Si Hal at Wanda ay may isang nakapupukaw na tanong:
Marahil ito ay mas akmang ibilang na tanong sa pilosopiya kaysa sa teolohiya. Bakit sa tingin mo ginagawang mahirap ng mga tao ang maligtas? Iisipin mo na sila dapat ay mananabik na yakapin ang pananampalataya lamang bilang nakapagliligtas na mensahe. Marahil ay buhay at maunlad ang espiritu ng mga Pariseo sa mga simbahan!
Isa ako sa mga modernong Pariseo nang ako ay komprontahin ng pangako ng buhay nang tag-araw nang ako ay senior sa kolehiyo. Miyembro ako ng isang relihiyosong grupo ng mga kabataang lalaki na nagtuturo ng matinding Lordship Salvation. Ang aking matalik na kaibigan sa club ay inimbitahan ako sa pananampalataya kay Kristo sa pamamagitan ng ministeryo ng Campus Crusade for Christ. Hinamon niya ako na dumalo sa isang pagtitipong Campus.
Natatakot ako na dumalo dahil natitiyak ko na ako ay kanilang lilinlangin. Ngunit alam ko rin na ang taong ito ay matalik kong kaibigan at kailangan kong ipanalangin ang bagay na ito. Kaya nanalangin ako at dumalo.
Masasabi ko na napakahirap para sa akin na manampalataya sa mensahe ng pananamapalataya lamang.
Pagkatapos ng pagtitipon na iyon, nakipagkita ako kay Warren, isang staff ng CCC. Mahirap ding hakbangin ito. Isa itong hadlang para sa akin. Ngunit wala akong katiyakan at nais kong magkaroon nito. Binuksan ni Warren ang kaniyang Biblia at pinakita sa akin ang Efeso 2:8-9. Tila napakadali nito: ligtas sa biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya.
Kailangan ng limang magkakahiwalay na pakikipagkita kay Warren bago ako nakumbinse. Marahil nabanggit niya nang halos limampung ulit ang Efeso 2:8-9 sa mga pakikipagkitang ito. Sa kahulihulihan, pinaniwalaan ko ang mensahe ng buhay. Alam ko na ako ay ligtas minsan at magpakailan pa man.
Kaya ang personal kong sagot ay isang salita: TRADISYON. Ang tradisyon na aking pinanghawakan sa loob ng 14 na taon ay laban sa mensaheng pananampalataya lamang. Kung tutuusin dineprogram ako ni Warren! Ang lahat ng mananampalataya ay kailangang madeprogram!
Isipin mo ang lahat ng mga tradisyun na nagtatakwil sa mensahe ng pananampalataya lamang. Isang email ang aking natanggap sa kaibigan kong si William kung saan nilista niya ang 19 magkakaibang mga grupo at denominasyong nagtatakwil sa paninindigang pananampalataya lamang. Ibinilang niya ang mga Romano Katoliko, Silanganing Ortodox, Iglesia ni Kristo, mga Pentekostal, mga karismatiko, mga kulto at iba pang denominasyon.
Kalimitang pinipigilan ng mga tradisyon ang pananamplataya kay Kristo para sa buhay na walang hanggan. Hindi lamang ang Romana Katolika. Karamihan sa mga tradisyong Kristiyano ay nagbababala sa kanilang mga tagasunod na iwasan ang tinuturing nilang ereheng mensahe ng “madaling pananampalataya” o “mumurahing biyaya.”
Isipin natin ang isang Kristiyanong mundo kung saan 100% ng mga tao sa Sangkristiyahuhan ay nanampalataya kay Kristo para sa buhay na walang hanggan na hindi mawawala. Kung ganuon, tatanungin sana natin ang mga Budista, ang mga Hindi, ang mga Muslim at ang mga Orthodox Jews kung bakit nila tinakwil ang pangako ng buhay. Ngunit ang katotohanan, karamihan sa mga tao sa Kristiyanismo ay hindi nananampalataya sa mensahe ng pananampalataya lamang, at marami ang nagpapalagay na trabaho nila ang aktibong bakahin ang mensaheng ito.
Paano naman ang mga taong mula sa mga tahanang ateista o agnostiko at naniniwala sa tinuro sa kanila? Hindi sila naniniwala sa Diyos, sa Biblia, sa buhay pagkatapos ng kamatayan, sa Trinidad o sa buhay na walang hanggan. Malinaw na hindi sila nananampalataya sa pangako ng buhay. Ang kanilang tradisyun ang dahilan kung bakit sila ay laban sa pangako ng buhay. Ang kanilang buong pananaw sa buhay ay laban hindi lamang sa pangako ng buhay kundi sa kabuuan ng Kristiyanong pananampalataya.
Ngunit, nakukuha ko ang punto ni Hal at Wanda. Bakit itatakwil ng sinumang may matinong pag-iisip ang makapiling si Kristo sa Kaniyang kaharian magpakailan pa man sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesus? Hindi ba dapat sila ay maakit kahit paano sa mensaheng ito? Oo. Dapat sana. Ngunit makapangyarihan ang tradisyon. Natutunan ng mga tao na masdan ang Biblia at ang kundisyon sa kaligtasan mula sa isang pananaw. At ito ang nagbibigay katuturan sa kanila. Makatarungan para sa kanila na ang mga masasama ay tutungo sa impiyerno at ang mabubuting tao ay tutungo sa kaharian. Ang mensaheng pananampalataya lamang ay nangangahulugan na kahit ang masasamang tao ay maaaring makapasok sa kaharian sa kanilang kamatayan. Salamat sa Diyos na oo maaari silang makapasok sa kaharian, sapagkat, “Lahat ay nagkasala at hindi nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos” (Roma 3:23).