Ito ay isang larawang nag-uumapaw ng pag-ibig at debosyon. Madaling makita kung bakit ang larawang ito ay nanalo ng Gantimpalang Pulitzer noong 1973. Bumalik si Bob Stirm, isang piloto ng Hukbong Himpapawid, sa Estados Unidos matapos ang lima’t may kalahating taong bilanggo ng digmaan sa Hilagang Vietnam. Ang mga taong ito ay puno ng tortyur at depribasyon. Ang kaisipang siya ay muling makababalik kasama ng kaniyang pamilya ang nagbigay sa kaniya ng lakas sa mahirap na panahong ito.
Nahuli ng larawan ang sandali ng pagkakasamang muli ng pamilya sa tarmak ng isang Paliparan. Si Bob ay nakaunat ang kamay upang yakapin ang kaniyang panganay na anak na babae, na tumatakbong palapit sa kaniyang nakabukas ang mga kamay. Ang tatlo pa niyang ibang anak ay tumatakbo rin palapit sa kaniya, kasama ang kaniyang asawang si Loretta. Lahat ay nakangiti at may ekspresiyon ng kasiyahan sa kanilang mga mukha. Imposibleng tingnan ang larawan at hindi maging emosyonal.
Mayroon lamang isang problema. Para kay Loretta ito ay isa lamang palabas.
Mga isang taon matapos mahuli ni Bob, nagkaroon siya ng ibang ugnayang romantiko sa ibang mga lalaki. Ilang araw bago ang pagtatagpo sa tarmak, sinabihan si Bob na gusto niya ng diborsiyo.
Hindi ko alam kung bakit gusto niya ng diborsiyo. Marahil talusira si Bob bago ang kaniyang pagkadakip. Marahil isa siyang walang kwentang asawa. Marahil inisip niyang hindi na siya makababalik mula sa Hilagang Vietnam- o marahil mamamatay doon- at kailangan niyang magpatuloy sa buhay. Marahil ayaw na niyang maghintay, na hindi niya alam kung gaano katagal ang paghihintay. Nauunawaan ko ang mga dahilang ito.
Hindi ko rin alam kung bakit siya tumakbo sa pagsalubong sa tarmak na may ngiti sa labi. Marahil inutusan siya ng Pentagon na gawin ito upang mapagaan ang pakiramdam ng bansa matapos ang mahabang digmaan sa Vietnam. Marahil gusto niya lang gawin ang personal niyang tinuturing na gawaing makabayan. Marahil ayaw niyang ipahiya si Bob sa harap ng pambansang entablado. Marahil pakiramdam niya utang niya ito kay Bob at masaya siya na siya ay nakauwi na kahit ibang lalako ang gusto niyang makasama. Marahil siya ay egotistikal at nais niyang makita ang kaniyang larawan sa New York Times.
Anuman ang kaniyang dahilan sa pagnanais ng diborsiyo o sa presensiya niya nang araw na iyon, hinihiling ko sanang hindi siya tumakbo sa tarmak upang salubungin si Bob. Pakiramdam ko pinaglaruan niya ako- at ang buong Amerika- bilang mga hangal. Pinaglaruan niya ang mga tali ng ating puso. Binigyan niya tayo ng impresyong siya ay mapagmahal na asawa at siya at si Bob ay mabubuhay nang masaya magpakailan man. Ito ay isang kasinungalingan. Ito ay palabas lamang. Ito ay isang larawan lamang.
Aaminin ko, na bagamat ito ay hindi espirituwal, nagagalit ako kapag nakikita ko ang larawan. Ganito ang aking pakiramdam kahit hindi ko naman kilala si Bob o si Loretta Stirm. Nakikita ko si Loretta bilang isang ipokrito na ginawa ang milyong-milyong mga tao, kabilang na ako, na mga hangal.
Sinabi ni Juan na maaari ring gawin ng mga mananampalataya ang kaparehong bagay. Ang totoo, madalas nating gawin ito. Maaari tayong magpalabas, umaaktong umiibig sa iba kahit hindi naman. Sinulat niya, “Mumunti kong mga anak, huwag tayong magsiibig ng salita, ni ng dila man; kundi ng gawa at katotohanan” (1 Juan 3:18). Nais ni Juan na mahalin ng kaniyang mga Cristianong mambabasa ang bawat isa, at hindi ang magpalabas lamang.
Pagdating sa pagmamahal sa kapwa mananampalataya, madali ang maging kagaya ni Loretta sa larawan. Maaari nating ipagsigawan kung gaano natin sila kamahal. Maaari tayong magsiawit ng mga awitin tungkol sa pag-ibig na ito. Maaari natin silang makasama sa simbahan kada Linggo. Sa harap ng sanlibutan, maaari tayong kumilos na isang masayang pamilya.
Maaari nating gawin lahat ng mga ito ngunit hindi natin sila iniibig. Maaaring magselos tayo sa kanila at hindi naisin ang pinakamabuti para sa kanila. Maaaring wala tayong pakialam kung sila ay nahaharap sa huwad na doktrina o kung kumusta ang kanilang espirituwal na kalagayan. Maaari tayong makahanap ng maraming dahilan kung bakit ganito ang ating pakiramdam.
Ngunit kung mahal natin ang ating mga kapwa mananampalataya, gusto natin silang paglingkuran. Gusto nating maging kawangis sila ni Cristo. Kung sila ay may pisikal na pangangailangan, pupunan natin ang mga ito. Ang lahat ng mga ito ay mahirap gawin. Kailangan nating hingin sa Espiritu na bigyan tayo ng lakas upang umibig “sa gawa” at hindi ang magpalabas lamang.
Kung kayo ay kagaya ko na nagagalit kapag nakikita ang larawang ito na nagwagi ng Gantimpalang Pulitzer noong 1973, ito ay dapat maging babala sa atin. Maaari tayong maging kagaya ng asawang babae sa larawan. Maaari tayong kumilos na tila mapagmahal sa mga tao sa ating paligid. Maaari nating linlangin ang iba sa pag-iisip na ito ang kalagayan. Nalinlang ni Loretta ang milyong mga tao. Ngunit hindi natin malilinlang ang Panginoon.