Ang ilang Cristianong tradisyon ay nagsasabing hindi dinirinig ng Diyos ang mga panalangin ng mga hindi mananampalataya. Ngunit hindi ba’t mayroong mga tao sa Biblia na nagtanong sa Diyos tungkol sa buhay na walang hanggan, at bilang resulta, ay nakarating sa pananampalataya kay Cristo at ipinanganak na muli?
Ang isang simpleng surbey sa Biblia ay nagpapakitang dinirinig ng Diyos ang mga panalangin ng mga hindi mananampalataya at maraming hind mananampalataya ang nagtanong sa Diyos tungkol sa buhay na walang hanggan. Ating siyasatin ang limang halimbawa.
Ang tagabantay-bilangguan sa Filipos (Gawa 16:30-31). Siya marahil ang pinakapamosong halimbawa. Tinanong niya, “Ano ang dapat kong gawin upang maligtas?” Bagama’t hindi niya ito direktang tinanong sa Diyos, tinanong naman niya ang mensahero ng Diyos, ang Apostol Pablo. Natanggap niya ang sagot: “Manampalataya ka sa Panginoong Jesucristo at ikaw ay maliligtas.” Naunawaan niya ito at nanampalataya. Bagama’t salungat sa ilang tradisyong Cristiano, ito ang malinaw na tinuturo ng Kasulatan.
Ang Babae sa Balon (Juan 4:1-26). Siya ay nakipagsagutan sa Panginoong Jesucristo. Sa isang pagkakataon, inimbitahan Niya siya na humiling sa Kaniya ng buhay na tubig, ang mensaheng nagliligtas (Juan 4:10). Sa kahulihulihan humiling siya (Juan 4:25) at tinugon Niya ang kaniyang kahilingan (Juan 4:26). Hindi lamang siya ang nakarating sa pananampalataya; bumalik siya sa lunsod at inebanghelyo ang mga tao rito (Juan 4:29-30, 42).
Ang Etiopeng bating (Gawa 8:26-38). Sinugo ng Espiritu Santo ang Evangelistang Felipe upang lapitan ang isang lalaking may malaking awtoridad na uuwi sa Aprika matapos sumamba sa Jerusalem. Nagbabasa siya mula sa aklat ni Isaias. Tinanong ni Felipe, “Naiintindihan mo ba ang iyong binabasa?” Sumagot siya, “Paano, malibang may magpaliwanag sa akin?” Kaya “hiniling niyang pumanhik si Felipe at maupong katabi niya.” Pinakita niya ang tekstong kaniyang binabasa, Is 53:7-8. Tinanong niya si Felipe kung ang propeta ay nagsasalita tungkol sa “kaniyang sarili o ibang tao?” Ang lalaking ito na may malaking awtoridad ay nakarating sa pananampalataya kay Cristo at binautismuhan ni Felipe.
Cornelio (Gawa 10:1-48). Si Cornelio ay isang Gentil na may malaking takot sa Diyos. Sumasamba siya sa Diyos sa isang lokal na sinagoga sa Caesaria. Siya ay “naglilimos sa mga tao [sa mga Judio] at nanalangin lagi sa Diyos.” Mga bandang alas nueve ng umaga, isang anghel ng Diyos ang nagpakita sa kaniya at sinabihan siyang magsugo sa Joppa para kunin si Simon Pedro (Gawa 10:5). Sinabi niya kay Cornelio na si Pedro ang “magsasabi sa iyo ng mga salitang magliligtas sa iyo at sa buo mong sambahayan” (Gawa 11:14). Dumating si Pedro at dinala si Cornelio at ang kaniyang sambahayan sa pananampalataya kay Cristo. Tumugon ang Diyos sa kaniyang aktibong buhay ng panalangin.
Ang taga-Macedonia (Gawa 16:9). Ang Apostol Pablo ay nakakita ng pangitain isang gabi. Nakita niya ang isang taga-Macedoniang “nakikiusap sa kaniya at nagsasabing, ‘Halika at puntahan ninyo kami sa Macedonia at tulungan ninyo kami.’” Ang resulta ay marami sa Europa, kabilang na si Lidia at ang tagabantay sa bilangguan sa Filipos, ang nakarating sa pananampalataya kay Cristo at naipanganak na muli. Kung siya ay isang aktuwal na tao- at malamang oo- siya man ay nakarinig din, nanampalataya at naligtas.
Sinabi ng Apostol Pablo na binigay ng Diyos sa mga Gentil ng pagkakataong “mahipo Siya at masumpungan (Gawa 17:27).i Ang Panginoong Jesus ay nag-iimbita sa mga taong humingi, humanap at kumatok (Mat 7:7-11). Sinabi ng awtor ng Hebreo na ang Diyos ay tagagantimpala ng mga masikap na naghahanap sa Kaniya.
Oo, ang ilang tauhan sa Biblia ay nagtanong sa Diyos tungkol sa buhay na walang hanggan. Dapat nating himukin ang mga taong ating sinasaksihang magtanong sa Diyos kung ang mensahe ba ng pananampalataya lamang ay totoo. Imbitahin natin silang basahin ang Evangelio ni Juan at hilingin sa Diyos na giyahan sila upang makaraing sa pagkaunawa ng pangako ng buhay na walang hanggan.
_________________
i Marami ang mali ang pagkaunawa sa Roma 3:11 na sipi ng Awit 14:1-13 at Ecc 7:20. Walang humahanap sa Diyos nang hiwalay sa paghihila ng Diyos. Kung ang Diyos ay hindi humihila sa lahat (Juan 16:7-11), walang taong maghahanap sa Diyos. Ngunit mayroong mga halimbawa sa Kasulatan ng mga mananampalataya at hindi mananampalatayang naghahanap sa Diyos. Ang Roma 3:11 ay hindi isang absolut na pahayag. Sa kaniyang komentaryo sa Roma, sinulat ni Mounce, “Ang Kasulatan ay nagtuturong ang Diyos ang may inisiyatibo. Siya ang unang humanap sa atin; hindi ang kabaligtaran” (p. 109).