Pinadala ko kay Grant ang aking blog kung saan sinagot ko ang kaniyang tanong tungkol sa kapatawaran ng mga kasalanan at kaligtasan. Sinulat niya ito bilang tugon:
Salamat nang marami sa iyong mabilis na tugon. Nakikita ko ang iyong sinasabi- paulit-ulit na ipinangako ni Jesus na ang sinumang sumampalataya sa Kaniya ay may buhay na walang hanggan at hindi Niya nabanggit na kailangan nilang magkaroon ng kapatawaran ng mga kasalanan.
Subalit ako ay nagugulumihanan pa rin dahil akala ko ang kapatawaran ng kasalanan ay kasinkahulugan ng pagkakaroon ng buhay na walang hanggan.
Dahil sa ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan, hindi ba’t nangangahulugan itong ang iyong mga kasalanan ay kailangang mapatawad upang magkaroon ng buhay na walang hanggan?
Hindi ba’t pinakita ni Jesus na ang dalawang ito ay maaaring mangyari ng sabay nang Kaniyang sinabi sa Juan 8:24: “Sinabi ko nga sa inyo, na kayo’y mangamamatay sa inyong mga kasalanan: sapagka’t malibang kayo’y magsisampalataya na ako nga ang Cristo, ay mangamamatay kayo sa inyong mga kasalanan.”?
Si Grant ay may tatlong bagong tanong.
Una, kung ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan, hindi ba’t nangangahulugang itong kailangan natin ang kapatawaran ng ating mga kasalanan upang maiwasan ang ikalawang kamatayan, ang walang hanggang kundenasyon?
Ito ay isang madalas na pagkakamali. Ang kabayaran ng kasalanan ay pisikal na kamatayan, hindi walang hanggan kundenasyon. Ang dahilan kung bakit ang mga mananampalataya ay namamatay pisikal ay dahil tayo ay makasalanan. Hindi pa inaalis ng krus ang kamatayan.
Ang kapatawaran ng mga kasalanan ay hindi nangangahulugang ang kabayaran ng kasalanan ay hindi na kamatayan.
Inalis ng krus ang kasalanan bilang hadlang sa pagitan ng natin at ng Diyos (Juan 1:29). Dahil dito maaari tayong maligtas. Ngunit hindi nito inalis ang kamatayan.
Ikalawa, hindi ba’t ang Juan 8:24 ay patunay ana ang kapatawaran ay kailangan upang maiwasan ang walang hanggang kundenasyon?
Ang Juan 8:24 ay madalas na hindi nauunawaan. Binabanggit ni Jesus ang kamatayan sa inyong mga kasalanan. Totoong lahat ay mamamatay dahil tayo ay mga makasalanan. Ngunit hindi iyan ang punto ng Panginoon sa Juan 8:24. Ang punto Niya ay malibang tayo ay manampalataya sa Panginoong Jesucristo, tayo ay mananatiling mga alipin ng kasalanan buong buhay natin. Ilang sitas matapos, sa Juan 8:30-32 nilinaw ito ng Panginoon. Upang makalaya sa pagkaalipin sa kasalanan, kailangan ng isang taong manampalataya kay Cristo at manahan sa Kaniya at sa Kaniyang mga aral. Pinalawak ni Pablo ang ideyang ito sa Roma 6. Ang lahat ng mananampalataya ay posisyunal nang malaya mula sa kasalanan. Ngunit upang maranasan ang kalayaang ito, kailangan nating manahan kay Cristo.
Ang isyu sa Juan 8:24 ay hindi ang kapatawaran ng mga kasalanan.
Ikatlo, hindi ba’t ang kapatawaran ng mga kasalanan at ang pagtanggap ng buhay na walang hanggan ay sabay na nangyayari? Oo. Ngunit ang kapatawaran ng kasalanan, hindi katulad ng buhay na walang hanggan, ay hindi minsan at magpakailan man. Kailangan natin ang nagpapatuloy na kapatawaran (1 Juan 1:9). Kung ang isang mananampalataya ay walang pakikisama sa Diyos, siya ay may buhay na walang hanggan ngunit hindi napatawad sa kaniyang pangkasalukuyang karanasan.