Ang paksa para sa aming taunang kumperensiya ngayong Mayo 19-22 ay “Dispensasyonalismo at mga Walang Hanggang Gantimpala.” Maraming tao ang hindi nakakaalam kung ano ang dispensasyonalismo.
Ang salitang dispensasyon ay masusumpungan sa ilang saling Ingles (KJV, NKJV, ASV, JUB, TMB, YLT, Wycliffe) sa apat na sitas sa BT (1 Cor 9:17; Eph 1:10; 3:2; Col 1:25). Sa ibang salin ng mga sitas na ito ang mababasa ay plano (NASB, RSV, NRSV, ESV, GNT) o administrasyon (HCSB, NET, LEB, WEB).
Ang salitang dispensasyon ay nangangahulugang “isang sistema ng hayag na mga utos at mga pangakong gumagabay sa buhay ng tao” (merriam-webster.com). Sinasalin nito ang salitang Griyegong oikonomia, na nangangahulugang “pagkakatiwala o pangangasiwa ng isang sambahayan” (BDAG).
Nilalapitan ng dispensasyonalismo ang Biblia sa pananaw na samantalang mayroon lamang isang paraan upang maipanganak na muli- sa pamamagitan ng pananampalataya lamang sa Mesiyas- ang mga utos ng Diyos ay nagbabago at magbabago sa iba’t ibang dispensasyon o administrasyon.
Ang dispensasyonalismo ay may malapit na kaugnayan sa Free Grace Theology. Karamihan sa mga nanghahawak sa posisyung Free Grace ay mga dispensasyonalista, kahit hindi nila ito natatanto. Karamihan sa mga nanghahawak sa Lordship salvation at mga gawa ay hindi.
Tinawag ni Dr. Charles Ryrie ang pagkakaiba sa pagitan ng Israel at ng simbahan bilang sine qua non ng dispensasyonalismo. Sa madaling salita, ito ang puso ng sistemang ito ng kaisipan. Hindi ka maaaring maging dispensasyonalista kung naniniwala kang pinalitan ng simbahan ang Israel at ninakaw ang mga pangako sa Israel.
Sa pananaw na ito, ang Israel ay isang hiwalay na grupo sa walang hanggang paghahari ni Cristo. Ang simbahan ay magiging Katawan ni Cristo at ang Israel ay magiging piniling bayan ng Diyos. Mayroon ding ikatlong grupong tinatawag na mga bansa. Tingnan ang 1 Cor 10:32.
Ang simbahan sa bagong mundo ay bubuuin ng lahat ng mananampalataya mula sa Pentekoste ng AD 33 hanggang sa panahon ng Rapturo. Pagkatapos ng Rapturo, ang bilang ng mga tao sa simbahan ay hindi na magbabago dahil ang mga niluwalhating banal ay hindi na manganganak.
Ang mga tinubos na Israel sa bagong mundo ay binubuo ng lahat ng mga mananampalatayang Judiong namatay bago ang Pentekoste ng AD 33 o nakarating sa pananampalataya noong Tribulasyon o sa Milenyo. Ang bansang Israel ay biglaang dadami- gaya ng mga bilang ng bituin sa kalangitan- sa Milenyo dahil mayroong mga mananampalataya at mga batang hindi pa nakaabot sa edad ng pananagutang makaliligtas sa Tribulasyon at papasok sa Milenyo sa natural na katawan.1 Malamang na ang bansa ay aabot sa bilyon o sasampuing bilyon sa katapusan nito.
Ang mga bansa sa bagong mundo ay bubuuin ng lahat ng mga Gentil na mananampalatayang namatay bago ang AD 33 o nakarating sa pananampalataya sa Tribulasyon o sa Milenyo. Ang mga bansa ay lalago nang husto sa Milenyo dahil mayroon ding mga Gentil na mananampalataya at mga batang papasok sa Milenyo sa natural na mga katawan.
Isa pang kaibahan ng dispensasyonalismo ay ang literal na hermeneutika. Ang salitang hermeneutika ay nangangahulugang “metodo ng interpretasyon.” Ang Biblikal na hermeneutika, samakatuwid, ay isang metodo ng pag-interpreta ng Biblia.
Ang dispensasyonalistang si Dr. David L. Cooper (1886-1965), nagtatag ng The Biblical Research Society, ay bantog na nagsabing:
Kapag ang payak na kahulugan ng Kasulatan ay naaayon sa sentido kumon, huwag nang humanap ng iba bang diwa; samakatuwid, kunin ang bawat salita sa kaniyang pangunahin, ordinaryo, malimit, at literal na kahulugan malibang ang dagliang konteksto, na inaral sa liwanag ng kaugnay na mga pasahe at mga katotohanang aksiyomatiko at pundamental, ay iba ang malinaw na pinahahayag.
Samantalang lahat ng sistema ng teolohiya ay mag-aangking sang-ayon sa pahayag na ito, iba ang pinakikita ng katotohanan. Isang halimbawa ay kung paano nauunawaan ng mga hindi dispensasyonalista ang mga pasaheng nagtuturo ng Rapturo, ng Tribulasyon, at ng literal na isanlibong taong paghahari ni Cristo. Isa pa ay kung paano nila ipaliwanag ang mga aklat ni Daniel at ng Pahayag.
Sa ikalawang bahagi, titingnan natin kung paano ang mga utos ng Diyos ay nagbago at patuloy na magbabago mula sa isang dispensasyon patungo sa susunod.
Manatiling nakapokus sa biyaya sa pamamagitan ng pagmasid ng mga pagbabagong dispensasyunal na malinaw sa Salita ng Diyos.
__________
1. Naniniwala si Zane Hodges na tanging mga hindi nakaabot sa edad ng pananagutan, mapa-Judio man o Gentil, ang papasok sa natural na katawan sapagkat sinabi ni Pablong “Ang laman at ang dugo ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos” (1 Cor 15:50). Ang pagmana ng kaharian ay paghahari rito, hindi lamang pagpasok. Ang mga tao sa natural na katawan ay hindi makapaghaharing kasama ni Cristo sa buhay na darating. Ngunit sinabi ng Panginoon sa mga nanampalatayang Gentil na nakaligtas sa Tribulasyon, “Halika kayong mga pinagpala ng Aking Ama, manahin ang kahariang hinanda para sa inyo…” (Mat 25:34). Tingnan din ang Mat 19:14.


