Matagal na rin nang huli kong aralin ang algebra sa kolehiyo. Gayon pa man naaalala ko pa na ang algebra ay natututunan sa pagsunod sa mga hakbangin. Kapag nakakakita ako ng mga x’s and y’s sa isang kumplikadong suliranin sa algebra, naalala ko na kailangan mong dumaan sa mga hakbangin upang ito ay masagutan. Hindi ka bibigyan ng guro ng kumplikadong suliranin sa unang araw ng klase o kahit sa klase ng mga baguhan. Kailangan mo munang matutunan ang mga batas ng distribution, kung paano mag-factor, paano mag multiply at mag-divide ng mga factors, paano ilipat ang mga numero at mga variables mula sa isang bahagi ng equation patungo sa kabila, at kung ano man ang gawin mo sa isang bahagi ng equation, ganuon din ang dapat mong gawin sa kabila. (Marahil natatawa ang mga guro sa math sa aking paglalarawan ngunit ganito ko naalala ang mga dapat gawin!) Kailangan mo munang matututunan ang maraming mga hakbangin at mga pagsusundin bago mo mahaharap ang isang suliraning binibigay lamang sa mga nasa seniors na.
Pumasok sa aking isipan kamakailan na ito ay kahawig ng proseso ng pagiging alagad. Sa daan tungo sa pagiging alagad, ang Panginoon ang ating Guro. Marami tayong mga bagong bagay na natututunan habang tayo ay umuunlad sa daan. Hindi umaasa ang Panginoon na tayo ay matututo ng mga matataas na mga bagay kung hindi pa natin natututunan kung paano makarating sa sunod na baitang. Bilang perpektong Guro, alam Niya ang mga dapat nating matutunan at ano ang mga kaya nating gawin.
Isang halimbawa kung paano magturo ang Panginoon sa mga alagad ang umagaw sa aking pansin. Sa Markos 9 sinama Niya ang tatlo sa mga alagad sa itaas ng bundok at nagbagong-anyo sa kanilang harapan. Nakita nila ang isang bagay na walang iba pang nakakita. Nakita nila ang kaluwalhatian ng Panginoon at narinig nila ang tinig ng Ama na si Jesus ay Anak ng Diyos.
Alam ng mga alagad na si Jesus ay ang Kristo. Alam nila na mayroon silang buhay na walang hanggan sa Kaniya. Alam din nila na Kaniyang itatatag ang kaharian ng Diyos. Alam nilang sinugo Siya ng Ama. Kung sila ay ikukumpara nila sa isang klase sa algebra, masasabi nating tapos na nila ang Algebra 101.
Ngunit may mga bagay sila na hindi nalalaman. Kung baga sila ay nasa Algebra 201. Sa mas tiyak na pangungusap, sila ay nasa Discipleship 201. Bagama’t maraming bagay silang nalalaman, mas marami pa silang dapat matutunan upang maabot nila ang kaganapan ng pananampalataya. Sa puntong ito, hindi pa nila natatalastas na kailangan ni Jesus na magbata at mamatay at kung sila ay susunod sa Kaniya bilang alagad, kailangan din nilang magbata. Akala nila malapit na ang pagdating ng kaharian. At ang kanilang Nakita sa bundok ay isang patotoo sa kanilang mga isipan sa nalalapit na kaharian.
Tuturuan sila ng Panginoon ng mga katotohanang ito. Ngunit alam Niya na sa oras na iyon, wala pa silang sapat na kaalaman upang makaintindi. Malalagay sila sa malaking kamalian (at mabibigo nang labis) kung kanilang banggitin sa ibang mga alagad ang kanilang nakita sa bundok at ihayag na ito ay patotoo na patungo sila sa Jerusalem upang itatag ang kaharian!
Ito ang dahilan kung bakit binilinan sila ng Panginoon, “na huwag sabihin kanino man ang kanilang nakita” (Markos 9:9). Alam Niyang hindi nila nauunawaan, kaya binilin Niyang huwag ipahayag ang kanilang nakita habang hindi Siya nabubuhay na mag-uli mula sa mga patay. Kapag Siya ay nabuhay nang mag-uli mula sa mga patay saka lamang nila mauunawaan ang pagbabata at kamatayan ng Panginoon. Saka lamang nila mauunawaan na sila man ay magbabata rin. Kapag natutunan na nila ang mga bagay na ito, saka lamang nila mahahayag nang tumpak ang kanilang nakita sa bundok.
Sa tingin ko marami tayong matututunan ditto. Tayo ay nasa iba’t ibang antas pagdating sa pagiging alagad. Lahat ng manananampalataya ay natutunan na ang mga pangunahing aral. Ang iba ay patapos na sa Discipleship 101. Ang iba ay nasa Discipleship 201, ang ilan ay nasa Discipleship 301. Ngunit ang magandang balita ay nasa atin ang pinakamahusay na Guro sa sansinukob. Alam Niya kung nasaan tayo. Alam Niya kung ano ang dapat pa nating matutunan. Kung hahayaan natin Siyang turuan tayo sa pamamagitan ng Kaniyang Salita at Espiritu, ihahanda Niya tayo na harapin ano mang suliranin at pagsubok na darating sa buhay.