Sa LuKas 9:57–62, tatlong lalaki ang binigyang pagkakataong sumunod kay Cristo. Ang tatlong ito ay mananampalataya at ngayon ay makalalakad na sa Kaniyang yapak bilang mga alagad. Bagaman bawat isa ay may buhay na walang hanggan, wala kahit isa man sa tatlo ang nakakaunawa kung ano ang magiging halaga ng pagiging mag-aaral ng Panginoon at pagiging dakila sa Kaniyang kaharian.
Ang una at ikatlong lalaki ay lumapit sa Panginoon at sinabi sa Kaniyang na nais nilang sumunod sa Kaniya sa pagkaalagad. Iba ang pangalawang lalaki. Nilapitan Siya ni Cristo. Tinuro siya ng Panginoon at binigyan ng pribilehiyong mapalapit sa Kaniya. Nang sinabi Niyang, “Sumunod ka sa Akin” (v 59), naaalala nating sinabi ng Panginoon ang parehong mga salita kay Levi nang tawagin Niya ang maniningil ng buwis upang maging bahagi ng Kaniyang panloob na sirkulo (Lucas 5:27). Ang lalaking ito ay isang taong may pribilehiyo!
Hindi nauunawaan ng lalaki kung gaano siya kapribilehiyo. Sinabi niya sa Panginoong susundan niya Siya, ngunit kailangan muna niyang ilibing ang kaniyang ama. Buhay pa ang kaniyang ama, at gusto ng lalaking maghintay hanggang sa mamatay ang kaniyang ama para magampanan niya ang mga tungkulin ng isang tapat na anak na inaasahan sa kulturang iyon.
Ang problema ay ito ay isang natatanging panahon. Papunta ang Panginoon sa Jerusalem upang mamatay. Iniaalok niya ang kaharian sa bansang Israel. Mahalaga ang oras. Ito ang pangunahing dahilan kung bakit sinabi Niya sa lalaking “hayaan ang mga patay na maglibing [sa mga] patay.” Sinabi ng lalaking tatanggapin niya ang alok ng Panginoon, ngunit sa sarili niyang iskedyul. Maaaring isang taon o dalawa pa bago niya masundan ang Panginoon. Hindi niya alam na sa oras na iyon, namatay na, nabuhay na mag-uli, at umakyat na ang Panginoon, at nakaupo na sa kanan ng Ama.
Walang sinuman ngayon ang nagkaroon ng ganitong katawagan. Hindi personal na lumapit ang Panginoon sa sinuman sa atin at sinabihang sumunod sa Kaniya sa daan patungong Jerusalem. Hindi niya sinabi sa sinuman sa ating balewalain ang ating mga responsibilidad sa pamilya.
Minsan ang mga mangangaral at iba pang nasa ministri ay tinuturo ang isang talatang katulad nito kapag pinag-uusapan nila ang kanilang “katawagan.” Tulad ng lalaki sa Lukas 9:59, inaangkin nilang may espesyal silang katawagang sumunod sa Panginoon at ito ay wala sa ibang mananampalataya. Siyempre, hindi tulad ng lalaki, sinunod nila ang kanilang katawagan.
Lahat ng iyon ay walang kabuluhang pag-aangkin.
Ang katotohanan ay ang bawat mananampalataya ay tinawag ng Panginoon. Sinabi ng may-akda ng Hebreo sa kaniyang mga mambabasa na sila ay “banal na mga kapatid” at sila ay may “makalangit na pagtawag” (Heb 3:1). Ang pagtawag na iyon ay upang magharing kasama ni Cristo sa Kaniyang kaharian. Tumutugon sila sa panawagang iyon sa pamamagitan ng pananatiling tapat sa Kaniya sa gitna ng mga paghihirap na kanilang kinakaharap.
Sinabi rin ni Pedro ang kaparehong bagay. Sinabi niya sa kaniyang mga mambabasang gawing “tiyak ang kanilang pagkatawag at pagkahirang.” Sinabi niya sa kanilang lumago sa espirituwal upang magkaroon ng masaganang pagpasok sa kaharian ni Cristo (2 Pedro 1:5–11). Tinawag ng Panginoon ang bawat mananampalatayang maging dakila sa Kaniyang kaharian at lubos na magantimpalaan Niya.
Hindi personal na sinabi ng Panginoon sa sinuman sa ating iwanan ang magulang. Ang Kaniyang panlupang ministri sa Israel ay natatangi sa maraming paraan. Ngunit tinawag Niya tayo. Tinatawagan niya tayong maging tapat sa Kaniya sa kasalukuyang kalagayan natin. Tinatawagan Niya tayong maging dakila sa Kaniyang kaharian.
Sa ganitong paraan, tayo ay nahahawig sa lalaking nasa Lukas 9:59. Ang Panginoon, sa pamamagitan ng Kaniyang Salita, ay nagsasabing, “Sumunod ka sa Akin!”





