Lahat ng mga tradisyong Cristiano ay may mga pagkakapareho sa paniniwala ngunit mayroong malaking pagkakahati sa pinakamahalagang isyu: Ano ang ibig sabihin ng pananampalataya kay Jesucristo?
Maraming iba’t ibang paraan ang iba’t ibang tradisyon sa pag-unawa ng ang sinumang manampalataya sa Kaniya. Ngunit karamihan ay nagtatapos sa pananampalataya kay Cristo bilang isang uri ng mabuting gawa o ng pagtatalaga ng sarili sa paggawa ng mabuti.
Karamihan sa mga tradisyon ay nagsasabing ang pananampalataya kay Cristo ay hindi lamang pagkakumbinse ng pangako Niya sa mananampalataya, kundi repormasyong moral, kabilang ang ilan o lahat ng sumusunod:
- Pagtalikod sa mga kasalanan
- Pagsuko kay Cristo
- Pagtalaga ng buhay kay Cristo
- Pagsimulang sumunod kay Cristo
- Pagpabautismo
Sa kaniyang aklat na Faith Works, dinepina ni Dr. John MacArthur ang nagliligtas na pananampalataya sa ganitong paraan:
Ang evangelio… ay hindi panawagan para sa desisyon lamang ng isipan, kundi [pati] ng pagsuko ng puso, isip at kalooban- ang buong pagkatao- kay Cristo… Lahat ng makasalanan… ay kailangang harapin ang hinihingi ng Diyos na tumalikod sa kanilang kasalanan upang yakapin si Cristo bilang Panginoon at Tagapagligtas (pp. 194-95).
Pansining para kay MacArthur, mayroong dapat sampalatayahan. Ngunit higit pa diyan. Ang nagliligtas na pananampalataya para sa kaniya ay, una sa lahat, ganap na pagsuko, pagtalikod sa mga kasalanan, at pagyakap kay Jesus bilang Panginoon at Tagapagligtas.
Sumulat si Curtis Crenshaw ng isang aklat na may pamagat na Lordship Salvation: The Only Kind There Is! Sa aklat na ito, kaniyang sinulat:
Ang taong nag-aangking kilala niya si Cristo bilang Tagapagligtas ngunit hindi yumuyuko sa Kaniya bilang Panginoon ay nililinlang ang sarili. Mayroon siyang pananampalatayang sinabi ni Santiago na taglay ng mga demonyo (2:14ss), na isang pagkaalam sa Kaniya na walang pagsunod. Ang mga propesor na ito- at iyan lamang sila- ay nililinlang ang kanilang mga sarili patungong impiyerno. Ang tunay na pananampalataya ay nangangailangang ihayag ang sarili sa pagsunod; kung hindi, ito ay isa lamang pantakip, kasinlalim lamang ng balat, isang pakitang panlabas. Ang makasalanan ay nagtitiwala sa buong Cristo nang buong kaluluwa, isipan, kalooban at apektasiyon (p. 59).
Kung hindi tama ang pagkaunawa ng isang tao sa kung ano ang ibig sabihin ng manampalataya kay Jesus, hindi niya matitiyak kung siya ay may buhay na walang hanggan. Ang Juan 3:16 ay isang misteryo kung ang ibig sabihin ng manampalataya ka Cristo ay isang misteryo.
Maraming tao sa Sangkakritiyanuhan ang gusto talaga ang katapusang ito. Naniniwala silang ang katiyakan ng kaligtasan ng isang tao ay naghihikayat ng makasalanang pamumuhay. Gaya ng sinabi ng isa sa mga teologo ng dokumentaryong Once Saved, Always Saved?, ang inseguridad ay nagpapanatili sa mga tao sa daang “matuwid at makipot.”
Ang pagkaunawa ng ibig sabihin ng pananampalataya kay Jesus ay mahalaga sa ating kaligtasan at sanktipikasyon.
Hindi ka maaaring maipanganak na muli nang hindi nanampalataya kay Jesus, at hindi ka makasasampalataya kay Jesus malibang alam mo ang ibig sabihin nito.
Hindi ka maaaring maging sakdal na mananampalataya malibang tiyak ka sa iyong kaligtasan, at hindi ka makatitiyak malibang alam mo ang ibig sabihin ng manampalataya kay Jesus.
Ang konsepto ng pananampalataya kay Jesus ay ang tinatawag ni Pablo (1 Cor 3:1-3) at ng may-akda ng Hebreo (Heb 5:12-14) na gatas ng Salita, isa sa mga payak na katotohanan ng Kasulatan. Ngunit ang pananampalataya kay Jesus ay naging isa sa pinakamahirap, kumplikadong paksa para sa karamihan ng mga nagsasabing nanampalataya ngayon. Ito ay isang trahedya. Ang Juan 3:16 ay ginawang mahirap unawain.
Kailangan nating malaman kung ano ang ibig sabihin ng manampalataya kay Jesus, at kailangan nating ibahagi ang mensaheng iyan sa lahat ng handang makinig. Ang pagkaunawa ng ibig sabihin ng manampalataya kay Jesus ay mahalaga sa ating kaligtasan at sanktipikasyon.