Isang apelang evangelistiko ang nagtatanong, “Handa ka na bang tanggapin si Cristo bilang iyong Tagapagligtas?” Ang isa naman ay nagtatanong, “Gusto mo bang tanggapin si Cristo bilang iyong personal na Tagapagligtas?”
Nagtataka ka ba kung ano ang ibig sabihin ng mga tao kapag nababanggit si Jesus bilang Tagapagligtas o bilang aking personal na Tagapagligtas?
Minsan narinig ko si Zane Hodges na tinalakay ang pagtanggap kay Cristo bilang personal na Tagapagligtas. Sinabi niyang ang Panginoong Jesus ay hindi personal na Tagapagligtas ng sinumang tao. Siya ang “Tagapagligtas ng sanlibutan” (Juan 14:22). Siya ang Tagapagligtas ng lahat. Siya ang Tagapagligtas kahit ng mga gugugol ng eternidad sa Lawa ng Apoy (cf. 2 Ped 2:1; 1 Juan 2:2).
Sa pamamagitan ng Kaniyang dugong nabuhos sa Krus, ginawa ni Jesus na posible sa lahat na maligtas. Siya ang daan, ang katotohanan, at ang buhay, kahit sa mga nagtakwil sa Kaniya.
Sinabi ni Pablo, “Sapagka’t dahil dito ay nagsisipagpagal kami at nagsisipagsikap, sapagka’t may pagasa kami sa Dios na buhay, na siyang Tagapagligtas sa lahat ng mga tao, lalong lalo na sa mga nagsisisampalataya.” (1 Tim 4:10).i Ang komento ni Thompson, “Tinawag ni Pablo ang Diyos na ‘Tagapagligtas ng lahat ng tao’ dahil gusto Niyang lahat ng tao ay makaranas ng kaligtasan. Ang katotohanang mas marami ang hindi ligtas ay hindi dahil sa kahinaan o walang bisa ng dibinong pagnanais kundi sa matigas na paglaban ng kalooban ng tao (tingnan ang Mat 23:37)” (1, 2 Timothy, Titus, p. 136). Dinagdag ni Litfin, “Hinayag ni Pablo na ang Diyos na Tagapagligtas ng ‘lahat ng tao’ (cf 2:2, 4, 6) dahil nais Niyang lahat ay maligtas, at ibinigay Niya si Cristo bilang pantubos (2:6) upang maging posible ang kaligtasang iyan. Ngunit ang Diyos ang Tagapagligtas ng lahat ng nanampalataya sa isang espesyal na paraan dahil tanging sa kanila lamang nagkabunga ang Kaniyang pagnanais ng kanilang kaligtasan” (“1 Timothy” sa The Bible Knowledge Commentary, p. 740).
Sa kaniyang unang epistula, inulit ni Juan ang sinabi ng mga Samaritano sa Juan 4:42: “At nakita natin at sinasaksihan na sinugo ng Ama ang Anak upang maging Tagapagligtas ng sanglibutan.” (1 Juan 4:14).
Nabasa ko ang isang interesanteng artikulo ni Gerald Bray tungkol sa “Recent Trends in Christology” (tingnan dito). Ang linyang ito ay umagaw sa aking atensiyon:
Madalas, ang pinakasinasabi ay si Cristo ang ating ‘tagapagpalaya,’ isang terminong madalas na nauunawaan bilang indibidwal na karanasang emosyonal at sikolohikal, bagamat, ito ay ginagamit din sa sosyal at pulitikal na kalayaan sa konteksto ng teolohiyang liberasyon na lumago sa hangganan ng Cristianismo at Marxismo.
Kapag ang isang tao ay inangkin ang Panginoong Jesucristo bilang kanilang Tagapagligtas, marahil iba ang kanilang mga pakahulugan. “Pinalaya Niya ako sa aking guilt at depresyon.” “Pinalaya Niya ako sa alkoholismo.” “Pinalaya Niya ako sa aking adiksiyon sa pagkain.” “Binigyan Niya ako ng bagong pokus sa buhay.”
Hulaan ninyo kung gaano kadalas ginamit ang salitang Tagapagligtas sa Evangelio ni Juan, ang taning evangelistikong aklat sa Biblia. Maniniwala ka bang minsan lang (Juan 4:42)? Alam ninyo bang kailan man ay hindi tinukoy ni Jesus ang Kaniyang sarili bilang Tagapagligtas?ii
Ang mga tao ay hindi ipinanganak na muli dahil naniwala silang pinalaya sila ni Jesus sa kanilang pag-aalala, depresyon, guilt, alkoholismo, o kawalan ng layon. Upang ipanganak na muli, kailangang manampalataya ang isang tao sa Kaniya para sa Kaniyang ipinangako: buhay na walang hanggan na hind maiwawala (hal Juan 3:16; 6:35, 37; 11:26).
Isang panghuling punto. Sa Kasulatan, ang Tagapagligtas, ating Tagapagligtas, Diyos at Tagapagligtas, at Panginoon at Tagapagligtas ay madalas hindi tumutukoy sa ginawa ni Jesus na tayo ay posibleng maligtas. Minsan ang mga ekspresyong ito ay tumutukoy sa ibang uri ng pagliligtas. Si Jesus ang Tagpagligtas ng Israel (Mat 1:21; Lukas 1:47; 2:11; Gawa 13:23). Ililigtas Niya ang mga tao mula sa pang-aapi ng mga Gentil. Ililigtas Niya ang buong sanlibutan mula sa inhustisya, kawalan ng katuwiran, at kasamaan. Hinikayat ni Pablo ang mga mananampalatayang alipin na “pamutihan sa lahat ng mga bagay ang aral ng Dios na ating Tagapagligtas” (Tito 2:10, may dagdag diin). Ang doktrina ay kaakit-akit kapag hinayaan ng mga mananampalatayang ang kanilang ilawan ay magliwanag sa harap ng mga tao (Mat 5:16; Fil 2:15).iii
Magpokus tayo sa biyaya.
_____________________
- Ang Diyos Ama ay tinawag na “ating Tagapagligtas” nang maraming ulit (Lukas 1:47; 1 Tim 1:1; 2:3; 4:10; Tito 1:3; 2:10; 3:4; Jude 25). Sa Tito, ginamit ni Pablo ang terminong Tagapagligtas bilang salitang pantukoy pareho sa Panginoong Jesus at Diyos Ama.
- Hindi ko iminumungkahing ang Tagapagligtas ay hindi mahalagang konsepto. Ito ay masusumpungan ng dalawampu’t apat na beses sa BT. Ang iminumungkahi ko ay hindi ito ang bull’s eye sa evangelismo. Ang bull’s eye ay ang buhay na walang hanggang ipinangako ng Tagapagligtas. Nakalulungkot na posibleng manamapalatayang si Jesus ang Tagapagligtas- o personal na Tagapagligtas- at hindi manampalataya sa Kaniyang pangako ng buhay na walang hanggan.
- Komento ni Thompson, “Dapat bigyang pansin na ang katotohanang ang kahanga-hangang kilos ng mga nasa pinakamababang lebel ng lipunan (i, e, mga alipin) ay may epekto ng pamutihin (kosmosin, “palamutian” ang evangelio” (1,2 Timothy, Titus, p, 308).