Kahapon sa simbahan, kinanta naming ang kantang “Trust and Obey.” Nagresulta iyan sa blog na ito.
Ang magtiwala at sumunod ay kapareho ba ng manampalataya at sumunod?
Nang manampalataya tayo sa Diyos, tayo ay nakumbinse na ang Kaniyang sinabi ay totoo.
Nanampalataya si Josue at Caleb sa Diyos nang Kaniyang ipangakong ibibigay sa Israel ang lupain ng Canaan kung aahon ang bayan. Ginarantiyahan Niya ang tagumpay. Ang sampung natitirang espiya ay hindi nanampalataya sa Diyos.
Nanampalataya si Nicodemo sa pangako ni Jesus ng buhay na walang hanggan sa sinumang manampalataya lamang sa Kaniya para rito (Juan 3:16). Ganuon din ang babae sa balon (Juan 4:10-30).
Nanampalataya si Maria na bagama’t siya ay birhen, siya ay magdadalang tao ng isang batang lalaki (Lukas 1:31-38).
Wala sa mga taong ito ang nagtiwala sa Diyos para sa mga bagay na ito. Nanampalataya sila sa Kaniya. May pagkakaiba.
Nagtitiwala tayo sa Diyos sa mga bagay na hindi Niya eksplisit na pinangako.
Nananampalataya tayo sa Diyos sa mga bagay na Kaniyang ipinangako.
Maaari tayong magtiwala sa Diyos sa mga bagay gaya ng sumusunod:
- Magpapatuloy ang aking trabaho.
- Ang aking kalusugan ay magpapatuloy.
- Ang aking asawa ay mananatiling tapat.
- Ang Estados Unidos ay hindi babagsak sa aking buhay.
- Ang aking lunsod ay hindi lalamunin ng anarkiya.
- Ligtas akong makakapagmaneho, makalilipad, makakaski o makakasakay sa Uber.
Ang BT ay gumagamit ng ilang salitang Griyego na minsan ay sinasaling magtiwala: elpizo, elpis at peitho. Narito ang ilang mga halimbawa:
Sinabi ni Pablo, “Yamang nalalaman nga ang pagkatakot sa Panginoon, ay aming hinihikayat ang mga tao, nguni’t kami ay nangahahayag sa Dios; at inaasahan ko na kami ay nangahayag din naman sa inyong mga budhi” (2 Corinto 5:11).
“At kaniyang sinalita naman ang talinghagang ito sa nagsisiasa sa kanilang sarili, na nangagpapanggap na sila’y matutuwid, at pinawawalang halaga ang lahat ng mga iba” (Lukas 18:9).
“Nguni’t inaasahan ko na inyong mangakikilala na kami ay hindi itinakuwil” (2 Corinto 13:6).
“Kaya’t ang tunay na babaing bao at walang nagaampon, ay may pagasa sa Dios, at nananatili sa mga pagdaing at mga panalangin gabi’t araw” (1 Timoteo 5:5).
Ang pinakamalapit na sitas kung saan ang tiwala ay patungkol sa pananampalataya ay sa Ef 1:12:
“Upang tayo’y maging kapurihan ng kaniyang kaluwalhatian, tayong nagsiasa nang una kay Cristo.”
Maaaring ito ay tumutukoy sa pananampalataya sa Kaniya para sa buhay na walang hanggan. Ngunit mas malamang, ito ay tumutukoy sa pananampalataya sa nalalapit na pagbabalik ni Cristo, na siyang pag-asa ng mga mananampalatayang lumalakad na kasama Niya (Roma 5:2; Ef 1:18; Col 1:27; 1 Tes 2:19).
Nagkomento si Jamieson, Fausset at Brown, “tayong nagsiasa nang una kay Cristo– sa halip (tayong mga Judiong Cristiano), ‘na dati ay nagsiasa sa Cristo’: nab ago dumating si Cristo, ay naghihintay sa Kaniyang pagbabalik, na naghihintay sa kaaliwan ng Israel” (pp. 342-342). Nauunawaan nila ito bilang paniniwala sa unang pagdating ni Cristo bago Siya dumating sa mundo. Ngunit ibinilang ni Pablo ang kaniyang sarili. Bagama’t siya ay naghihintay sa pagdating ng Mesiyas, tinakwil niya si Jesus bilang Cristo hanggang sa daan patungong Damasco. Tinutukoy ni Pablo si Jesus dito. Mas maiging makita ito na pantukoy sa mga Judiong Cristiano na naghihintay sa Kaniyang Ikalwang Pagbabalik, na naghihintay sa kaaliwan ng Israel.
Ang pananaw ni Lenski ay kapareho ng sa akin:
Iilan lamang sa mga nakumberte sa Cristianismo ang may tunay na espirituwal na pag-asa kay Cristo; halos lahat sila ay may makalamang pag-asa sa pulitikal na Mesiyas. Ito ay sa kapurihan ng kaluwalhatian ng Diyos? Ang tunay na pag-asang ito ay pumasok sa mga puso ng mga Judiong Cristiano sa Efeso nang sila ay makumberte. (Galatians, Ephesians and Philippians, p. 380).
Habang tayo ay naniniwalang- samakatuwid ay nakumbinse- si Jesus ay malaong babalik muli, nagtitiwala tayo o umaasang Siya ay darating sa ating kapanahunan. Sigurado tayo sa nauna, ngunit hindi sa panghuli.
Kapag ako ay lumilipad, umaasa ako sa airline, sa eroplano, sa mga piloto. Higit sa lahat nagtitiwala ako sa Diyos habang lumilipad. Hindi ako naniniwalang garantisadong darating ako na ligtas pero umaasa akong oo.
Nagtitiwala ako sa aking doktor kapag kailangan ng surheriya. Subalit hindi ako naniniwalang garantisado ang magandang kalalabasan.
Iminumungkahi kong iwasan nating gumamit ng tiwala kapag tinutukoy natin ang pananampalataya kay Jesus. Ang salitang Biblikal ay manampalataya, hindi magtiwala.
Magtiwala at sumunod? Oo. Ngunit huwag din kalimutang manampalataya at sumunod din!