Madalas kong marinig si Dr. R. (Dr. Earl Radmacher) na sinasabing, “Ang buhay na ito ay oras ng pagsasanay para sa oras ng paghahari.” Sa sandaling manampalataya tayo kay Jesus para sa buhay na walang hanggan, tayo ay may walang hanggang kasiguruhan. Ang isyu ngayon ay ang kapunuan ng ating buhay ngayon at magpakailan man. Tayo ba ay maghaharing kasama Niya sa buhay na darating? Ginagamit ng Diyos ang lahat ng mga pangyayari sa ating buhay, ang kabutihan at ang mga paghihirap, upang sanayin tayo.
Si Jose, na anak ni Jacob ay isang halimbawa sa LT nang sinasabi ni Dr. R. Labimpitung taong gulang nang siya ay ipagkanulo ng kaniyang mga kapatid at ipagbili sa pagkaalipin (Gen 37:2). Nasa isang taon siyang alipin sa bahay ni Potifar at mga labindalawang taon bilang bilanggo sa piitan para sa isang kasalanang hindi niya ginawa. Siya ay tatlumpong taon nang sa wakas ay makalabas sa piitan (Gen 41:46).
Sa pamamagitan ng dalawang panaginip, ipinangako ng Diyos kay Jose na siya ay maghahari. Ang pangakong ito ay natupad. Umangat si Jose sa napakalaking kapangyarihan, bilang punong ministro ng pinakamakapangyarihang bansa sa daigdig.
Ang karanasan ni Jose ay may malaking pagkakapareho sa ating karanasan at sa Rapture. Alam niyang siya ay lalaya sa piitan. Ngunit kailan? Hindi niya inisip na aabutin siya ng isang dekada sa piitan. At pagkatapos ng sampung taon, nang kaniyang ipaliwanag nang tama ang panaginip ng pangunahing katiwala ng saro ni Faraon, inisip niyang makalalaya siya sa linggong iyan. Ngunit naghintay pa siya ng dalawang karagdagang taon.
Alam niyang maghahari siya sa buhay na ito. Hindi niya alam kung kailan ito magsisimula.
Interesanteng alam ng Labing-isa, kasama si Matias, na sila ay maghahari sa kaharian ni Jesus (Mat 19:28). Sila lamang ang tanging mananampalataya sa panahon ng simbahan na nakasisigurong makatitiis hanggang sa katapusan ng kanilang mga buhay. Nakikita ninyo, tanging ang mga nakibaka nang mahusay na pakikipagbaka, ang nakatapos ng karera, at ang nakapag-ingat ng pananampalataya, ang maghahari. Kahit ang apostol Pablo ay walang katiyakan nito hanggang sa huling sandali ng kaniyang pagkamartiro (ikumpara ang 1 Cor 9:27 at 2 Tim 4:6-8).
Maraming parabulang tinuro ang Panginoon tungkol sa pangangailangan ng pagtitiis upang magharing kasama Niya, kabilang na ang Parabula ng Matuwid at Masamang Lingkod (Mat 24:45-51), ang Parabula ng Sampung Birhen (Mat 25:1-3), ang Parabula ng Mga Mina (Lukas 19:11-26), ang Parabula ng Apat ng Uri ng Lupa ((Lukas 8:4-15), at ang Parabula ng Piging sa Kasalan (Mat 22:1-14). Ang Kaniyang pitong sulat sa pitong iglesia sa Pahayag 2-3 ay nananawagan sa lahat na magtiis upang ang mga mambabasang nanampalataya ay magharing kasama Niya (hal., Pah 3:21).i
Namumuhay tayo sa isang makasalanan at hulog na mundo. Hindi pagkakataon lamang na ang isa sa mga pasahe tungkol sa Hukuman ni Cristo, 2 Cor 5:9-11, ay bahagi ng kontekstong patungkol sa ating paghibik sa mga katawang mortal na ito (2 Cor 5:2, 4) habang hinihintay natin ang ating maluwalhating katawan (2 Cor 5:1-8).
Kailangan nating ipokus ang ating mga mata sa pangako ng Diyos kung tayo ay magtitiis sa pananampalataya. “Kung tayo’y mangagtiis, ay mangaghahari naman tayong kasama Niya” (2 Tim 2:12).
Nawa’y nais ninyong marinig Siyang magsabi, “Mabuting gawa, ikaw na mabuting alipin: sapagka’t nagtapat ka sa kakaunti, magkaroon ka ng kapamahalaan sa sangpung bayan” (Lukas 19:17). Ang pagkakaroon ng Kaniyang aprubal sa Bema ay isang napakagandang gantimpala. Ngunit ito ay may kasamang kayamanan, paghahari, at iba pang mga gantimpala sa pagtitiis na tatanggapin ng mga maghahari (hal., ang karapatang kumain ng bunga ng puno ng buhay, ang natatagong manna, ang espesyal na damit na puti, ang batong may nakaukit na espesyal na pangalan).
Manatiling nakapokus sa biyaya.
____________
1 Iminungkahi ni Zane Hodges na ang Pah 3:21, “Ang magtagumpay, ay aking pagkakaloobang umupong kasama ko sa aking luklukan, gaya ko naman na nagtagumpay, at umupong kasama ng aking Ama sa kaniyang luklukan,” ay nakadirekta hindi lamang sa mga taga-Laodicea (Pah 3:14-20) kundi pambuod na pahayag sa pitong iglesia. Siyempre, ang mga kaparehong pahayag ay masusumpungan sa nakaraang anim na sulat (Pah 2:7, 10, 17, 26; 3:5, 11-12).