ng isang anghel. Naunawaan ni Cornelio ang mensahe ng Diyos at nagpasugo kay Simon Pedro. Nang dumating si Pedro at binahagi sa kaniya ang ebanghelyo, si Cornelio ay pinanganak na muli bilang resulta ng pananampalataya, hindi bago ang pananampalataya (Gawa 10:43-48; 11:14; 15:7-11). Bilang karagdagan, mayroong higit sa isandaang sitas na nagpapakitang ang pananampalataya ang nag-iisang kundisyon ng buhay na walang hanggan. Mayroon akong dalawang kabanata sa aking librong Is Calvinism Biblical (tingnan dito) na tumatalakay sa isyu ng ganap na deprabidad, ang isa ay tumatalakay kay Cornelio at Gawa 10.
Kung hindi ka pa mananampalataya kay Cristo, lakasan ang loob. Maari kang manalangin at hingiin sa Diyos na ipakita sa iyo ang daan sa buhay na walang hanggan. Si Jesus ang daan (Juan 14:6), at ang Diyos ay ipakikita iyan sa iyo kung hahanapin mo Siya (Mat 7:7-11; Gawa 17:27). Iminumungkahi kong basahin mo ang Ebanghelyo ni Juan at maghanap ng isang iglesiang solidong nagtuturo ng Biblia.