Maraming taon na ang nakalipas, sa seminaryo pinabasa sa amin ang Systematic Theology ni Lewis S. Chafer. Sa isang bahagi nito, nabanggit niya na kapag ang tao ay nanampalataya kay Jesu-Kristo siya ay tumanggap ng 33 pagpapala mula sa Panginoon. Nang tayo ay manampalataya, tumanggap tayo ng maraming bagay bukod pa sa buhay na walang hanggan.
Bilang isang pangkalahatang pagmamasid, ang puntong ito ay isa sa naghihiwalay sa Free Grace Theology mula sa ibang sistema ng pag-unawa ng Kasulatan. Karamihan sa Sangkakristiyanuhan ay tumitingin sa Bagong Tipan na tila ba ito ay may isa lamang pangunahing punto- Paano ang tao makaliligtas mula sa impiyerno?
Subalit ang Free Grace ay iba ang pananaw sa mga sitas na pinapalagay ng iba na tumatalakay sa kaligtasan mula sa impiyerno. Ang mga tagasunod ng Free Grace karaniwan ay may nakikitang ibang pagpapala mula sa Diyos sa mga sitas na ito. Maaaring ito ay tumutukoy sa walang hanggang gantimpala. Maraming mga pagpapala tayo na tinanggap mula sa Diyos bukod sa buhay na walang hanggan. Kasama sa mga pagpapalang ito ang katubusan mula sa kapangyarihan ng kasalanan, pagbautismo sa katawan ni Kristo, pagtanggap ng espiritwal na kaloob, at pagtanggap ng kapatawaran ng mga kasalanan.
Ito ay hindi isang munting isyu lamang. Kung hindi natin nakikita na ang Bagong Tipan ay hindi isang librong nakatuon lamang kung paano tayo maliligtas mula sa impiyerno, magkakamali tayo ng pagpapaliwanag nito. Bukod pa diyan maglilikha ito ng isa pang problema. Maaari tayong sumablay na makita ang mga pagpapala at mga pagkakataon na bahagi natin bilang mananampalataya kay Jesu-Kristo. Napakalaking pagpapala ang buhay na walang hanggan, ngunit marami pa tayong natanggap bukod dito.
Nang nakaraang taon, ang GES ay nagkaroon ng isang kumperensiya sa Aklat ng Efeso. Nagbigay linaw ang kumperensiyang ito sa ilang mga bagay. Sa Efeso 1:3-14, may binanggit si Pablo na mga pagpapala na tinanggap ng mga mananampalataya. Dahil sa ang mga sitas na ito ay nagungusap ng pagkatawag ng Diyos at kung paano tayo ay tinalaga nuon pa man, at kung paano tayo ay kinupkop bilang mga anak na lalaki, marami ang nag-aakala na si Pablo ay tumutukoy sa kaligtasan mula sa impiyerno. Subalit sa malapitang pagsusuri, makikitang si Pablo ay may ibang mga pagpapala na tinutukoy.
Ang unang pahiwatig ay nasa v. 3. Pinuri ni Pablo ang Diyos dahil kay Kristo tayo ay pinapala ng “bawa’t pagpapalang ukol sa espiritu.” Ang salitang “bawa’t” ay nagpapakita ng marami pang pagpapala bukod sa “pagtungo sa langit.” Kung maingat na babasahin ang bahaging ito ng epistula, makikita natin ang puntong ito. Nangungusap si Pablo kung paano tayong mga mananampalataya ay bahagi ng simbahan. Ang simbahan ay bahagi ng walang hanggang plano ng Diyos. Sa Kaniyang karunungan, itinalaga Niya nuon pa man ang mga Judio at mga Hentil na mananampalataya na maging bahagi ng iisang Katawan ni Kristo. Dahil sa tayo ay pinalaya na sa kapangyarihan ng kasalanan, tayo ay maaaring maglingkod sa Diyos sa banal at walang dungis na pamamaraan. Ang Simbahan ay maghaharing kasama ni Kristo sa Kaniyang kaharian kapag Kaniyang pinag-isa ang lahat ng bagay sa katapusan ng panahon. At ito rin ay nagpapahiwatig ng walang hanggang mga gantimpala.
Sa madaling salita, sa Efeso 1, si Pablo ay nagsasalita tungkol sa mga pagpapala ng isang mananampalataya bilang bahagi ng simbahan, ang Katawan ni Kristo. Nahihirapan akong aralin ang Efeso dahil mayroon akong gawi na masdan ang aking espiritwal na buhay sa isang indibiduwalistikong pananaw. Ang aking nais ipakita ay may mga pasahe na kailangan nating unawain na tumutukoy sa mga pagpapalang natanggap natin mula sa Diyos dahil sa pakikipag-isa natin sa ibang mga mananampalataya.
Hinihikayat ko ang mga mambabasa ng blog na ito na basahin ang Aklat ng Efeso sa liwanag na ito. Maaaring hindi tayo magkasundo ng kaisipan. Ngunit ganuon pa man, kailangan nating kilalanin na minsan iniisip natin na ang Bagong Tipan ay tumutukoy kung paano tayo maliligtas mula sa impiyerno sa halip na tumutukoy sa mga pagpapalang nasa atin kay Kristo. Ayon kay Lewis S. Chafer, mayroong 33 pagpapala ang mananampalataya. Hindi ko tiyak kung tama ang bilang na ito. Ang aking palagay ay higit pa riyan ang kabuuang bilang ng ating mga pagpapala. Ngunit isang bagay ang aking nalalaman. Kung ating maingat na susuriin ang mga ginawa ng Diyos para sa atin diyan kay Kristo gaya ng pinapahayag ng Bagong Tipan, magkakaroon tayo ng mas malawak na pagpapahalaga sa biyaya at kabaitan ng Diyos na Kaniyang binuhos sa atin Sa Kaniyang Anak. Ang 33 ay higit na maigi kaysa sa 1.