Datapuwa’t sa pamamagitan ng biyaya ng Dios, ako nga’y ako; at ang kaniyang biyaya na ibinigay sa akin ay hindi nawawalan ng kabuluhan; bagkus ako’y malabis na nagpagal kay sa kanilang lahat: bagaman hindi ako, kundi ang biyaya ng Dios na sumasa akin. (1 Cor 15:10).
Ako’y napako sa krus na kasama ni Cristo; at hindi na ako ang nabubuhay, kundi si Cristo ang nabubuhay sa akin: at ang buhay na ikinabubuhay ko ngayon sa laman ay ikinabubuhay ko sa pananampalataya, ang pananampalataya na ito’y sa Anak ng Dios, na sa akin ay umibig, at ibinigay ang kaniyang sarili dahil sa akin. (Gal 2:20).
Nakipagbaka ako ng mabuting pakikipagbaka, natapos ko na ang aking takbo, iningatan ko ang pananampalataya:Buhat ngayon ay natataan sa akin ang putong na katuwiran, na ibibigay sa akin ng Panginoon na tapat na hukom sa araw na yaon; at hindi lamang sa akin, kundi sa lahat din naman ng mga naghahangad sa kaniyang pagpapakita. (2 Tim 4:7–8).
Ang magsasaka na nagpapagal ay siyang kailangang unang makabahagi sa mga bunga. (2 Tim 2:6).
Hindi baga ninyo nalalaman na ang mga nagsisitakbo sa takbuhan ay tumatakbong lahat, nguni’t iisa lamang ang tumatanggap ng ganting-pala? Magsitakbo kayo ng gayon; upang magsipagtamo kayo. At ang bawa’t tao na nakikipaglaban sa mga palaruan ay mapagpigil sa lahat ng mga bagay. Ginagawa nga nila ito upang magsipagtamo ng isang putong na may pagkasira; nguni’t tayo’y niyaong walang pagkasira. Ako nga’y tumatakbo sa ganitong paraan, na hindi gaya ng nagsasapalaran; sa ganito rin ako’y sumusuntok, na hindi gaya ng sumusuntok sa hangin: Nguni’t hinahampas ko ang aking katawan, at aking sinusupil: baka sakaling sa anomang paraan, pagkapangaral ko sa iba, ay ako rin ay itakuwil. (1 Cor 9:24–27).
Kung tayo’y mangagtiis, ay mangaghahari naman tayong kasama niya: kung ating ikaila siya, ay ikakaila naman niya tayo (2 Tim 2:12).
Marami na akong nabasang akda ng mga tao mula sa mas malaking komunidad ng Free Grace na may pananaw na Keswick, o ipinalit na buhay. Ang isyu ng biyaya at gawa ay isang laganap na paksa sa teolohiyang Keswick.
Si Dr. Charles Ryrie ay sumulat ng isang aklat na pinamagatang Balancing the Christian Life. Mahalaga ang balanse sa buhay Cristiano, at lalo na kapag nakikibaka tayo sa biyaya ng Diyos at sa mga gawa na nais Niyang gawin natin.
Bago magpatuloy sa pagbabasa, tingnan ang mga sitas na binanggit sa itaas at tingnan kung makikita mo ang pangangailangan ng balanse sa tanong na ito.
Kung babasahin lamang ang unang dalawang teksto, nang walang anumang ibang Kasulatan, maaari nating isipinng ang buhay Cristiano ay ganap na pasibo. Kinuha lang ni Cristo ang buhay ni Pablo. Maaari nating isiping ginawa Niya iyon para sa mga apostol lamang. O baka ginagawa Niya iyan para sa lahat ng mananampalataya.
Pero paano kung basahin mo ang huling apat na teksto ni Pablo? Iisipin mong bawat mananampalataya, kasama na ang mga apostol, ay kailangang magsikap, at hindi tiyak ang tagumpay sa buhay Kristiyano.i
Ang susi ay ang pagbalanse sa dalawang katotohanan.
Totoong binibigyang kapangyarihan ng Diyos ang mga mananampalatayang mamuhay ng maka-Diyos na pamumuhay. Sa pamamagitan lamang ng Kaniyang mabuting paglingap—samakatuwid, ng Kaniyang biyaya—tayo makalulugod sa Kaniya. Ngunit bagaman sapat ang Kaniyang biyaya, kailangang samahan ito ng ating pagsisikap. Gumagamit si Pablo ng mga metapora mula sa palaro, militar, at pagsasaka. Kailangan nating lumaban, tumakbo, magsikap, at magtiis upang mapili ni Cristo sa Bemang mamuno kasama Niya magpakailanman.
Lahat ng mananampalataya ay mapupunta sa kaharian (Juan 3:16). Ngunit tanging ang mga mananampalatayang nagtagumpay at nagwagi lamang ang maghaharing kasama Niya magpakailanman.
Kung sa tingin natin ay maisabubuhay natin ang buhay Cristiano nang hiwalay sa kapangyarihan ng Diyos, malapit tayo sa pagkahulog espirituwal. Pero kung iniisip nating ang Diyos ang mamumuhay ng Cristianong buhay para sa atin at kailangan lang nating bumitaw at huwag magsumikap, papunta tayo sa ibang uri ng espirituwal na pagkahulog.
Sa halip na “Huwag mo nang subukan, umasa ka na lang,” isipin mo: “Subukan mo habang umaasa ka.” Sa halip na “Hayaan mo na lang ang Diyos,” isipin mo: “Gawin mo at kumilos ka, at ang Diyos ay kasama mo sa bawat hakbang.”
Panatilihin ang biyaya bilang pokus at ang iyong Cristianong pamumuhay ay magiging balanse at kalugud-lugod sa Diyos.


