Nag-aral ako sa isang akademiyang militar para sa aking edukasyong kolehiyo. Gaya ng inyong inaasahan, marami kaming patakaran. Isang patakaran ay hindi kami maaaring pumasok sa mga tunel na nasa ilalim ng mga gusali ng kampus.
Narinig namin ang mga kwento tungkol sa mga tunel na ito. May mga silid daw sa kanilang may iba’t ibang uri ng mga bagay. Isa sa aming mga kaklase ang namatay sa isang aksidente sa glider, at ang mga labi ng glider ay sinasabing nasa mga tunel. Sinasabing lahat ng uri ng lihim ay nasa ilalim ng aming mga paa.
Maraming pinto patungo sa mga tunel na ito, at lahat ng mga ito ay nakakandado. Sinabihan kaming kung sinuman sa amin ang mahuling nasa mga tunel, mapapalayas kami sa paaralan.
Hindi ko alam kung totoo ang alinman sa mga narinig namin. Pero alam ko ang isang bagay. Bababain ko ang mga tunel na iyon.
Kasama ang tatlo pang kadete, nakakita kami ng pintong madaling buksan ang kandado. Sa kalagitnaan ng isang gabi, iniwan namin ang aming mga kuwarto at binuksan ito. Nakapasok kami sa mga tunel. Maraming silid na maaaring imbestigahan. Inabot kami ng tatlong gabing hindi natulog at naglakad sa ilalim ng kampus para matugunan ang aming kuryosidad. Talagang nakakadismaya. Hindi namin nakita ang bumagsak na glider. Nakahanap lang namin ng maraming kagamitang intramural at mga karaniwang kagamitang militar.
Kung nahuli kami, sigurado akong hindi kami palalayasin ng pamunuan ng akademiya. Pagtatawanan lang nila kung gaano kami kahangal na dumaan sa lahat ng hirap dahil lamang sa ipinagbabawal ito. Sigurado akong hindi ako magsusumikap na bumaba sa ilalim ng lupa kung hindi nila sinabi sa akin na hindi ko kaya. Para hindi ako pumasok sa mga tunel, kailangan lang nilang maglagay ng tandang neon sa mga pintong papasukan at may ganitong mga salita: “Sinumang gustong pumasok sa mga pintong ito ay maaaring gawin ito. Hindi nakakandado ang mga pinto.”
Hindi ako nag-iisa sa ganitong pag-iisip. Inilarawan ni Pablo kung paanong ang isang utos ay maaaring magbangon sa atin ng lahat ng uri ng masasamang pagnanasa (Rom 7:8). Sa pagtalakay ng Kautusan ni Moises, sinabi ni Pablong ang isang utos tulad ng “huwag kang mag-iimbot,” ay maaaring magpasigla at maglabas “mula sa kanya ng mga makasalanang pagnanasang likas sa kaniyang makasalanang kalikasan” (Zane Hodges, “Romans,” GNTC, p. 322).
Sa maraming kaso, ito ay dahil sa ating pagmamataas. Alam kong ganito sa kaso ko. Nang sabihan akong hindi ako makapapasok sa mga saradong pintuang iyon, handa akong mamatay sa pagtatangkang makaraan doon. Sino ba sila sa pag-aakala ng mga nasa pamunuang militar para sabihin sa aking hindi ko maaaring makita ang anumang nasa dalawampung talampakan sa ilalim ng aking mga paa? Ano ang itinago nila sa akin? Bakit nila alam kung ano ang nasa mga tunel na iyon, at ako hindi?
Alam kong mas masama ako sa aspetong ito kaysa 99% ng ibang tao. Karamihan sa mga tao ay mas matalino kaysa sa akin. Pero sinasabi ni Pablong lahat tayo ay may ganitong problema. Ang ating laman ay hindi tumutugon nang maayos sa mga utos. Ito ang isang dahilan kung bakit hindi makalilikha ng kabanalan ang isang listahan ng mga utos. Tawagin mo itong likas nating pagkahulog, o anumang pangalang gusto mong ibigay dito, pero hindi natin kayang sundin ang Diyos sa sarili nating lakas. Naghihimagsik tayo laban sa sinabi Niya.
Sa halip, dapat tayong magbago sa panloob na pagkatao sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos (Rom 7:22; 12:1-2; 2 Cor 4:16). Dapat mamuhay Siya sa atin. Iyan lang ang paraan para mapasiya natin ang Panginoon.
Noong 19 taong gulang ako, nahirapan akong sundin ang mga utos. May karapatan ang mga awtoridad sa akademiyang sabihan akong huwag pumasok sa mga tunel na iyon. Dapat sana’y sumunod ako. Sana, mas matalino na ako ngayon, at mas maturong espirituwal. Paano ako tutugon ngayon sa parehong sitwasyon? Nawa ay hilingin ko sa Panginoong bigyan ako ng karunungan at lakas upang sumunod. Pero hindi ako nakatitiyak.


