Isang mambabasa ang nagpadala sa akin ng isang artikulo na lumitaw nuong Pebrero 2019 sa Decision Magazine mula sa Billy Graham Evangelistic Association. Sinulat niya, “Maaari ko bang makuha ang iyong posisyon sa bahay na ito? Nakikipagbuno ako sa bagay na ito dahil kaming mag-asawa ay may kilalang mga bakla at tomboy at bagama’t hindi kami sang-ayon sa kanilang pamumuhay at pagpili, sa tingin naming hindi sila dapat hatulang bigla dahil sa kanilang homosekswalidad (bagama’t sa pananaw naming ito ay malinaw na hindi nakalulugod sa Diyos). Nakakaligalig na sinasama ni MacArthur ang pagsisisi sa pananampalataya sa kaligtasan, ngunit diyan siya nakilala.”
Natagpuan ko ang artikulo sa pamagat na “God’s Plan for the Gay Agenda.” Mababasa mo iyan dito. Ayon kay MacArthur, ang mga homosekswal ay maaaring ipanganak na muli, kung kanilang titigilan ang gawaing homosekswal.
Ito ang kaniyang paliwanag: “Ang 1 Corinto 6 ay napakalinaw sa walang hanggang hantungan ng mga nagsasagawa ng homosekswalidad- ngunit may mabuting balita. Anumang uri ng kasalanan, homosekswalidad man o iba, ang Diyos ay may inihandang kapatawaran, kaligtasan at pag-asa ng buhay na walang hanggan sa lahat ng nagsisisi at yumayakap sa Ebanghelyo… Gaya ng iba, ang mga homosekswal ay maaaring magkamit ng kaligtasan sapamamagitan ng pagsisisi at pananampalataya.” Iminungkahi niya na kapag tayo ay nakipag-usap sa mga homosekswal tungkol sa kaligtasan, dapat natin [silang] hamunin ng katotohanan ng Kasulatan na kinokondena ang homosekswalidad at nangangako ng walang hanggang kapahamakan sa lahat ng gumagawa nito… at ituro [sila ] sa pag-asa ng kaligtasan sa pamamagitan ng pagsisisi at pananampalataya kay Jesu-Kristo.”
Tama si MacArthur na ang kailangan, o sa kaso niya mga kailangan, upang magkaroon ng buhay na walang hanggan ay pareho sa lahat ng tao. Ang mga kailangan ay hindi iba sa mga homosekswal. Sa kaniyang pananaw, lahat ng uri ng makasalanan ay dapat itigil ang kanilang paggawa ng mga makasalanang daan at manampalataya kay Jesus upang maipanganak na muli.
Ang hindi sinabi ni MacArthur ngunit kaniyang tiyak na pinapahiwatig ay kailangang itigil ng isa ang paggawa ng lahat niyang mga kasalanan. Walang tao na may isang uri lang ng pagkakasala. Ang mga homosekswal ay may problema rin sa ibang mga kasalanan gaya ng iba. Halimbawa, ang isang homosekswal ay maaari ring maging tsismoso, manloloko, sinungaling, at lasenggero. Upang maligtas, hindi lamang niya kailangan na huwag makitalik (o kaya mag-asawa siya ng ibang kasarian at maging tapat), ngunit kailangan niya ring itigil ang pagtsisismis, pandaraya, pagsisinungaling at paglalasing.
Pareho din sa mga heterosekswal bagama’t hindi ito tinutukan ni MacArthur. Maraming heterosekswal ngayon na wala pang edad trenta ang nakikipagtalik nang hindi kasal. Upang sila ay maligtas, kailangan nilang tigilan ang pakikipagtalik, o kaya naman ay mag-asawa ng kabilang kasarian at maging tapat sa taong iyan. Bilang karagdagan kailangan nilang itigil ang lahat nilang mga kasalanan.
Nakikita mo ba kung paano ito nakalilito? Posible na iwan ang homosekswalidad. Posible sa mga heterosekswal na tigilan ang pakikitalik sa hindi nila asawa. Oo ang mga lasenggero ay maaaring tigilan ang pag-iinom.
Ngunit maaari bang tuluyang itigil ng isang seloso ang kaniyang pagseselos? Maaari bang itigil ng isang mainitin ang ulo ang lahat ng silakbo ng kaniyang galit? Kaya ba ng isang sinungaling na itigil ang lahat ng pagsisinungaling?
Sa madaling salita, kaya ba ng isang hindi mananampalataya na tigilan ang paggawa ng lahat ng mga kasalanan? Kung oo, paano?
Ang ginagawa ni MacArthur ay takbuhan ang malaking problema ng kaniyang teolohiya. Tumutok lamang siya sa iisang kasalanan, homosekswalidad, at hindi lahat ng kasalanan.
Kung ang kaniyang sinasabi ay totoo, sa pagbibigay ng ebanghelyo, dapat tayong magdala ng listahan ng lahat ng bagay na makasalanan upang ang tao na ating kausap ay matigil ang paggawa ng mga ito. Hindi lamang sapat na itigil ng mga homosekswal ang kanilang homosekswalidad. Kailangan niya ring itigil ang paglalasing, pagsisinungaling, pandaraya, pagnanakaw, pagtsitsismis, pagkikipag-away at iba pa.
Ganito ang pagkasulat ng nasirang Dr. James Montgomery Boice sa kaniyang 1987 na aklat Christ’s Call to Discipleship: “Ano ang dapat kung bayaran para maging Kristiyano… Kailangan kong bayaran ang mga kasalanan na akin ngayong tinatangi. Hindi ko maaaring panghawakan kahit isang kasalanan…” (pp. 112-13).
Gaya ng minungkahi ng mambabasa, ang problema ni MacArthur, Boice at lahat ng mangangaral ng Lordship Salvation ay sinasabi nilang ang pananampalataya kay Jesu-Kristo ay hindi sapat. Kailangan ding itigil ang lahat ng mga kasalanan. Hindi lang ang mga hayag ng kasalanan, kundi lahat ng kasalanan.
Ang resulta ay isang mensahe ng kaligtasan na hindi nakaliligtas. Ang nag-iisang tunay na mensahe ng kaligtasan ay ang kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Kristo lamang. Magdagdag ka ng anumang (mga) kundisyon at ang resulta ay isang muling kapanganakan na hindi nakasalig sa pananampalataya lamang kay Kristo at ay ikaw ngayon ay nagpapahayag ng isang huwad na ebanghelyo (Gal 1:6-9).
Maganda ang hangarin ni MacArthur at ng mga tagataguyod ng Lordship salvation. Nais nilang mabuhay nang may kabanalan ang mga tao. Magandang bagay iyan. Ngunit dapat nating ang gawain ng Diyos sa pamamaraan ng Diyos. Hindi natin maaaring baguhin ang mensahe ng kaligtasan sa pagnanais na tulungan ang Diyos. Alam ng Panginoong Jesu-Kristo ang Kaniyang ginagawa nang Kaniyang ipahayag ang mensahe ng pananampalataya lamang (Juan 3:16; 5:24; 6:35; 11:26).
Ang mga homosekswal ay maaaring maligtas. Gayon din ang mga heterosekswal. Gayon din ang mga sinungaling, tsismoso, at mandaraya. Ang lahat ay maipapanganak na muli sa parehong paraan. “Manampalataya ka sa Panginoong Jesu-Kristo at ikaw ay maliligtas” (Gawa 16:31). Ito ay simpleng mensahe para sa lahat. Banal, panatilihing natin itong simple.